“Marie, doon kana lang kasi kay Kenneth kaysa dyan sa bago mong nobyo. Isipin mo na lang kung ano ang ipapakain sa iyo niyang lalaking yan. Siya nga, hirap pa makahanap ng makakain niya- ibibigay pa kaya sa iyo? hindi tulad doon sa nobyo mo dati, nakapag-aral pa sa ibang bansa naku baka dalhin ka pa noon doon. Maging praktikal ka naman!” galit na ani Aling Helen, nanay ni Marie.
“Mama, alam mo naman ang dahilan kung bakit kami naghiwalay ni Kenneth diba, nananakit siya ng pisikal. Itong nobyo ko ngayon kahit pa isang janitor, ni hindi niya ako pinagsasalitaan ng masasakit. Saka nay, nagtatrabaho naman akong maigi, sapat na yon para mapakain ko ang sarili ko.” pagdedepensa ni Marie sa kasalukuyang nobyo.
“Marie, tumahimik ka at magising sa katotohanan, hindi mo makakain ang magagandang salita at lalong hindi habang buhay may trabaho ka. Saka nagka-edad na kayo ni Kenneth, malamang alam niya nang mali ang mga nagawa niya sa iyo dati.” inis na sabi pa ng ginang.
Isa nang ganap na doktor sa ibang bansa ang dating nobyo ni Marie kaya naman parang nag-aapoy ang pwet ng kanyang ina na balikan na niya ito lalo pa’t nabalitaan nito na magbabakasyon ang lalaki sa Pilipinas sa darating na tag-init.
“Hiwalayan mo na yang janitor na yan Marie. Ako talaga ang makakalaban nimyo, sinasabi ko sayo ha. Makakahiga kana sa kama pilit mo pa ring tinutulak ang sarili mo papunta sa banig. Mag-isip-isip ka naman, sayang ang talino mo!” pagalit ng kanyang ina isang Linggo bago ang pagdating ni Kenneth.
Masakit at mahirap man para sa dalaga ang makipaghiwalay sa kasalukuyang nobyo, sinunod niya ang kanyang ina.
Dumating na nga si Kenneth, agad itong inimbitahan ng kanyang ina na kumain ng hapunan sa kanila.
“Naku, Kenneth, ito ngang si Marie palagi kang hinahanap. Tuwang-tuwa nga yan noong malamang uuwi ka.” ani Aling Helen sabay tapik sa likod ng binata.
“Totoo ba yun, Marie? Alam mo, napag-isip-isip kong mali lahat ng nagawa ko sayo dati at hanggang ngayon mahal pa rin kita.” anang binata sabay hawak sa kamay ni Marie. “Pwede ko po ba siyang ligawan ulit?” tanong nito, dahilan para tumili at tumalun-talon si Aling Helen.
Lumipas ang mga buwan na maayos ang kanilang muling pagsasama. Dumating na rin ang pagkakataong kinukuha na ng binata si Marie papuntang ibang bansa at doon manirahan, ngunit nagdadalawang isip ang dalaga.
“Marie, ito na yon. Makakaahon na tayo sa hirap. Kitang-kita mo naman ang pagbabago ni Kenneth diba? Sige na pasok kana, mahuli ka pa sa flight.” ika ng kanyang ina, ilang oras bago ang kanyang flight.
Naging maayos naman ang unang taon nilang paninirahan sa ibang bansa ngunit noong mga sumunod na taon, tila bumabalik sa dati ang lalaki, lagi itong nagseselos kung kani-kanino at pinagbubuhatan ng kamay si Marie. Walang araw na hindi sila nagtatalo, walang araw na hindi umiiyak ang dalaga. Tinatakot pa siya nitong papaslangin kapag hindi niya ginawa ang mga nais nito.
Hanggang sa hindi na nakayanan ng dalaga, tumakas siya sa kinakasama, at kumuha ng sapat na pera para makauwi ng Pilipinas.
“O, anak ko! Anong nangyari sayo?” mangiyak-ngiyak na wika ni Aling Helen habang pinagmamasdan ang puro pasang katawan at mukha ng anak.
“M-mama, hindi ko na po kaya doon, p-pasensya na po kayo.” mautal-utal na ika ni Marie at saka tuluyang tumulo ang kanyang luha.
Wala namang magawa ang kanyang ina kundi maiyak sa sinapit ng anak.
“Kung alam ko lang na gaganyanin ka ng Kenneth na yan, hindi kita pipiliting makipagbalikan doon anak. Alam mo namang nais ko lang ay ang kabutihan mo, pero mukhang napasama ka pa dahil sa akin. Pasensya kana anak, patawarin mo ang Mama.” sambit ni Aling Helen habang mahigpit na yakap ang dalaga.
Sinampahan nila ng kaso ang mapanakit na lalaki. Naikulong ito at napatigil sa kanyang trabaho sa ibang bansa. Habang hinanap naman ni Marie ang dating kasintahang nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal. Nakita niya ito sa karinderyang lagi nilang kinakainan. Matamis na ngiti ang salubong nito sa kanya.
“Ang tagal mo namang bumalik. Akala ko tuluyan mo na akong nakalimutan.” masinsing ika ng lalaki sabay yakap kay Marie, wala namang nagawa ang dalaga kundi umiyak nang umiyak sa dibdib nito.
Iba talaga ang nagagawa kapag pera ang pinanaig sa ating buhay. Kadalasan ay napapahamak ang tao. Ayos lang gumamit ng utak at maging praktikal, pero wag kalilimutang sundin rin ang puso para Makita ang totoong kaligayahan.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.