“Ayos ito, mukhang may makukuha ako ngayon,” bulong ni Geoffrey sa sarili habang tinitiktikan ang kanyang magiging biktima sa araw na iyon.
Mabilis na sinunggaban ng binata ang pitaka na nasa bag ng babae habang abala itong namimili.
“Magnanakaw! magnanakaw! Kinuha ang pitaka ko!” sigaw ng babaena sinubukan pang habulin si Geoffrey.
May mga tumulong sa babae na humabol din sa binata, kapwa namimili rin sa mataong lugar na iyon, ngunit walang tigil sa pagtakbo si Geoffrey na ‘di alintana ang mga naririnig na sinasabi ng iba sa kanyang paligid. Muntik pa siyang bumangga sa nagdaang kariton na may mga lamang prutas ngunit walang anu-ano’y kanya itong niluksuhan. Gawa ng kanyang pagmamadali ay napatid ang kanyang kaliwang paa ngunit wala siyang pakialam at patuloy pa rin sa pagtakas. Pumasok siya sa isang maliit na eskinita. Nang mapansin na nalusutan na ang mga humahabol sa kanya ay umupo siya sa isang tabi . Agad niyang tiningnan ang nakuhang pitaka, hindi ito karaniwang pitakang nakukuha niya, malaki ito at makapal na tila marami ang laman sa loob.
“Mukhang tiba-tiba ako ngayon, a!” nakangising sabi ng binata. “Sabi ko na nga ba big taym itong si ate, e. mukhang maraming malutong na datung sa loob,” patuloy na bulong sa isip.
Nang tingnan ang loob ng pitaka ay laking gulat niya nang makita ito na may lamang cellphone at limang libong piso na may kasamang barya, I.D, mga litrato at mga resibo. Agad niyang ibinenta ang nakuhang mamahaling cell phone at gagamitin namang panggastos ang nakuhang pera sa pang-araw-araw niya. Kapag naubos ay gagawin na naman niya ang ginawa niya nang nakaraang araw.
Kinaumagahan, paggising niya ay nakaramdam siya ng gutom kaya napagpasyahan niya na kumain sa labas dahil nga naman naka-harbat siya. Nang mapadaan siya sa kabilang kalye ay napansin niya na may mga nakapilang tao, siksikan ang mga ito. Magulo pa ang buhok ni Geoffrey at nakasuot ng maliit at maluwang na shorts na nagpalabas ng kanyang kapayatan.
“Aba! kahit minsan talaga labs na labs pa rin ako ni Lord, sarap talagang mabuhay,” aniya sa sarili.
Kasalukuyang may ginaganap na Outreach Program sa simbahang malapit sa tinutuluyan niyang apartment. Malaki ang ngiti sa mga labi ng binata dahil makakalibre siya ng pagkain at hindi na niya kailangang bawasan ang ninakaw niyang pera para makapag-almusal.
“Minsan talaga may pakinabang din itong mga baliw na ‘to, hallelujah, hallelujah! Sa inyo na ang Diyos niyo, akin ang pagkain niyo!” tatawa-tawa niyang sabi.
Tila hindi siya masisisi kung bakit ganoon ang kanyang pananaw dahil simula nang bata pa lamang ay ulila at palaboy-laboy na lang siya at walang kinikilalang sinumang pamilya o kamag-anak. Mula noon ay lagi na niyang sinisisi ang Diyos kung bakit naging ganoon ang buhay niya, lagi niyang banggit ay kung may Diyos ay bakit siya pinabayaan? kung may Diyos ay bakit siya nakararanas ng hirap?
Nakipila siya sa mga taong nanghihingi ng pagkain, nang makakuha ay naupo siya sa isang tabi at hinigop ang mainit na sopas at kumain ng monay. Habang kumakain ay bigla niyang naituon ang sarili sa isang babaeng may hawak mikropono at nagsasalita sa maliit na entablado.
