Inday TrendingInday Trending
Magaling Ka Sana, Duling Ka Lang

Magaling Ka Sana, Duling Ka Lang

“Magaling ka namang umarte, saka kumanta, kaya mo ring sumayaw, napakagaling mong binata. Hintayin mo na lang ang tawag namin ha.”

“Tatawagan ka na lang ng HR namin.”

“Balik ka na lang sa susunod.”

Ilan lamang ito sa mga natatanggap na komento ni Fernand sa tuwing susubok siya sa isang audition. Pangarap ng binata na maging isang actor, ngunit dahil sa duling ang kanyang mata, palagi siyang umuuwing luhaan.

Magaling naman siyang umarte, maganda ang kanyang boses at talaga nga namang pang streetboys ang galawan niya sa pagsayaw ngunit talagang kapag tumingin na sa kanyang mga mata ang mga hurado, doon siya pumapalya. Bata pa lamang siya noong mapansin na ng kaniyang mga magulang ang kanyang kalagayan.

“Hay naku Fernand, tumigil tigil kana kasi sa pagpunta sa mga auditions na yan! Sayang lang ang pera mo, imbis na ipangdagdag mo na lang pangbili ng pagkain natin, ginagastos mo pa pamasahe papunta sa mga pesteng auditions na yan! Tapos ano? Uuwi ka dito ng luhaan.

Hindi kana ba nagsawa ha? Sabi sayo ayaw ng mga agency ngayon ang mga katulad mong ganyan ang mata! Mukha ang puhunan Ferdinand, mukha!” sermon ng nanay ni Fernand, lagi itong ganito sa tuwing uuwi ang anak kaya naman malayo ang loob ng binata sa kanya.

“Hoy matandang walang pangarap sa buhay, hayaan mo nga ang anak mo! Kung makapagsalita ka dyan kala mong hindi lumabas sa iyo si Fernand! Kapag yan nakuha-kuha isang araw bilang artista, ewan ko lang kung hindi ka magpa-fiesta.” inis na ika ng kanyang tatay. “Ituloy mo lang yan, nak. Nagtitiwala ako sa kakayahan at galing mo. Balang araw mapapansin ka rin nila.” pagpapalakas ng loob nito sabay tapik sa likod ng binata.

Sinunod ni Fernand ang tatay. Kada may nababalitaan siyang auditions sa kahit saang lugar na malapit sa kanila, hindi siya nag-aatubiling ibahagi ang kaniyang talent. Mapakantahan man ito, sayawan o dramahan, hindi niya ito pinapalampas ngunit katulad ng dati, hindi siya natatanggap. Ang mas masakit pa, kinukutya at pinagtatawanan siya ng mga taong nakakasaksi sa mga ginagawa niya.

“Duling naman e, sayang! Magaling sana e.”

“Oo nga e, edi sana tapos na ang audition na ito.”

“Hay naku, takpan na lang natin yung mata kapag nag-perform na!” pagkukwentuhan ng mga hurado habang nagpapakitang gilas ang binata dahilan para tumigil siya at umalis sa silid na iyon.

“Wala naman ata talagang kukuha na sakin. Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko, pero bakit lagi na lang nila akong tinatanggihan?” ani Fernand sa sarili, hindi naman sinasadyang marinig ito ng kanyang tatay.

Nilapitan siya nito at sinabing, “Nak, maaaring hindi pa sa ngayon, pero sigurado ako malapit na yung araw kung saan mapapansin nila ang talentong mayroon ka. Bukod pa don, kahit na may diperensya ang mga mata mo, kitang-kita ko pa rin ang determinasyon mong magbahagi ng talento. Kaya mo yan anak.” nakangiting ani ng tatay niya.

Nagulat na lamang ang mga magulang ni Fernand nang isang araw ay nagsusumigaw ito sa kanyang kwarto. Agaran nila itong pinuntahan at nadatnan nila ang anak na umiiyak sa tuwa.

“Ma, Pa, tingnan niyo po! Nagtext sakin ang isang sikat na talent agency! Bumalik daw ako doon at mag-guest sa isa nilang noon time show! Masyado daw silang na-inspire sa talentong mayroon ako!” iyak ni Fernand habang tatalun-talon sa kanyang kama.

Wala nang sinayang na minuto ang binata. Naghanap siya ng maayos na damit, nilagyan niya ng kaunting gel ang buhok saka niya pinakintab ang kanyang sapatos. Lumabas na siya ng silid at maluha-luhang nagpaalam sa mga magulang at sinabing, “Ma, Pa, ito na to.”

At iyon na nga ang naging simula ng career ng binata. Maraming manunuod ang naantig ang puso noong malaman nila ang kwento ng buhay ng binata. Naging sikat siya hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa.

Noong makaipon ang binata dahil sa mga proyekto na ibinigay sa kanya sa nasabing larangan, nagpatayo siya ng isang samahang naglalayong mabigyang pansin ang mga katulad niyang may diperensya sa katawan.

“Hindi kailanman magiging balakid ang inyong kapansanan para hindi mapansin ang angking talento na mayroon kayo, maging sigurado lamang kayo sa inyong pangarap at piliting maabot ito, sigurado magtatagumpay kayo.” ani Fernand sa mga kabataang sumali sa kaniyang samahan.

Laging tandaan na walang taong pangit at kulang, lahat tayo ay ginawa ng Diyos na perpekto sa Kanyang mga mata. Sa mata ng lipunan ay maaaring may diperensya, pero sa mata ng Panginoon? Pantay-pantay lang lahat. Kaya huwag mangungutya ng kapwa.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement