Naaksidente ang Binata at Nawala ang Kanyang Memorya, Isang Tuliro at Nawawalang Dalaga ang Magbibigay ng Kasagutan Niya
Simula 17 years old pa lamang si Kent ay nasa Amerika na ang kanyang mga magulang, bihira kung umuwi ang mga ito dahil parehong workaholic. Kaya tuloy nasanay na ang binata na mag-isa, ngayon ay 27 years old na siya. Naninibago tuloy siya ngayong todo asikaso ang nanay niya sa kanya, napauwi ito mula sa ibang bansa matapos ang malagim na aksidenteng kinasangkutan niya.
Walang maalala si Kent tungkol sa pangyayari. Ang alam niya lang, bumangga sa isang malaking puno ang kanyang sinasakyan upang maiwasan ang pagkahulog sa bangin, yun ang sabi ng mommy niya.
“Anak, sabi ko naman sa’yo if you really wanna go there, sasamahan kita.” pangungulit ng mommy niya.
“Ma, it’s been a month after the accident. Magaling na ang mga sugat ko. Look, nakakalakad na nga ako ng tuwid eh!” nagyabang pa ang lalaki.
“Andun na tayo pero look at you! Hindi pa bumabalik ang buong alaala mo, buti nga ay hindi full term amnesia ang nangyari sayo, kung saan wala ka nang maalala at all. Di ko kakayanin anak kung makakalimutan mo kami ng daddy mo,” biglang lumungkot ang ekspresyon nito kaya inakbayan ni Kent ang ginang.
“Alam mo namang kailangan kong gawin to diba? At kasama ko naman si Mang Pancho,” paniniguro niya rito, na ang tinutukoy ay ang driver na hinire nito dahil ayaw na nitong payagan siyang mag-drive na mag isa.
Nais niya kasing pumunta sa bahay ng tita niya sa probinsya, bago makarating doon ay madaraanan ang pinangyarihan ng aksidente at isa pang baryo ang tatahakin.
“Hangga’t maaari ay ayoko na sanang bumalik ka doon,” sabi pa ng ginang.
“Hindi naman pwede yun, halos si tita Delia na ang nagpalaki sa akin. Tsaka diba, sabi nila, kailangang harapin ang kinatatakutan. Malay mo mom, doon pa bumalik ang alaala ko,” sabi ng lalaki. Wala nang nagawa ang ginang dahil talagang desidido ang binata, nagdasal na lamang siya na sana ay manatiling ligtas ang kanyang anak.
Tinatahak na ni Kent at Mang Pancho ang daan papunta sa probinsya, nang makita ng binata ang bangin ay may kung anong kumurot sa puso niya. Hindi man matandaan ng utak niya ang eksaktong nangyari ay naaalala naman nito ang pakiramdam. Napapikit si Kent, pagdilat niya ay sa ibang direksyon na siya tumingin.
Pero ganoon na lamang ang pagtataka niya nang mahagip ng mata niya ang isang babae, nakayupyop ito sa gilid ng kalsada, nanginginig.
“Manong Pancho, bagalan mo nga saglit,” utos niya sa matandang driver na sinunod naman nito.
Medyo nakakapag-alala na mag-isa lang ang babae sa ganitong liblib na lugar. Alam niyang hindi na dapat siyang makialam, pero may kung anong nagsasabi sa kanya na kailangan niyang tulungan ang babae. Hindi kaya ng konsensya niya na iwan itong mag-isa lalo pa at mukhang hindi ito okay. Bukod doon, ang ganda nito..
“Miss, ayos ka lang?”
Napalingon si Almira sa lalaking nagsalita sa harapan niya. Napatulala siya sa mukha nito, ang gwapo.. kumakalma ang puso niyang kanina pa ninenerbyos.
“H-hindi ko alam,” litong sabi niya.
“What’s happening?” lalo namang nag-alala ang ekspresyon nito.
“Hindi ko alam, hindi ako makauwi…” pag amin niya. Ang totoo ay naisipan niyang maglakad-lakad kanina pero nang makarating siya sa lugar na ito ay bigla na lamang siyang nahilo, tapos hindi niya na matandaan ang pauwi sa kanila. Natatakot siyang maglakad kaya yumupyop siya sa gilid ng kalsada. Di niya alam, basta pakiramdam niya ay may mangyayaring masama ‘pag lumapit siya sa bangin.
Napabuntong hininga naman si Kent, “Kung… kung gusto mo lang naman pwede ka naming samahan ni Mang Pancho, pwede kang sumabay sa amin hanggang matandaan mo ang sa inyo.” sabi niya.
Walang pag-a-alinlangang tumango ang babae, kaya agad niya itong inalalayang makasakay sa likuran ng kanilang kotse. Iniwan niyang bukas ang bintana para masiguro nitong hindi nila ito gagawan ng masama.
“P-pwede bang sumama na muna sayo?” lito pa rin ang babae.
