Inday TrendingInday Trending
Dalawang Dekadang Pangungulila

Dalawang Dekadang Pangungulila

Maagang namulat sa mundo itong batang si Oscar. Lumaki siya na walang kinagisnang ama’t ina. Pagkaluwal niya sa mundo’y agad na binawian ng buhay ang kanyang nanay dahil sa mga komplikasyon. Habang malinaw naman sa kanya na inabandona at iniwan siya ng kanyang ama.

Lahat pa nga ng detalye sa masama raw na pag-uugali ng ama niyang si Eduardo ay alam na alam niya. Paano ba naman ay halos araw-araw itong nakukwento sa kanya ng kanyang lolo at lola.

“Nanliligaw pa lamang sa mama mo ‘yon e talagang ayaw na ayaw ko na roon e! At tama nga ako, nang mawala ang mama mo e iniwan ka na lang basta sa amin,” ani Lola Cecilia.

“Tunay! Ang sabi pa nga’y wala raw siyang pakialam sa’yo dahil hindi naman daw sinasadya nang mabuo ka nila ng mama mo,” dagdag pa ni Lolo Emilio na para bang hindi bata ang kausap kung makapagsalita.

Dahil doon, unti-unting namuo sa pagkatao ni Oscar na kamuhian na ang walang kwenta niyang ama. Madalas ay isumpa at sisihin niya ito lalo na sa mga araw na kinakailangang magdala ng mga magulang sa eskwela.

Sa kabila ng pagiging ulilang lubos, naging napaka-masagana naman ng buhay ni Oscar. Magmula sanggol, hanggang ngayong nasa kolehiyo na siya, lahat-lahat ng pangangailangan niya ay sustentado ng kanyang mayamang lolo at lola.

Dumating ang ika-20 taong kaarawan ni Oscar. Tulad ng inaasahan, isang malaking selebrasyon ang naganap. Sa umaga, nagkaroon ng handaan at salo-salo sa pamilya at malalapit na kaibigan ng kanyang lolo’t lola. Noong kinagabihan naman ay isang malaking party ang isinagawa niya. Umaapaw ang mamahaling alak, malalakas na patugtog, at nagkikisapang ilaw.

Bago matapos ang gabi ng kanyang kaarawan, pumasok muna sa isang tahimik na kwarto si Oscar at nagsimulang kausapin ang sarili.

“Kahit anong tanggi ko sa sarili ko, gusto ko pa ring makilala ang tunay kong papa. Pakiramdam ko kasi ay hindi kumpleto ang buhay ko kung hindi ko man lang siya makikita kahit na isang beses lamang. Iyon lang ang wish ko ngayong birthday ko. Simple lamang. Sana’y pakinggan ang hiling ko,” aniya sabay ihip sa isang maliit na kandila na nakapatong sa mesa roon.

Isang araw, dahil coding ang sasakyan ni Oscar ay naisipan niyang mamasahe na lamang muna papunta sa kanilang unibersidad. Nang makababa ng jeep, napatigil siya sa paglalakad nang isang may edad nang lalaki ang napansin niyang todo titig sa kanya.

“Ano ho iyon? May kailangan ho ba kayo?” tanong ni Oscar sa matandang tahimik na nakaupo sa sidewalk na tila ba may hinahanap.

“I- ikaw ba ‘yan, Oscar?” mahinang sabi ng lalaki.

Nanlaki naman ang mata ng binata. Hindi niya alam kung paano nalaman ng lalaki ang pangalan niya.

“Ah… Eh… Sino ho ba kayo? Pasensiya na ho, mahina ang memorya ko sa pagtanda ng mukha e. Tauhan ba kayo ng lolo ko?” nakangiting sagot ni Oscar. Napansin niyang para bang uhaw na uhaw ang lalaki dahil kanina pa ata ito babad sa araw, kaya naman iniabot niya ang malamig na tubig na kanina pa niya hawak.

Nagulat si Oscar nang bigla na lamang tumulo ang luha ng lalaking kinakausap niya.

