1979 noong magkilala sina Allan at Sally sa pinagtratrabahuhan nilang ospital. Pareho silang nars pero sa magkaibang departamento. Noong una, panay ang papansin ng lalaki, lalo na sa tuwing daraan si Sally.
“Eto naman po pala ang Miss Universe ng ospital eh. Papicture naman ako miss!” biro ni Allan kay Sally.
Ngumiti lamang si Sally, pero hindi niya masyadong binibigyang atensyon ang binata. Hindi dahil sa hindi niya ito gusto, kundi dahil nakakaramdam siya ng hiya kapag kaharap na ito. Ang totoo nga niyan, maputi, matangos ang ilong, may magandang pangangatwan at matangkad si Allan.
Kahit na mga pasyente nga ay kinikilig din sa gwapong nars sa tuwing maghahatid ito ng gamot o titingin ng blood pressure. Tila ba isang ngiti lamang ng binata, gagaling kaagad ang mga kinikilig na pasyente.
Palaging sinasabi ng best friend ni Allan na gusto daw ng binata si Sally. Pero hindi naman agad naniniwala si Sally, dahil wala naman pinapakitang motibo ang binata
Isang gabi noon, pagkatapos ng duty ni Sally, hindi sinasadyang nagkasabay sila ni Allan na lumabas ng magkatapat na CR, matapos magpalit ng damit.
“Sally, uuwi ka na rin ba?” tanong ni Manolito, best friend ni Allan.
“Ah oo, bakit? Pauwi na rin ba kayo?” tanong naman ng dalaga.
“O Allan, pauwi na daw. Bakit di mo kaya sabayan no?” pang-aasar pa ni Manolito.
“Nako, kayo talag-” naputol bigla ang sasabihin ng dalaga nang biglang magsalita si Allan.
“Kanina ko pa nga inaantay na matapos duty niyan eh. Tignan mo, alas tres ako dapat uuwi, pero alas sais na nandito pa rin ako,” nakangiting sabi ng binata.
“Iyon naman pala eh, sige ha? Mauna na ako?” mabilis na naglakad si Manolito paalis habang nakangiting kumakaway, mga ngiting tila ba may ipinahihiwatig.
“Pwede ba kitang maihatid pauwi, Sally?” nahihiyang tanong ni Allan.
Tumango na lamang si Sally at napangiti. Ayaw sana niyang ipahalatang kinikilig siya, pero pahamak ang mga pisngi niyang biglang namula. Aarte pa ba naman siya? Ihahatid na nga siya ng lalaking gustong-gusto niya.
Tila ba hinipan lamang ng hangin ang mga nangyari. Naging mabilis ang lahat. Naging magkasintahan ang dalawa. At makalipas lamang ang isa’t kalahating taon, napagdesisyunan nila na magpakasal na.
Kahit na tumutol ang magulang nila sa mabilis na plano, naging mapusok pa rin ang dalawa at ipinilit ang kasal. Wala naman nang nagawa ang mga magulang nila kundi pumayag sa kahilingan ng mga anak.
Ang mga unang taon ng pagsasama nila ay naging mahirap. Nandyan ang ilang kakapusan sa pinansiyal, mga suliranin sa relasyon, pero pinili pa rin nila lumaban ng magkasama.
Nagbuntis si Sally at nasundan naman agad ito isang taon matapos isilang ang kanilang panganay. Lumaki ang kanilang pamilya, kaya lumaki din ang naging gastusin. Ito ang nagtulak kay Allan upang mangibang bansa at doon magtrabaho.
Kahit na nasa malayong lugar, hindi nakalimot si Allan na tumawag araw-araw sa asawa at iparamdam ang kanyang pagmamahal kahit na nasa malayong lugar.
Tanging telepono ang kanilang naging instrumento para maibsan ang labis na pangungulila sa isa’t isa. Tuwing nagkakaroon ng pagkakataon na makapagbakasyon, hindi naman nagsasayang pa ng panahon ang mag-asawa na lumabas at magsaya na silang dalawa lamang.
Tulad ng palagi nilang ginagawa. Naglalakad-lakad sila sa Parke. Bumibili ng cotton candy at sorbetes. Habang kumakain ay pinag-uusapan nila ang kanilang napakalaking plano para sa hinaharap.
Labis ang tuwa at kasabikan nilang mag-asawa nang planuhin nila ang isang magarbong kasal ulit para sa kanilang ika-tatlumpung anibersaryo bilang mag-asawa.
Permanente nang nagretiro si Allan at plinano nilang magtayo na lamang ng negosyo dito sa Pilipinas. Nang sa ganoon ay magkasama na silang tatanda ni Sally sa sariling bansa.
