Inday TrendingInday Trending
Ang Boyfriend Kong Manikurista

Ang Boyfriend Kong Manikurista

Nakatitig ng mabuti si Lito sa karatulang nakasabit sa isang lumang salon sa bago niyang nilipatang barangay. “WANTED: MANIKURISTA”, iyan ang nakalagay. Walang-wala na siyang pera. Mula pa siya sa lalawigan ng Iloilo, at gaya ng kanyang mga ka-baryo, naglakas-loob siyang lumuwas ng Maynila upang suyurin ang kanyang kapalaran. Gasgas mang pakinggan, subalit iyon talaga ang nais niya. Makatisod ng mapagkakakitaan at pitaka’y malamanan.

Subalit sa tatlong araw na pakikipisan sa kanyang pinsang buo na may sarili na ring pamilya sa Bagong Silang, Caloocan City, bigo siyang makahanap ng maayos na trabaho. High school graduate lamang kasi si Lito. Hindi naman siya sanay sa mga gawaing ginagamitan ng lakas ng katawan, tulad ng karpinterya.

Sa Iloilo, nagtatrabaho siya bilang barbero. Halos lahat ng gupit ay alam niya. Mula bata hanggang matanda, kayang-kaya niyang gupitan ng buhok batay sa gusto ng mga ito. Noong bago pa siya magtungo sa Maynila, ipinangako niya sa sarili na kailangan pa niyang magsumikap at paghusayan sa paggugupit, dahil maaaring ito ang magdala ng swerte sa kanya.

Hanggang sa bigla na lamang magsara ang barber shop na kanyang pinaglilingkuran. Lugi na daw kasi. Mas nagpupunta na kasi ang mga tao sa mga salon at barber shop sa mga malls.

At ngayon, ginagalugad niya ang Maynila para lamang makahanap ng panibagong trabaho. Sinuyod na niya ang lahat ng barber shop na nakita niya, subalit walang bakante para sa isa pang barbero. Sa mga malls naman, kailangan daw na may maipakita siyang certificate sa hairstyling. Kailangan din daw ng barangay at NBI clearance.

Nahihiya na kasi siya sa kanyang pinsan. Bagama’t kasundo naman niya ito maging ang misis nito, iba pa rin kapag nakikisama ka. Paubos na rin kasi ang ipon niya para sa kanyang mga pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na sa pamasahe sa paghahanap ng trabaho.

Ngayon, nakatunghay sa kanya ang isang trabaho, na gustong-gusto na niyang patusin. Kaya lang naisip niya, baka hindi siya tanggapin dahil lalaki siya, at isang “straight” na lalaki. May alam siya sa pagmamanikurista. Noong nagtatrabaho pa siya sa barber shop, nakikita at napapanood niya kung paano ito ginagawa ng mga kasamahan niyang babae at beki. Karamihan sa mga nagpapa-mani-pedi ay babae. Bihira ang mga lalaki na gumagawa ng mani-pedi. Hanggang sa nakaisip ng ideya si Lito…

Isang araw, isang “magandang” beki, na may makapal na lipstick at make up ang pumasok sa salon na nangangailangan ng manikurista.

“Haleeerrrr!”

Nagtinginan sa salaming pinto ng salon ang mga hairstylist at beautician na babae at beki sa pumasok at bumati sa kanila.

“Yes po?” tanong ng kahera.

Ngumit nang pagkatamis-tamis ang beking pumasok. “Mag-aaplay sana ako bilang manikurista…” bitbit ng beki, na walang iba kundi si Lito, ang karatula. Naisip ni Lito na magpanggap na beki para makapasok siya sa trabaho. Humiram siya ng damit sa asawa ng kanyang pinsan. Ito pa mismo ang naglagay ng make up at lipstick sa kanya.

“Anong name mo, Tita?” Tanong sa kanya ng kahera.

“Call me, Lolita.”

Matapos ang interview sa kanya ng nagsisilbing tagapangalaga ng salon at kaunting pakitang-gilas, natanggap sa trababo si “Lolita”. Sabak kaagad siya sa mani-pedi. Natutuwa naman ang mga ginang at maging mga babae sa kanyang serbisyo. Binibigyan pa siya nang malaki-laking tip. Tuwang-tuwa naman si Lito. Kahit na ilang na ilang siya sa pagpapanggap, ayos lamang. Hindi naman niya balak magtagal doon, kahit na maayos naman ang pakisama ng kanyang mga kasamahan. Maiingay ang mga ito at masiyahin, subalit mababait naman. Tumagal ng dalawang buwan si Lito sa naturang trabaho at pagpapangap, hanggang sa mapagpasyahan niyang bumukod na at mangupahan na sa isang apartment. Pumayag naman ang kanyang pinsan.

Isang umaga, isang napakagandang babae ang nagtungo sa salon. Nabighani na kaagad dito si Lito, subalit hindi niya kailangang ipahalata. Nagpagupit muna ito, bago nagpamani-pedi. Ibang manikurista sana ang magbibigay ng serbisyo rito, subalit binulungan na kaagad ito ni Lito.

