Inday TrendingInday Trending
Ang Ngipin sa Lugaw ni Edwin

Ang Ngipin sa Lugaw ni Edwin

“Anak naman ng tokwa! Ang baboy!” sigaw ng sigang si Edwin nang minsang kumain ng lugaw bilang agahan sa isang karinderia sa kanilang kanto.

“Ha? Ano kamo? Tokwa’t baboy, ba ang additional order mo, hijo?” tanong ng matandang serbidora.

Lalong nag-init ang ulo ni Edwin nang dahil sa maling pagkakarinig ng matanda. Pinagtawanan din kasi siya ng iba pang mga kumakain doon kaya naman pakiramdam niya ay labis siyang napahiya.

“May ngipin dito sa lugaw ko. Nakakadiri! Yak!” anito sabay dura ng isang malaking ngipin mula sa kanyang bibig. Sinadya niya pa itong patamain sa matandang serbidora na may-ari ng karinderia.

Nang makita ng mga iba pang suking maton na kumakain, agad itong lumapit sa kanya at pinagsabihan siya.

“Hoy, Edwin! Ang aga-aga, puro katarant*duhan na naman ang lumalabas sa bunganga mo,” wika ng isa.

“Bakit talagang isinakto mo pa kay Nanay Caring ang dura mo? Wala ka talagang galang e, ‘no?! Wala kang sinasanto!” sambit ng isa pa.

“Ano, papalag kayo?! Ako na nga itong naagrabyado, ako pang ginag*go niyo ha!” muling sigaw ni Edwin.

Nagulat ang lahat nang bigla na lamang umbagan ni Edwin ang isa sa mga maton na sumaway sa kanya.

Doon na nagsimula ang karambola sa lugawan ni Nanay Caring. Dala ng labis na takot ay agad itong tumawag sa Barangay upang magpatawag ng mga tanod.

Ngunit hindi naging ganoon kabilis ang pagresponde ng mga ito kaya’t nagtuloy-tuloy pa ang kaguluhan sa lugawan.

“Ang yabang-yabang mo, Edwin ah! Bastos ka at talagang walang galang. Palaging init ng ulo ang pinapairal mo. Sira ulo! Umalis ka rito sa karinderia ko. Sigurado akong malinis ang inihahain ko sa mga tao kahit pa mura lang ang paninda ko. Alis!” sigaw ni Aling Caring sa pag-asang umalis na si Edwin at matapos na ang gulo.

Naging napakabilis ng pangyayari, at nakita na lamang nilang nakahiga na sa sahig si Edwin at natapunan na ang buong katawan ng isang buong kaldero ng mainit na lugaw.

Aamba na kasi itong uupakan maging ang matandang si Aling Caring, ngunit sa paghakbang niya ay hindi sinasadyang sumabit ang paa niya sa isang malaking kaldero ng lugaw na nakapatong sa isang maliit na la mesa. Sa isang iglap ay naliligo na siya sa mainit na lugaw.

“Ahhhhh! Aray!” napasigaw si Edwin at napanganga sa sakit na naramdaman nang malapnos ang ibabaw ng kanyang balat ng kumukulong lugaw.

Nanlaki ang mata ng mga tao: ng mga maton, ng mga estudyanteng kumakain, at ni Aling Caring. Dahil nakita nilang nawawala ang isa sa mga ngipin sa harap ni Edwin.

Bago pa sila nakapagsalita ay dumating ang mga barangay tanod. Agad hinuli si Edwin na nagsimula ng gulo sa karinderia. Napag-alaman nila na pinaghahahanap pala ito ng mga pulis dahil nahuli ito noong nakaraang araw na bumabatak ng ipinagbabawal na gamot. Nakatakas lamang daw ito nang biglang makasabit sa isang humaharurot na jeep.

Naghagalpakan ang mga tao nang mapagtanto nila ang nangyari.

“Sira ulo ‘yan! E ang ngipin na sinasabi niyang nasa lugaw, sa kanya naman pala nanggaling! Ayan oh!” wika ng isang maton habang pilit itinatapat sa mukha ng nagpupumiglas na si Edwin ang ngipin na kapareha ng iba pang ngipin sa harap ng lalaki.

Hinuli na ng mga barangay tanod si Edwin. Katawa-tawa man ang nangyari sa lugawan, ngunit ang panganib na dala ng isang tao na nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ay talagang nakakahilakbot.

Laking pasasalamat na rin ng pulisya sa nangyaring iyon dahil sa wakas ay natunton na nila si Edwin, at hindi na ito makakapanggulo pa sa ibang mga nananahimik na mamamayan ng kanilang lungsod.

Advertisement