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak na si Hesus upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan… kaya anuman ang pinagdadaanan mo ngayon, anuman ang kalagayan mo ngayon, kahit gaano ka naghihirap, mahal na mahal ka ng ating Diyos,” hayag ng babae.
Sa pagkakataon iyon imbes na balewalain ang salita ng Diyos na sinasabi ng babae ay bigla siyang nakaramdam ng kakaiba na kailanman ay hindi niya naramdaman, palagay niya’y tinutusok ng karayom ang puso niyang bato na sa pagtusok ay bumabaluktot ang karayom dahil sa tigas nito, ngunit hindi sakit ang dulot dahil may kung anong puwersang taglay ang kanyang naramdaman nang kanyang marinig ang mga salitang iyon.
“Kaya naman pala ganito ang naramdaman ko, ang ganda pala ni ate,” bulong niya sa sarili nang pagmasdang maigi ang babaeng nagsasalita.
Matapos ang pagsasalita ang babae ay nag-ayos ang binata na wala pang ligo simula pa nang nagdaang araw. Sa pagkakataong iyon hindi uso ang pomada, sa madaliang pag-aayos lang ng buhok ay ayos na. Nang makita nito na tila may gusto siyang sabihin ay pinangunahan na siya nito.
“Magandang umaga, ako si Natalie, ikaw?” tanong ng babae at inilahad ang kamay sa kanya na tanda na nais nitong makipagkilala.
Kahit medyo nahihiya ay sinabi ng binata ang kanyang pangalan at nakipagkamay rin.
“Ako si Geoffrey., ikinagagalak kitang makilala, miss!” aniya.
Napag-alaman ng binata na volunteer pala sa mga Outreach Program ng simbahan ang babae. Pakiramdam niya, kahit una palang silang nagkita nito ay magaan na ang loob niya rito. Mukhang nabihag ni Natalie ang bato niyang puso. Mula nang makilala niya ito ay nag-imbestiga siya kung saan ito nakatira at nalaman niya na malapit lang ang bahay nito sa tinutuluyan niyang apartment.
“O, Natalie, puso ko yata ay iyong pina-ibig,” bulong niya sa sarili habang nananalamin. “Aminado ako na marami ng babae ang dumaan sa aking mga kamay, ang iba pa nga sa kanila ay aking niloko at pinaglaruan dahil para sa akin ay hindi dapat sila sineseryoso ngunit nang makilala kita ginulo mo ang puso ko, ang buong pagkatao ko. Ano bang mayroon sa iyo, Natalie at ninakaw mo ang puso ko?” aniya sa isip.
Isang araw, habang naglalakad si Geoffrey ay nakasalubong niya si Natalie na maganda ang ayos at tila may lakad sa araw na iyon.
“Hi, Geoffrey, nagkita ulit tayo ha, hmm…gusto mong sumama mamaya, dadalawin ng aming grupo ang mga bata sa bahay-ampunan,” nakangiting sabi nito kay Geoffrey.
“Sige, pero may pagkain ba dun?” aniya.
Natawa ang dalaga sa sinabi niya.
“Oo, meron. Pupunta ka ha, hihintayin kita,” anito.
Sa pagyaya sa kanya ni Natalie ay muli na namang nagkakabog ang puso niyang bato na sa tingin niya ay malapit nang maging pusong mamon.
Nang simulan siyang isama ni Natalie sa mga gawain sa simbahan na inalok sa kanya ng dalaga ay marami ang pagbabagong nangyari sa binata. Nang makilala niya ng husto si Natalie ay natutong mag-ayos ng sarili si Geoffrey. Nabawas-bawasan din ang mga makamundong bagay na kanyang iniisip ngunit hindi madaling magbago sa isang tulad niyang magnanakaw at mandurukot. Nang sumunod na araw ay nandukot siya ulit ngunit nagkaroon na siya ng konsensya, hindi niya man naibalik ang kinuhang gamit ay ninanais niya nang itigil na ang kanyang ginagawa kaya napilitan siyang aminin sa dalaga ang lahat-lahat sa kanyang pagkatao.