“Givesung mo na siya sa akin, teh… mukhang yamanin eh, need ko ng tip haha,” pakiusap ni Lito sa kasamahan.

“Sige na nga teh, pero kapag binigyan ka niyan ng tip, libre mo ‘ko ah. Pa-laps ka naman!”

Habang nililinis ni Lito ang kamay ng babaeng kursunada, kinausap siya nito.

“Bago ka lang dito, teh? Ngayon lang kita nakita rito ah.”

“Opo Ma’am. Mga dalawang buwan pa lang po,” nanginginig ang tinig ni Lito. Ang lambot kasi ng kamay ng dalaga.

“Ang ganda po ng kamay n’yo, Ma’am. At ang ganda-ganda n’yo po. Inggit ako,” pabirong sambit ni Lito.

“Salamat teh! Maganda ka rin naman ah. Bawasan mo lang siguro ang make-up at lipstick mo. Actually, kung naging lalaki ka, siguro gwapo ka…”

Kinilig sa kanyang narinig si Lito. Kung alam mo lang, sigaw ng isip niya.

Nagkapalagayang-loob sina Lito at ang babae, na nagngangalang Sheryl. Napag-alaman niyang dalaga pa ito at nagtatrabaho sa isang pampublikong tanggapan. Malaki rin ang tip na ibinigay nito dahil sa magandang serbisyo na ipinakita niya. Magmula noon, sa tuwing magtutungo si Sheryl sa salon, si “Lolita” ang kanyang hinahanap. Nagkukwentuhan din sila, hanggang sa naging magkaibigan na rin. Tumagal ito ng tatlong buwan.

Tuwing gabi, iniisip ni Lito na itigil na niya ang kanyang pagpapanggap. Ayaw na niyang mabuhay sa kasinungalingan. Isa pa, nahulog na ang kanyang loob kay Sheryl. Gusto niyang ipagtapat ang kanyang nararamdaman para sa dalaga. Isang desisyon ang kanyang napagpasyahan.

Isang umaga, hindi si Lolita ang pumasok sa salon kundi si Lito. Nagulat ang kanyang mga kasamahan, lalo na ang mga beki. Ipinagtapat niya sa mga ito ang pagsisinungaling na kanyang ginawa. Sinabi niyang nakahanda siyang tanggapin kung tatanggalin nila siya dahil sa ginawa niyang pagsisinungaling. Naunawaan naman ng lahat ang kanyang ginawa. Ang mahalaga raw, naging mabuti ang kanyang pakikitungo sa lahat, at ginawa nang maayos at mahusay ang kanyang trabaho bilang manikurista.

Maraming nagwapuhan sa tunay na anyo ni Lito, lalo’t hindi na siya nakasuot-pambabae, wala na ring make-up at lipstick. Inamin din ni Lito na kaya niya napagpasyahang umamin ay dahil sa isang customer na kanyang napusuan.

Ngayong araw na ito ang schedule ni Sheryl, kaya excited si Lito sa pagdating nito. Lumipas ang maghapon hanggang sa pagsasara ng salon, subalit walang Sheryl na nagpunta. Nabagabag si Lito.

Lumipas ang isang linggo, wala pa ring Sheryl na nagtutungo sa salon. Labis na nag-alala si Lito. Ano na kayang nangyari sa kanya? Kung kailan naman handa na siyang magpakilala rito, ngayon pa nangyari ito?

Minsan, habang naglalakad sa isang mall upang mamili ng kanyang mga kailangan, isang pamilyar na babae ang kanyang nakita. Si Sheryl! Kumabog ang dibdib ni Lito. Ito na ang pagkakataon para magpakita at makipagkilala rito.

Kahit kabado, lumapit si Lito kay Sheryl.

“Hi Sheryl… kumusta na?”

Kunot-noong napalingon sa kanya si Sheryl. Tinitigan siya mula ulo hanggang paa.

“Yes kuya? Magkakilala ba tayo?” Takang tanong nito.

“O-oo. Ako si Lolita, yung manikurista mo sa salon…”

Nanlaki ang mga mata ni Sheryl. “Ikaw ba talaga iyan? Bakit nagkaganyan ka… I mean… bakit hindi ka na nakabestida?”

Inaya ni Lito si Sheryl at ipinagtapat ang lahat. Naunawaan naman nito ang kanyang pinagdaanan.

Hanggang sa lagi na silang lumalabas bilang magkaibigan. Niligawan ni Lito si Sheryl. Tumagal ito ng halos isang buwan, hanggang sa sinagot na siya nito.

Matapos ang dalawang taon, nagpakasal ang dalawa. Natapos na rin ni Lito ang kanyang 2-year course para sa hairstyling. Gusto niyang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan bilang mahusay na barbero.

Sa kanilang honeymoon, may ibinulong si Sheryl sa kanyang asawa.

“Alam mo ba honey kung bakit kita pinakasalan?”

“Ano iyon?”

“Kasi, para may asawa na ako, may manikurista pa ako,” biro ni Sheryl sabay kindat. At nagkatawanan sila.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement