“Dahil hindi ko kayang maging kung sinong gusto mo, ibigay kung anong gusto mo, ibigay kung anong nararapat sa’yo; mahal kita, pero tama na!” mariin na binubulong lagi ni Carl, isang Civil Engineering student. Ngayo’y pighati ang nararamdaman niya dahil siya’y iniwan at pinagpalit ng kanyang dating nobya.
“Ano bang kulang ko at nawalan ka na ng gana sa akin? Ano bang mali ko at poot ang namuo sa kalooban mo?”
“Boi! Ano na nangyari sa’yo,” biglang tapik ni Prince, ang matalik na kaibigan ni Carl.
“Wala boi, nakakapikon lang siya,” tugon ni Carl.
“Sinong siya? Akin na, babanatan ko,” pabirong sabi ni Prince.
“Nataly.”
“Oh, siya. Sorry dudes, hindi ako nananakit ng babae; kahit gaano pa sila kawalang-hiya,” anito at biglang naging seryoso ang tono.
“Okay lang ‘yun. Makakaraos din ako,” tugon ni Carl.
Unang nagkakilala si Carl at Prince noong unang taon nila sa kolehiyo. Madalas silang nag-aaway noon marahil tahimik, seryoso, at maingat si Carl; samantalang maingay, palabiro, at magulo si Prince. Hindi sila nag-aaway gamit ang mga kamao nila, kung hindi gamit ang talino nila. Laging may paligsahan sa loob ng klase kapag magkasama ang dalawa. Sino ang mas mabilis magsolve? Sino highest? Hindi ito pinapansin ni Carl ngunit ito’y sineseryoso ni Prince.
Hanggang sa isang araw ay nakalimutang gawin ni Prince ang kanyang plates. Kinabukasan na ang pasahan ng mga gawa nila, at kumpleto ang gawa ni Carl. Nang malaman ni Carl ang sitwasyon ni Prince ay nagpasya itong tulungan man lang. Natapos nila ang lahat ng plates bago sila umuwi, at halata ang tuwa at pasasalamat sa mukha ni Prince. Kaya simula noon ay magkaibigan na ang dalawa.
“Pero boi, hindi naman sinasabi kong tama hinala ko, pero boi talaga, alam mo naman na ganito ang mangyayari. Binigyan na kita ng babala dati pa noong third year tayo,” wika ni Prince sa kaibigan.
“Hehe, oo nga eh. Hindi ko pinansin. Sa mathematics at physics matalino ako, at walang problema sa differential equations ang hindi ko nasasagutan. Pero sa kanya, pala-isipan kung anong tumatakbo sa isipan niya,” malungkot na tugon ni Carl.
“Hay, bakit mo nga ba siya niligawan noong una?”
“Maganda siya, makinis ang kutis, may magandang katawan, mapupungay na mga mata at maganda ang boses niya,” sagot ni Carl.
“Panlabas lang ‘yan boi, ano nagustuhan mo sa pagkatao niya?” sunod na tanong ni Prince.
Sa ganitong pagkakataon, napaisip na rin si Carl kung bakit nga ba siya napamahal kay Nataly. Unang nagkakilala ang dalawa sa ikalawang taon ni Carl sa kolehiyo at freshman si Nataly. Kumukuha ng kursong Accountancy si Nataly. Nagkataon lang na magkaklase sila sa isang math subject noon at nabighani si Nataly sa angking talino niya.
“Excuse me po, Hi! I’m Nataly! Gusto ko lang po sana magpatulong kung paano ito masolusyunan?” nakangiting humihingi ng tulong kay Carl.
“Oh, sige. So ganito ‘yan, you just need to draw a number line then set the outermost values. Given the equation that f(x) = 3x – 2, where x > 5, just plug-in values of x that is greater than 5 like 6, 7, 8.1, and so on, to the function; and the respective values of f(x) at every x should label coordinates of the function when we will graph it. Ganoon lang, Nat,” ang gana ni Carl marahil sobrang ganda ni Nataly at nagkaroon siya ng pagkakataong maipamalas ang kanyang talino.
“Ha?” nalilitong tanong ni Nataly.
“Ahaha, ito ganito lang gawin natin, una gawa tayo ng table of values at…,” at lumalim na ang mundo ng dalawa sa pag-graph ng isang equation.