“Ano, isa kang magnanakaw, mandurukot?” gulat na sabi ni Natalie nang sabihin ni Geoffrey ang madilim niyang buhay.
“Oo, Natalie. Isa akong masamang tao, kumukuha ng hindi akin, kawatan at kung anu-ano pa. Ginawa ko lamang iyon dahil iyon lang ang alam kong paraan para mabuhay, dahil hindi naman ako nakapagtapos ng pag-aaral. Kung lalayuan mo ako at magbabago ang pagtingin mo sa akin ay maiintindihan ko, ayoko na kasing maglihim pa sa iyo,” bunyag niya.
Aktong aalis na sana ang binata ngunit pinigilan siya ng babae.
“Sandali, Geoffrey! Aaminin ako, nagulat ako sa ipinagtapat mo sa akin ngunit hindi isang magnanakaw, mandurukot, kawatan ang nakita ko sa pagkatao mo nang makasama kita, isa kang mabuting tao. Naligaw kalang ng landas, hindi ka masamang tao. May panahon pa para magbago, Geoffrey, narito ako at tutulungan kita,” wika nito.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ni Geoffrey ay tumulo ang kanyang mga luha sa sinabing iyon ni Natalie. Ang inakala niyang taong matatakot sa kanya at lalayuan siya sa kabila ng madilim niyang nakaraan ay ang taong tataggap sa kanya at magbibigay sa kanya ng pangalawang pagkakataon para ituwid niya ang kanyang buhay.
Mahigpit na niyakap ng binata si Natalie.
“Alam mo ba na ngayon lang may nagtiwala sa akin? Mula pagkabata ay mag-isa lang ako ngunit nang dumating ka sa buhay ko ay naramdam ko na hindi pala ako nag-iisa at may liwanag pa palang naghihintay sa akin. Gusto kong magbago, Natalie. Gusto kong magbago para sa sarili ko at p-para sa iyo,” bunyag pa niya sa babae.
“G-Geoff -“
“Oo, Natalie, mahal kita noon pang una kitang makita. Kaya nagkaroon ako ng lakas ng loob na magbago ay dahil sa iyo. Iba ka sa lahat ng babaeng nakilala ko. Sana balang araw ay bigyan mo ako ng pagkakataong makapasok sa puso mo,” sabi ng binata.
Ngumiti ang dalaga at hinawakan ang mga kamay ng binata.
“Hindi ka mahirap mahalin, Geoffrey. Kaya nga malaki ang tiwala ko sa iyo na magbabago ka dahil alam kong mapagmahal kang tao. Ayaw mo lang ilabas diyan sa puso mo ang totoong kabutihan mo, hayag ng kausap.
“Hindi kita bibiguin. Magpapakatino na ako mula ngayon dahil alam kong may anghel nang gumagabay sa dem*nyong tulad ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil ibinigay ka Niya sa akin. Ngayon ay naniniwala na ako sa Kanya,” wika pa ng binata.
Hanggang hindi nila namalayan na naghinang na pala ang kanilang mga labi.
Mula noon ay tuluyan nang itinigil ni Geoffrey ang kanyang masasamang gawain at naghanap ng mas marangal na trabaho. Pumasok siya bilang janitor sa isang pampublikong paaralan. Nang makahanap ng pagkakataon na muling makabalik sa pag-aaral ay sinunggaban niya ito. Gusto ng binata na balang araw ay may maipagmalaki siya kay Natalie. Naniniwala siya na sa sipag, tiyaga at pagpupursige ay makakatapos din siya sa pag-aaral at makakahanap ng magandang trabaho para sa kinabukasan nila ng kanyang pinakamamahal na nobya. Bumalik rin ang kanyang pananampalataya sa Diyos at kasalukuyang nagsisilbi bilang volunteer worker sa simbahan gaya ni Natalie.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!