Para kay Tinoy, ang kalye ay kanyang kaharian, at ang pagtitinda ng lumpiang toge ang kanyang buhay. Matagal na niyang gawain ito. Wala siyang alam gawin kundi ang maglako ng lumpiang toge, shanghai, at dynamite sa mga kalye. Siya rin ang nagluluto nito. Tuwing madaling araw, gumigising siya upang ihanda ang kanyang mga paninda. Pagpitada ng alas sais, isusunong na niya sa kanyang ulo ang malaking tray, bitbit ang galon ng sukang maanghang, at sisigaw na ng “Lumpia! Lumpia kayo diyan!”
Ito ang bumuhay sa kanyang paglaki at pagbibinata, at ngayon, sa kanyang mag-ina. Masaya na sana si Tinoy sa simpleng pamumuhay na meron sila ni Minda, ang kanyang napangasawa, na isa namang kasambahay. Subalit ang kanilang sanggol ay may sakit. Mahina ang mga baga nito.
Ang anak na si Janjan ang kanyang inspirasyon kung bakit siya kumakayod ngayon. Lahat ay gagawin niya para sa kanyang mag-ina. Sinusuyod niya ang lahat ng kalyeng madaanan niya upang makapaglako lamang ng lumpiang toge. Sa totoo lang, marami naman siyang suki dahil talagang masarap ang kanyang mga paninda.
Para kay Tinoy, isang marangal na hanapbuhay ang pagtitinda ng lumpia. Ito ay nakasanayan niyang gawin noong nabubuhay pa ang kanyang Itay, na siyang nagpamana sa kanya ng resipi sa kung paano gumawa ng masarap na lumpia.
“Anak, huwag mong ikakahiya ang pagtitinda natin, ang ginagawa natin. Marangal na hanapbuhay ito. Hindi tayo nagnanakaw at umaasa sa iba. Kahit hikahos tayo, huwag na huwag mong ipagpapalit ang iyong dignidad sa pera,” kabilin-bilinan ng kanyang yumaong ama sa kanya.
Isang tahimik na hapon, habang iniikot ni Tinoy ang mga kalye at inilalako ang mga panindang lumpia, napansin niyang may malaki at makapal na envelope na nasa gitna ng kalsada. Pinulot niya ito. Nababalutan ng scotch tape ang buksanan nito kaya hindi niya nasilip ang laman. Ipinagpatuloy niya ang paglalako hanggang sa sumapit ang gabi.
Pagkauwi at pagkatapos linisin ang mga kasangkapan sa pagluluto, nakahanda nang mahiga si Tinoy. Subalit naalala niya ang napulot na envelope. Sa isip-isip ni Tinoy, baka pera. At hindi nga siya nagkamali. Pera nga ang laman nito. Hindi lang basta pera. 200,000 piso!
Napalunok si Tinoy. Ngayon lamang siya nakahawak ng ganoong kalaking halaga. Sapat na ang mga halagang iyon upang makabayad sila ng kanilang mga utang sa 5’6 at tindahan. Sapat na ang mga halagang iyon upang may maidagdag siyang pamuhunan sa pagtitinda ng lumpia. Sapat na ang halagang iyon upang maipagamot ang kanyang anak, o makabili ng suplay ng mga gamot para dito.
Subalit alam niyang hindi sa kanya ang pera. Paano kung ang tunay na may-ari nito ay nasa mahigpit ding pangangailangan? Paano kung katulad din niyang mahirap, o may sakit? Kailangan niyang ibalik ang naturang pera. Agad niyang ipinakita ito sa kanyang asawa.
“Kailangang ibalik natin ito, mahal,” sabi ni Tinoy sa asawa.
“Pero mahal… baka kaloob talaga ito sa atin ng Diyos. Mag-isip ka rin. Wala namang detalye kung kanino o sino ang may-ari. Hindi naman siguro kasalanan sa Diyos kung gagamitin na natin. Baka padala Niya iyan para sa atin,” nanghihinayang na sabi ng kanyang asawa.
Napaisip si Tinoy. May punto ang kanyang asawa. Naguguluhan siya. Subalit tila naririnig niya ang mahinang bulong ng kanyang Itay sa kanyang mga tainga.
“Kahit hikahos tayo, huwag na huwag mong ipagpapalit ang iyong dignidad sa pera…”
Isang mahirap subalit tuwid na pagpapasya ang ginawa ni Tinoy. Kinabukasan, dinala niya sa estasyon ng pulisya ang envelope na naglalaman ng pera. Ibinigay niya sa pulisya ang detalye kung paano niya napulot ang pera. Ibinigay din niya ang numero ng kanyang cellphone.
Masaya ang puso ni Tinoy. Alam niyang kung buhay ngayon ang kanyang Itay, pihadong masayang-masaya ito at nakangiti sa kanya. Ginawa niya ang tama. Hindi niya ipinalit ang kanyang dignidad.
Tatlong araw ang nakalipas, nakatanggap ng text si Tinoy mula sa isang pulis. Pinapapunta siya sa estasyon nila dahil nahanap na raw ang may-ari ng perang napulot niya, at nais daw siyang makilala at makausap. Isinama ni Tinoy ang kanyang mag-ina. Nakaharap nila ang isang mayamang lalaki, na isa palang pediatrician. Bilang kapalit sa kagandahang-loob ni Tinoy, inako ng lalaki ang pagpapagamot sa kanyang anak. Binigyan din siya ng pabuyang 100,000 piso, kalahati ng kanyang ibinalik sa napulot na pera.
Bukod dito, sumikat pa si Tinoy sa social media, at naitampok pa sa mga balita sa iba’t ibang tv station dahil sa kanyang ginawa. Lalo pang dumami ang kanyang mga suking bumibili ng lumpia. Nakaipon si Tinoy, at nakapagtayo ng maliit na karinderya sa palengke.
Twuing gabi, isinasama ni Tinoy sa kanyang mga dasal ang kaluluwa ng kanyang Itay. Labis ang kanyang pasasalamat sa amang nagpalaki sa kanya nang maayos at marangal, na tutularan naman niya bilang ama sa kanyang mga magiging anak.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.