Nagtaka naman si Kent, bagamat ayos lang naman sa kanya. Hindi niya rin siguro matitiis na iwan ang litong babae sa barangay o sa police station na walang kasiguruhan kung mapapano ito.
“Pwede naman. Sa bahay ng tita ko ang punta namin, matagal na siyang nakatira sa lugar na ito so marami siyang kilala sa karatig baryo. Baka makilala ka niya at matulungan ka pang makauwi, magiging ayos ang lahat, miss.” sabi ni Kent, nginitian pa ito at sinulyapan sa likuran.
Napangiti rin ang babae, “Ako si Almira.” Ah, lumabas ang dimples nito habang ngumingiti. Bagay rito ang maiksing buhok na nililipad ng hangin, natural na natural at walang halong arte. Alam kaya nito kung gaano ito kaganda?
Ang lakas ng tibok ng puso ni Kent nang marinig ang pangalan nito. Ilang minuto pa ang lumipas, ilang nagkakahiyaang kwentuhan at mga patagong kilig pa, narating nila ang bahay ng tita Delia ni Kent.
Inalalayan niya ang dalaga na makababa sa kotse, sinalubong sila ng isang kasambahay na ngumiti sa kanilang dalawa.
“Good morning po, Ma’am, Sir, nagdidilig po sa likod si Ma’am Delia tatawagin ko lang po, sa loob nyo nalang po sya hintayin.” sabi nito.
Tumango si Kent at niyaya na si Almira na pumasok sa loob, tumambad sa kanila ang mga litrato ng binata na naka-display sa malaking salas nito. Pero ang nagpalaki sa kanilang mga mata ay ang ilang mga litratong nakapatong sa isang bukod na mesa.
Magkasama silang dalawa.
“Paanong..?” halos sabay nilang tanong. May litrato na binibigyan ng bulaklak ni Kent si Almira, mayroong nag-gi-gitara ang dalawa, may kuha pa nga na may nakalagay ‘Baguio City’.
Nasagot ang katanungan nila nang dumating ang Tita Delia ni Kent.
“Kent! Almira! Diyos ko po,” lumuluha ito at niyakap ang dalawa, ngayon ay pareho na silang lito.
“Akala ko, hindi ko na kayo makikitang buhay. Akala ko ay hanggang litrato na lang ako,” sabi nito.
“T-tita, ano ho ang nangyayari, bakit ho kilala nyo si Almira?” sabi ni Kent.
“K-kaanu ano ko po siya? Kaanu ano ko po kayo?” tanong naman ni Almira.
“Diyos ko! Hindi nyo pala natatandaan, ito pala ang sinasabi ng mommy mo Kent. Dito ka na lumaki sa akin, at dito mo na rin nakilala si Almira, mag-nobyo kayo, apat na taon na..” nakangiting sabi nito.
Nagkakahiyaan man ay parehong nakaramdam ng kilig ang dalawa nang magtama ang mga mata nila, ah, kaya pala ganoon na lang ang kabog sa dibdib nila pareho kanina.
“Balak mong dalhin sa Maynila si Almira at ipakilala na sa mommy mo pero naaksidente kayo malapit sa bangin. Ang sabi ng doktor ay may ilang bahagi ng buhay ninyo ang makakalimutan nyo pansamantala, pero walang nakakaalam kung kailan babalik ang mga alaalang iyon. Sa kaso nyo, nakalimutan nyo ang isa’t isa. Si Kent ay dinala ng mommy niya sa Maynila habang ikaw Almira ay nanatili sa baryo, pero sinusuportahan namin ang pagpapagamot mo..” sabi ng ginang.
Noon naalala ni Almira na kaya siya nawala kanina ay tumakas lang siya sa nanay at tatay niya dahil ayaw na siyang palabasin ng mga ito sa sobrang pag-a-alalang maulit ang aksidente.
Di niya alam, parang may nagsasabi sa kanyang kailangan niyang lumabas, pero nang makita niya naman ang bangin ay biglang sumakit ang ulo niya. Sakto na dumating si Kent..
“Siguro ay kailangan nyo munang mag-usap?” sabi ng tiyahin ni Kent at tumalikod na ito.
“Hi,” sabi ni Kent sa babae, anak ng putakte! Paano ba magsisimula? Sobrang hiya niya ngayon at sobra ang tibok ng puso niya.
“Hi,” nakangiting sagot din ni Almira. Di alam ni Kent, basta niyakap niya na lang ito bigla, ngayon niya na-realize na ito pala ang hinahanap niya. Bukod sa tita niya, ito pala ang nais niyang balikan sa baryong ito.
“Nakalimutan ka ng isip ko, pero hindi ng puso ko..” sabi ni Almira, parang nagkaintindihan naman sila at naglapat ang kanilang mga labi.
Hindi pa rin agad bumalik ang alaala ng dalawa kung paano sila nagkakilala noon, pero tinutulungan nila ang isa’t isa at ngayon ay gumagawa ng mga bagong alaala na magkasama. Pagkalipas ng isa pang taon ay nagpakasal na sina Kent at Almira.