Habang nakahiga sa kama isang gabi, naisipang maglambing ni Sally sa kanyang asawa. Kahit na tumanda na, hindi pa rin nawala ang pagiging malambing nila sa isa’t isa.
“Allan, mahal ko, gaano mo ako kamahal?” seryosong tanong ng babae habang nakahawak sa kamay ng kanyang asawa.
“Bakit mo naman natanong iyan, mahal ko?”
“Wala lang. Gusto ko lang marinig. Sa susunod na buhay ba, nanaisin mo pa rin na ako ang maging asawa mo?” muling tanong ni Sally.
Napangiti naman si Allan at saka tumingin sa mga mata ng asawa. “Magmula noong unang araw kitang makilala, hanggang sa ngayong matanda na tayo, hindi pa rin nagbago ang pagmamahal ko sa’yo.
Kapag sinilip mo ang puso ko, makikita mong pangalan mo pa rin ang nakatatak dito. Sa buhay na ito, hanggang sa mga susunod pa, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Lagi mong tatandaan iyan. Mahal na mahal kita, Sally,” malambing na wika ni Allan sabay halik sa noo ng asawa.
Ibang-iba ang naging samahan ng dalawa. Kahit na may edad na, hindi pa rin nila nakalimutang iparamdam ang pagmamahal sa isa’t isa. Hindi nabago ng panahon o ng edad ang tunay na binubulong ng kanilang mga puso.
Kaarawan noon ni Sally. Abala ang mag-asawa dahil plano nilang lumabas ng magkasama. Nais sana silang manood ng sine at tumambay sa parke, at saka kumain sa isang mamahaling restawran upang ipagdiwang ang espesyal na araw ng babae.
Habang nag-aayos ng damit na susuotin, biglang nakarinig si Sally ng isang malakas na pagkalabog mula sa labas ng kwarto. Agad siyang napatayo upang tignan kung ano ito. Laking gulat niya na si Allan pala ay nakabulagta sa sahig at walang malay.
“Allan? Allan, mahal?” lumuluhang saad ni Sally.
Sa mismong araw ng kaarawan ni Sally binawian ng buhay si Allan. Inatake ito sa puso na naging dahilan ng kanyang pagpanaw.
Labis na kalungkungkutan ang nadama ni Sally. Hindi niya inaasahang ganoon kabilis mawawala at matatapos ang kanilang munting magpakailanman. Ang masaklap nito, sa kaarawan pa niya mismo natapat.
Lumipas ang isang taon ng pangungulila at pagiging malungkot. Sumapit na naman ang kaarawan ni Sally. Laking gulat niya na mayroong kumakatok sa kanyang pintuan. Tumayo siya at saka tinignan kung sino ito.
“Magandang umaga po sa inyo!” pagbati ng isang lalaki na mayroong malaking ngiti sa labi.
“Magandang umaga din sa’yo. Anong maipaglilingkod ko sa iyo ginoo?” tanong ni Sally.
“Nako, wala po. Sinadya ko po talaga kayo dito para ihatid sa inyo itong mga bulaklak. Galing po sa asawa ninyo,” nakangiting saad ng lalaki.
“Pero matagal nang wala ang asawa ko. Paano nangyaring sa kanya ito galing?”
“Ah ma’am, noong isang taon po kasi nagbayad ng malaki ang asawa ninyo sa amin upang bigyan kayo taon-taon ng mga bulaklak tuwing kaarawan ninyo.
Sa katunayan, may pirmahan pa po kami sa abogado na nakasaad po kapag nawala siya, taon-taon namin kayong dadalhan ng mga paborito ninyong bulaklak.
Ang sabi po niya, patunay daw ito ng kanyang pagmamahal sa inyo. Para kahit wala na daw po siya sa mundo, pero yung pagmamahal niya, magpapatuloy pa rin daw po. Hanggang sa araw na muling magkasama na kayo ulit,” kwento ng lalaki.
Napaluha naman si Sally habang hawak-hawak ang bulaklak na galing pala sa kanyang asawa. Sa mga sumunod na taon, palagi siyang nakakatanggap ng mga bulaklak sa iba’t ibang okasyon, tulad ng valentines, kaarawan at pasko.
Pinatunayan talaga sa kanya ni Allan na kahit nilisan na niya ang mundo, mananatiling tapat at buhay pa rin ang pagmamahal niya para sa asawa.
“Kaunting panahon na lang Allan, magkakasama na tayong muli. Mayayakap na kitang muli mahal ko. Matatapos na din ang ilang taong pangungulila,” nakangiting saad ni Sally bago tuluyang isinarado ang mga mata habang hawak-hawak ang huling rasyon ng bulaklak mula sa kanyang asawa.