Inday TrendingInday Trending
Unti-unting Pagbuo sa Pangarap Ko

Unti-unting Pagbuo sa Pangarap Ko

Panganay si Michael sa dalawang magkapatid. Magsasaka ang kanyang ama at tindera ng gulay sa palengke naman ang kanyang ina. Bata pa lamang ay pangarap na ni Michael na maging isang inhinyero.

Magaling kasi siya sa matematika at iba din ang taglay niyang galing sa pag guhit. Pero dahil sa matinding kahirapan sa buhay, mukhang ang mga naglalakihang pangarap niya ay mananatiling pangarap na lamang.

Lalo pang lumabo ang kanyang pag-abot sa pangarap nang tamaan ng matinding sakit ang ama at nawalan ng kakayahang magtrabaho. Na-stroke ito at naparalisado ang kalahati ng katawan.

Simula noon ay bumagsak na rin ang kanilang kabuhayan. Kinailangan siyang ipaampon at ipadala sa kanyang tiyahin sa probinsiya upang doon ay masuportahan ang kanyang pangangailangan.

Sa Tarlac, doon siya nag-aral ng elementarya hanggang second year high school. Tumutulong si Michael sa pag-aalaga ng mga hayop at pagbubuhat ng mga pagkain ng mga ito.

Kung minsan naman ay katuwang siya sa bukid para magtanim ng palay at iba’t ibang uri ng gulay. Hindi naging madali para sa kanya ang ganoong buhay, subalit kailangan niyang magtiis upang maitawid ang pangangailangan sa araw-araw na buhay.

Ilang buwan matapos magkasakit, pumanaw din ang ama ni Michael. Isang bangungot sa kanilang buhay. Umuwi siya ng dalawang linggo hanggang sa tuluyan nang maihatid sa huling hantungan ang ama.

Makalipas ang isang taon, nagpasya na si Michael na umuwi sa kanyang nanay, subalit imbes na matuwa, sumama ang loob niya sa kanyang ina nang malaman na may bago na itong kinakasama. Wala siyang ibang magawa kundi tanggapin na lamang ang lahat at makibagay na lamang sa bagong asawa ng ina.

“Michael, pinapatanong ng lolo at lola mo kung gusto mo daw bumalik sa probinsiya? Magbabantay ka lamang daw ng tindahan at tutulong ng kaunti sa bukid, pero ang mga tiyahin mo doon ang magpapaaral sa’yo ng fourth year mo?” tanong ng kanyang ina.

“Sige po inay. Walang problema sa akin. Mabuti nga po iyon at makakapagtapos po ako doon ng libre,” walang alinlangang tugon naman ni Michael.

Agad na nag empake si Michael at nagtungong muli sa Tarlac. Pero hindi naging madali ang buhay niya doon. Nag-aaral siya sa umaga, nagtratrabaho sa bukid sa hapon at bantay naman sa tindahan sa gabi.

Naranasan niyang magbuhat ng sako-sakong gulay at pataba sa lupa. Nagsuga din siya ng mga hayop tulad ng kambing, baka at kalabaw. Lahat ng iyon tiniis niya mapabuti lamang ang kanyang buhay.

Nang makapagtapos ng hayskul. Muling bumalik sa Maynila si Michael upang makasama ang ina. Lumuwas siya at doon sinubukang maghanap ng matinong trabaho na may malaking sweldo.

Habang pauwi noon, nadaanan niya ang paaralan na matagal na niyang pinapangarap. Napatayo na lamang siya sa noon sa harapan nito at napahinga ng malalim.

“Balang araw, makakatungtong din ako ng kolehiyo…” mahinang saad niya.

Ipinasok siya ng kanyang amain bilang construction worker. Dahil batak naman na din ang katawan niya sa pagbubuhat ng mabibigat sa probinsiya, hindi naman na din siya tumanggi. Ayaw naman din niyang maging pabigat pa sa kanyang nanay.

Kada susweldo, sa bangko kaagad ang takbo ni Michael. Nagsusubi na siya ng pera para sa mga pangangailangan, at lahat ng matitira ay sa bangko na mapupunta.

Matapos ang halos dalawa’t kalahating taon ng pag-iipon, kumuha ng entrance exam sa kolehiyo si Michael. Pinalad naman siyang makapasok sa isang magandang unibersidad. Dahil sa likas na talino at husay, nakakuha siya ng scholarship na makatutulong sa kanyang pangmatrikula.

Hindi naging madali ang pakikipagsapalaran niya. Nagtratrabaho pa rin siya sa konstruksyon, habang kumukuha ng Civil Engineering na kurso. Kahit na pagod na pagod na patuloy lamang niyang pinapaulit-ulit sa isip ang mga salitang:

“Mag-aaral at magsisikap ako para makahanap ako ng mas maayos na trabaho. Hindi ako titigil hanggang sa maging matagumpay na inhinyero ako.”

Ilang taong pagtitiis ang kanyang ginawa. Ilang taong tiniis ang bigat na iniinda sa katawan at mga nagsasakitang kalamnan para sa pangarap. Pero ibang saya ang kanyang nadarama dahil unti-unti nang naitatayo ang pangarap niya.

Matapos ang ilang taong pagbabanat ng buto, sa wakas ay natapos din ni Michael ang kolehiyo. Taong 2014, isa siya sa pinalad na makapasa sa Civil Engineering Licensure Examination.

Ngayon, kasalukuyang nagtratrabaho sa isang Australian Company si Michael sa Ortigas. Nae-enjoy na niya ngayon ang opisina na may aircon pati na ang trabahong matagal na niyang inaasam.

Sa huli ay nagbunga naman ang lahat ng kanyang pagsasakripisyo’t pagpapagal. Labis ang pasasalamat niya sa mga taong nagmalasakit at tumulong sa kanya upang makamtan ang pangarap.

Sa kabila ng labis na hirap at sandamakmak na pagsubok, nagawa niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Nagawa niyang sumulong at umahon sa hamon ng buhay.

Nakatingin siya ngayon sa isang malaking lote kung saan itinatayo ang magandang bahay. Noon, parte lamang siya ng konstruksyon na bumubuo ng mga gusali at kabahayan, ngayon naman, sariling bahay na niya ang pinapanood niyang mabuo.

Naniniwala siya na ang isang bahay na may matibay na pundasyon ay hindi basta-basta maitutumba ng mga darating na kalamidad. Salamat sa pundasyon na ipinamana sa kanya ng kanyang mga magulang. Ang kasipagan at pagiging matiyaga niya sa buhay ay bunga ng pagmamahal na mayroon siya para sa pamilya.

Para sa kanyang yumaong ama, ina, kapatid, mabait na amain, mga tiyahin at tiyuhin, pati na sa kanyang lolo at lola, inaalay niya ang tagumpay na narating niya sa buhay. Muli, siya si Engineer Michael P. — ang taong hindi umurong sa hamon ng buhay.

Advertisement