“Matagal na kitang hinahanap, anak. Patawarin mo ako. Patawarin mo ako!” anito.

Halos matumba sa pagkakatayo itong si Oscar dahil sa mga naririnig niya mula sa lalaki. Kaya pala parang pamilyar ang mukha nito, dahil magkamuha silang dalawa kung tutuusin.

“I- ikaw ba ang tatay ko? B- bakit mo ako nagawang iwan?! Bakit?!” ani Oscar at nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata ng binata.

Napagdesisyunan ng dalawa na pumasok muna sa isang pribadong kainan upang ituloy ang pag-uusap, para na rin maiwasan ang mga usiserong nakikinig sa kanilang usapan.

“Nang mawala ang mama mo, itinaboy ako ng lolo at lola mo. Ang sabi nila, wala raw akong karapatan sa iyo dahil hindi naman kita kayang itaguyod. Mahirap lamang ako noon dahil pagco-construction lang ang tangi kong hanapbuhay. Gayunpaman, handa akong kunin at palakihin ka dahil bunga ka ng pagmamahalan namin ng mama mo,” panimula ni Eduardo sa kanyang anak.

“Ngunit pilit akong tinaboy ng lolo at lola mo. Diring-diri sila sa akin dahil mahirap lamang ako. Ginamitan nila ng pera at kapangyarihan ang batas noon, kaya’t tuluyan ka nilang nakuha sa akin. Kaya ngayong nakakaangat na ako sa buhay, nagpunta ako rito sa Maynila upang hanapin ka, anak. Patawarin mo ako,” dagdag pa nito.

Nanlambot ng tuluyan si Oscar. Kaya naman pala madalas ay wala na sa lugar ang paninirang ginagawa ng kanyang lolo at lola sa kanyang ama ay dahil takot ang mga ito na malaman ni Oscar ang katotohanan.

Mahigpit na nagyakap ang mag-ama.

“Anak, hayaan mo akong bumawi sa’yo. Bawiin natin ang dalawang dekadang hindi tayo nagkasama,” ani Eduardo.

Hindi na binalak gantihan ni Eduardo ang lolo at lola ng kanyang anak. Dahil kahit ganoon ang nangyari noon, itinaguyod at pinalaki pa rin nila ng masagana ang kanyang unico hijo.

Ngunit para kay Oscar, napakalaking bagay ang namuhay siya sa kasinungalingan. Kaya naman sa araw ding iyon ay pinuntahan niya ang kanyang lolo at lola para ikompronta.

Laking gulat niya nang bigla na lamang humingi ng tawad ang dalawa. Ang akala niya’y ipagtatanggol pa ng dalawa ang mga ginawa nila noong araw.

“Apo, patawarin mo kami. Ang katunayan, ngayong talagang tumatanda na kami ay gusto na sana naming sabihin sa’yo ang katotohanan. Kaya nga lang, hindi namin alam kung paano sisimulan. Mahusay talaga ang tadhana at siya na ang gumawa ng paraan upang magkatagpo kayo ng papa mo,” paliwanag ng matandang mag-asawa.

Para sa kaluluwa ng namayapang ina ni Oscar, napagkasunduan na lamang ng lahat na isantabi ang lahat ng sama ng loob at magkaayos-ayos na para na rin sa kapakanan ng lahat.

Sa puder na ni Eduardo tumira ang anak niyang si Oscar. Gamit ang kayamanang pinaghirapan ni Eduardo, naglakbay sila sa iba’t ibang panig ng mundo na dati ay pangarap nilang puntahan ng namayapa niyang minamahal.

Ang hindi nila alam, todo ngiti sa langit ang ina ni Oscar habang pinapanood ang kanyang buong pamilya na maging masaya sa lupa habang nasa ilalim ng pangangalaga niya. Wala silang kamalay-malay na siya pala ang gumawa ng paraan upang magkatagpo ang mag-ama at magkaayos-ayos muli sila.

Advertisement