Inday TrendingInday Trending
Pahingi Naman ng Pera Baby

Pahingi Naman ng Pera Baby

“Tingnan mo baby, puro kagat ako ng lamok. Wala pa rin kasi kaming kuryente ngayon e. Hindi pa nababayaran ng nanay ko.” pagpapaawa ni JR habang kinakamut-kamot ang mga braso at binti na wala namang kagat ng lamok.

“O, diba kakabigay ko lang ng pangbayad ng kuryente niyo? Bakit wala pa rin kayong kuryente?” pagtataka ni Jojo, ang binabaeng ka-relasyon ni JR.

“A-ano kasi e, pinangbili ko ng cellphone, gusto ko kasi lagi kang nakakausap.” kamot-ulong ani JR, sabay yakap sa kaharap, “Baka naman may sobra ka pa dyan baby.” paglalambing na dagdag nito.

Sa edad na bente siyete, si JR ay mayroon nang tatlong anak dahilan para kumayod siya ng triple. Ngunit dahil nga hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral, madalang na makuha sa trabaho ang lalaki kaya naman kumapit na siya sa patalim na alok ng isang binabaeng palaging naggugupit ng kanyang buhok.

Alam ito ng kanyang asawa at ito pa mismo ang nagtutulak sa kanya na dumalaw sa binabae upang makakuha ng pera.

“O, JR, anong oras na wala pa tayong ulam baka gusto mo nang bumangon dyan at pumunta doon kay Jojo!” sigaw ng asawa niya, habang pinapatahan ang bunso niyang anak na iyak nang iyak.

“Neneng naman, mahiya ka naman kay Jojo. Baka makahalata na yon. Halos araw-araw Nakong nanghihingi sa kanya, nauubusan na ako ng maidadahilan!” inis na anang bagong gising na lalaki.

“Diyos ko! Edi magtrabaho ka kung ayaw mong lumingkis dyan kay Jojo! Sinasabi ko sayo JR, sawang-sawa na ako sa ganitong buhay, araw-araw wala tayong makain!” pagbubunganga ng asawa dahilan para matorete ang lalaki at magtungo kay Jojo.

Sakto naman na nakabukas ang gate ni Jojo kaya agad siyang nakapasok. Ngunit tila ba wala sa loob ang kanyang karelasyon. Nilibot niya ang buong bahay at doon na siya nakapag-isip ng masama. Dahil nga sa kapos sa pera, naisipan niyang tawagan ang asawa saglit na papuntahin dito.

“Neneng, wala dito si Jojo, baka nasa trabaho na yon. Pumunta ka dito, dalian mo.” pagmamadaling niyang sabi saka tinapos ang tawag.

Wala pang bente minuto ay nakarating na ang kanyang asawa at may dala-dala itong bag. Dali-dali naman itong nilagyan ni JR ng kung anu-anong makakain na nakatago sa bahay ni Jojo. Ngunit hindi pa nakuntento ang kanyang misis, umakyat pa ito sa kwarto ng binabae at hinaluglog upang makita ang mga nakatago nitong pera.

“Neneng dalian mo na! Ano bang ginagawa mo dyan!” sigaw ni JR, ngunit tila manlambot siya sa tinig na narinig.

“Sino si Neneng, baby? Saka bakit may bag ka? Napag-isipan mo na bang tumira dito?” ani Jojo, nakauwi na pala ito.

“Ah, eh, oo naisip ko na..” hindi pa man tapos magdahilan ang binata sumabat na ang kanyang asawang walang kamalay-malay na naroon na si Jojo. Hawak-hawak pa nito ang mga pera at alahas na nakuha.

“Ang ingay-ingay mo naman JR baka-” naputol ang pagbubunganga noong makita ang may-ari ng bahay, tinago niya kaagad ang mga hawak sa likod ngunit huli na ang lahat.

Nagsusumigaw si Jojo, “Magnanakaw, magnanakaw, tulungan niyo ako may magnanakaw!” dahilan para magsipuntahan ang mga kapitbahay at damputin ang asawa ni JR.

Dinala sa barangay ang babae at doon inamin ni JR ang ginawa nilang panloloob sa bahay ni Jojo. Galit na galit ito.

“JR naman! Binigay ko naman sayo lahat ng gusto mo diba? Ultimo pangbayad ng kuryente at pagkain niyo araw-araw sinagot ko na kasi mahal kita. Tapos malalaman ko ikaw ang nanguna para manloloob sa bahay ko?

Akala ko ba wala ka pang pamilya at nakikitira ka sa mga magulang mo? Hindi ako makakapayag na hindi kayo makulong dalawa!” ani Jojo, kitang-kitang ang panggagalaiti nito.

Nagmakaawa ang lalaki kay Jojo ngunit buo na ang loob nitong pagbayaran nila ang kanilang ginawa. Iyak naman nang iyak ang kanyang asawa. “Paano na ang mga anak ko?” sigaw nito sa kawalan.

Nakulong nga ang mag-asawa dahil sa kasalanang nagawa. Pinadala nila ang kanilang mga anak sa magulang ng babae para doon maalagaan.

“Diyos ko, patawarin mo ako. Huwag mo nang idamay ang pamilya ko sa mga kawalang-yaang naisip at ginawa ko. Parang awa mo na. Pangako magbabagong buhay na ako. Magtatrabaho na ako, hindi na ako aasa at magsisinungaling sa iba para may maipakain lang sa pamilya ko. Pangako! Patawarin mo ako, Diyos ko!” labis na iyak ni JR sa isang sulok ng kanilang selda.

Ilang buwan nilang pinagdusahan ang kasalanang nagawa. Kahit na kailan ay masamang manlamang sa kapwa, Lalo na ang pagsamantalahan ang kabutihan ng iba. Nangako ang mag-asawa na simula noon ay magpapakabuti na sila.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement