Pag-ibig sa Mapaggambalang Panaginip
Tumatakbo ang babaeng nakaputi. Hinabol niya. Subalit tila hindi niya mahabol ito hanggang sa makaabot sila sa bangin. Tinawag niya ang pangalan ng babae, subalit hindi ito lumingon sa kanya. Hanggang sa nalaglag ang babae sa bangin…
“Huwaaaaaagggggggg!!!!!”
Bumalikwas ng pagbangon si Ernesto. Gumigitaw ang butil-butil na pawis sa kanyang noo. Isang panaginip na naman. Isang bangungot. Kinuha niya ang isang baso ng tubig na nakalapag sa lamesita, katabi ng kanyang kama.
Ikatlong beses na niyang napapanaginipan ang babaeng nakaputing tumatakbo, hanggang sa mahulog sa bangin. Sa tuwing siya ay bumabangon, hindi niya maalala kung nakita o nasilayan man lamang niya ang mukha nito. Hindi rin niya maalala ang pangalan. Basta ang alam niya, nagsisimula ang pangalan nito sa letrang N, subalit hindi niya talaga matandaan. Ngayon lamang siya nanaginip ng ganoon sa tanang buhay niya.
Isang propesor sa Agham Panmlipunan o Social Science si Ernesto sa isang sikat na pampublikong pamantasan sa Maynila. At dahil ito ang kanyang trabaho, minsan ay ginugugol niya ang kanyang oras sa pagtungo sa mga museo upang madagdagan ang kanyang kaalaman. Nasuyod na niya ang lahat ng mga museo sa buong Pilipinas. Ngunit ang pinakapaborito niya ay ang Pambansang Museo na katapat ng isang pamantasang pangguro sa Maynila.
Ngayong araw na ito, naka-schedule ang kanyang pagbabalik sa naturang museo. Nababagot siya. Mas gusto pa niyang magtungo sa museo kaysa magpunta sa mall. Sa mall kasi, marami siyang nakikitang mga magpares. Mga magkasintahan. Mga mag-asawa. Naiinggit si Ernesto. Nanunumbalik sa kanya ang kanyang nararamdamang kakulangan. Ang pag-iisa sa buhay.
Sa gulang na 38 taong gulang, single pa rin si Ernesto. Ayaw na niyang umibig pa. Niloko lamang siya ng kanyang una at huling girlfriend na sumama sa isang lalaking mas mayaman at “exciting” kaysa sa kanya. Boring daw kasi siya. Masyadong intelektwal.
Simula noon, ipinangako ni Ernesto sa sarili na magpapakahusay sa kanyang trabaho. Hindi niya pinansin ang udyok ng kanyang mga kasamahan at kaibigan na humanap ng makakasama sa buhay. Para sa kanya, hindi naman kailangang hanapin ito. Kusa itong darating.
Masiglang nagtungo si Ernesto sa Pambansang Museo. Nagtungo siya sa seksyon ng mga Manunggul Jar. Muli niyang sinipat ang dakilang Spolarium ni Juan Luna. Maya-maya, ipinasya niyang magtungo sa mga lumang paintings.
Alam niya, siya lamang mag-isang bisita sa naturang museo. Itinaon niya talaga na weekdays upang madalang lamang ang mga taong papasok doon. Isang lumang painting na mukha ng tila natutulog na babae ang pumukaw sa kanyang isipan. Noong hindi pa uso ang mga camera, ipinipinta ng mga pintor ang mga mukha ng pumanaw habang nasa loob ng kabaong.
“Iyan po ay nalikha noong 1890…”
Muntik nang mapatalon at mapahiyaw si Ernesto nang bigla na lamang magsalita ang isang babaeng curator sa kanyang likuran.
“N-nakakagulat ka naman, Miss. Tinakot mo ako.”
“Paumanhin. Ako po ang tagapangalaga sa bahaging ito.” Nakangiting sabi ng babae. Nakaputi ito. Sa isip-isip ni Ernesto, marahil ito ay isang curator ng naturang museo.
“Matagal ka na ba rito Miss o bago pa lang? Parang ngayon lang kita nakita rito..”
“Medyo matagal-tagal na po. Baka hindi lamang po tayo nagkakatagpo,” magalang na sabi nito.
At inisa-isa na nga ng babaeng curator ang mga paintings na matatagpuan sa bahaging iyon ng museo. Manghang-mangha naman si Ernesto sa husay magpaliwanag ng babae.
Magmula noon, napapadalas ang pagpunta ni Ernesto sa museo. Agad siyang nagtutungo sa paintings section upang makita ang dalaga. Isay ang pangalan nito.
Nagkapalagayang-loob sila ni Isay, hanggang sa sinubukan niyang hingin ang numero nito. Namula si Isay. Hindi nito ibinigay ang numero, dahil wala raw siyang numero. Sa isip-isip ni Ernesto, imposibleng walang cellphone ang mga tao ngayon. Baka ayaw lang ibigay.
Ilang buwan ding nagkita sina Ernesto at Isay sa loob ng museo. Sa tuwing inaaya ng propesor ang curator na lumabas sila pagkatapos ng duty nito, tumatanggi ito. Kailangan daw niyang umuwi kaagad sa kanyang pinanggalingan. Minsan, nawi-weirduhan si Ernesto sa dalaga dahil masyadong malalim ang pananalita nito, lalo na sa Tagalog.
Nagustuhan ni Ernesto si Isay, at sa palagay niya, kung magkakaroon man siya ng kasintahan, pipiliin niya ang mga gaya ni Isay. Simple, maganda, matalino. Magkapareho sila ng mga interes. Nagkakatagpo ang kanilang mga iniisip. Pareho silang interesado sa kasaysayan.
Ipinadala sa isang convention sa ibang bansa si Ernesto para sa presentasyon ng kanyang papel-pananaliksik. Halos isang linggo rin siyang namalagi sa Singapore. Pagbalik niya, agad siyang nagtungo sa museo upang bisitahin ang kaibigang curator. May dala-dala siyang pasalubong.
“Miss, pwede bang malaman kung naka-duty si Isay?” tanong ni Ernesto sa receptionist ng museo. Naisip niya, ipapadaan niya ang lahat sa mas maayos na proseso. Nagtungo siya roon bilang kaibigan, hindi bilang isang turista.
“Sino po, sir? Isay?”
Natigilan si Ernesto. Hindi niya naitanong ang apelyido nito.
Inilarawan na lamang ni Ernesto ang mga pisikal na katangian ni Isay. Sinabi niyang ito ang curator sa mga lumang paintings. Nangunot ang noo ng receptionist. Nagpaalam ito nang saglit, at pagbalik ay may dala-dalang makapal na folder. Nasa folder na iyon ang profile ng lahat ng naging kawani at curator ng museo.
“Siya ho ba ang tinutukoy n’yo?” turo ng receptionist sa isang larawan. NERISSA TUMANENG pala ang buong pangalan ni Isay. Tumango si Ernesto.
“S-sir…” sabi ng receptionist sa basag at tila takot na tinig. “Si Nerissa po ay matagal nang pumanaw! Dati nga po siyang curator sa paintings section. Siya po ay nagpatiwakal. Tumalon sa bangin.”
Pagkauwi sa bahay, nanumbalik sa alaala ni Ernesto ang kanyang mga panaginip. Isang babaeng nakaputi, tumatakbo, at nahulog sa bangin. Sa letrang N nagsisimula ang pangalan nito. Nerissa.
Nang gabing iyon, muling nanaginip si Ernesto. Matagal na siyang hindi nananaginip, simula nang makilala niya si Isay sa museo.
Tumatakbo ang babaeng nakaputi. Hinabol niya. Subalit tila hindi niya mahabol ito… hanggang sa makaabot sila sa bangin. Tinawag niya ang pangalan ng babae…
“Nerissa…”
Hindi lumingon ang babae.
“Isaaaayyyy!!!”
Lumingon sa kanya ang si Isay. Nakangiti ito sa kanya, at namaalam.
“Isay, mahaaal kitaaaaaa!!!!”
Hanggang sa nalaglag ang babae sa bangin…
Bumalikwas ng pagbangon si Ernesto. Gumigitaw ang butil-butil na pawis sa kanyang noo. Kinuha niya ang isang baso ng tubig na nakalapag sa lamesita, katabi ng kanyang kama. Bukas na bukas din, aalamin niya ang tunay na dahilan ng pagpanaw ni Isay.
Sa pagtatanong-tanong, napag-alaman ni Ernesto ang tirahan ng pamilya ni Isay. Nakausap niya ang ina nito. Taong 2009 nang tapusin umano ni Isay ang sariling buhay, dahil sa hindi pinakasalan ng kanyang kasintahan. Tumalon ito sa isang bangin. Noong 2009, madalas ang pagpunta-punta ni Ernesto sa museo. Inalam niya kung saang sementeryo makikita ang puntod nito.
Sa puntod ni Isay, inilapag niya ang mga nakapasong bulaklak na kanyang binili, at ipinagtulos ito ng mga kandila. Tinanaw niya ang langit. Bukas na bukas, pupunta siya sa simbahan upang ipasama sa dasal ang pangalan ni Isay, para sa ikatatahimik ng kaluluwa nito.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.