“Oh! Ayun, gets ko na! Ang dali lang pala, at hindi ko alam kung bakit nahirapan ako noong hayskul ako,” pabirong sagot ni Nataly.
“Buti naman, oh, I forgot. Carl. My name is Carl. Nice to meet you Nat,” halatang kinikilig at namumula ang binata.
“Hi Carl! Nice to meet you too. Also, magpapatulong ulit ako sa’yo next time ha? Thank you again, Carl,” at biglaang niyakap ang ng dalaga ang binata.
Dito na nagsimula ang kwento ng dalawa. Matapos ang limang buwan, umamin si Carl kay Nataly na may damdamin siya para sa dalaga. Sinagot naman agad ng dalaga ang binata at naging sila, hanggang sa simula ng ika-limang taon ng kolehiyo ni Carl; at dito na tayo babalik sa kwentuhan ng magkaibigan.
“Sa totoo lang, noong una ay akala ko mabait siya. Noong una, akala ko mabuti siya; pero hindi pala. Habol lang pala niya ako dahil sa kakayahan ko, hindi sa kung sino talaga ako,” ika ng binata.
“Pero, kahit na nalaman kong unti-unting nagiging malamig na siya sa akin, at unti-unti, nahuhulog na siya sa iba, hindi ko pa rin magawang tuluyang magalit sa kanya.”
“Mahal ko pa rin siya, at dahil sa ginawa niya, hindi ko alam kung bakit parang nabubuhayan pa ako lalo na mag-aral at magsipag.”
“Simple lang ang sagot diyan, boi”, tugon ni Prince.
“Ano?”
“May gusto kang patunayan sa sarili mo, hindi lang sa kanya, kung hindi sa lahat ng tao,” maligayang tugon ni Prince.
“May gusto akong patunayan?” tanong ni Carl kay Prince.
“Oo boi, dahil sa ginawa ni Nataly, nabubuhayan kang magsikap pa lalo, at maglagay ng halaga sa iyong sarili. Boi, mahalaga ka na ngayon pa lang pero hindi kita pipigilan sa ninanais mo. Kung siya ang magiging rason upang magtagumpay ka pa lalo, why not? Go, at tutulungan din kita!” wika ng kaibigan at tinapik ang balikat ni Carl.
Sa lahat ng pait at tanong na naiwan sa isipan ni Carl ay isa ang tumatak sa kanya; hindi na lamang siya hihiling ng ganti o kasamaan kay Nataly, huhugot na lamang siya ng lakas para mas pagbutihin pa ang sarili. Naisip niya na hindi niya kailangang bumaba sa lebel ng isang taong hindi siya pinahalagahan nang tunay. Mas mahalagang i-angat na lamang ang sarili.
Dumaan din ang araw na hinihintay ng lahat, ang pagtatapos nila sa kolehiyo. Sabay na nagtapos sina Carl at Prince. Nagtapos si Carl bilang “Magna Cum Laude”. Nagtapos din kasabay nina Carl si Nataly. Lahat ay masaya sa kani-kanilang pagtatapos, lalo na si Carl.
“Para sa taong binigyan ako ng pag-asa at lakas, kahit wala ka na at nasa iba na ang oras at atensyon mo, lalo mo pa akong pinapalakas,” halata sa mga mata ni Carl ang determinasyon na magtagumpay.
Ilang buwan na rin ang lumipas matapos ang araw ng pagtatapos at mahimbing na natutulog si Carl. Biglang nagising ang binata sa kanyang nag-iingay na phone. Tumatawag pala si Prince sa kanya at nagulat pa siya dahil hindi naman mahilig tumawag ang kanyang kaibigan.
“Boi, anong nangyari? Nahuli ka ba ng mga pulis? Tigil mo na kasi ‘yan boi!” pabiro niyang sabi sa kausap.
“BOI! HINDI MO PA BA ALAM? TOP 3 KA, TOP 3 KA SA LAHAT NG KUMUHA NG BAR EXAM SA BATCH NATIN!” masayang sabi ni Prince sa kabilang linya.
Hindi makapaniwala si Carl sa magandang balita na kanyang narinig. Nagtagumpay siya. Sa kabila ng kanyang pinagdaanan ay nagtagumpay siya.