Inday TrendingInday Trending
Antigong Bote sa Dalampasigan

Antigong Bote sa Dalampasigan

Masakit ang ulo ni Tracey nang magising mula sa halos labindalawang oras ng pagkakahimbing. Paano ba naman ay pinilit niyang lagukin at ubusin ang tatlong bote ng Emperador na binili niya kagabi. Gusto na lamang niyang magpakalango sa alak dahil pakiramdam niya’y ito na lamang ang nakakatulong sa kanyang kalimutan ang mga problema sa buhay.

Sunod-sunod kasi ang mga pagsubok na dumarating sa buhay niya nitong mga nakakaraang araw.

Unang-una, iniwan na siya ng kanyang nobyo matapos ang apat na taong relasyon nila. Napag-alaman niyang nakikipaglandian na pala ito sa bespren niya. Sinubukan niya pang habulin ang nobyo, ngunit imbes na ang binata ang magmakaawang makipagbalikan dahil sa nagawang kasalanan ay ito pa ang nang-iwan sa dalaga.

“Tingnan mo ang hitsura mo! Ang taba-taba mo na. Napabayaan mo na ang sarili mo. Puro pa problema ang buhay mo. Sinong gugustuhin maging girlfriend ka? Wala! Ayoko na! Tantanan mo na ako!” iyan ang mga salitang huling narinig niya mula sa dating nobyo. Paulit-ulit pa rin iyong tumatakbo sa kanyang isip sa tuwing siya ay mag-isa.

Pangalawa, sumabay pa ang hiwalayan ng kanyang ama’t ina. Matatanda na ang mga ito, kung kaya’t isang malaking balita ito sa lahat nang malamang napagdesisyunan ng kanyang mga magulang na maghiwalay. Sawang-sawa na raw kasi ang tatay niya sa pagbubunga ng nanay niya, at pagod na rin daw ang nanay niya sa pagliligpit ng mga kalat ng tatay niya sa kanilang bahay.

Pangatlo, apat na bangko na ang tumatawag at nangungulit kay Tracey nang dahil sa mga credit cards niya noon. Labis niya kasing pinagkagastusan ang dati niyang nobyo at kung ano-anong mamahaling gamit at gadget ang binili niya para rito. Ngayon, lubog na lubog na pala siya sa pagkakautang.

Pang-apat, natanggal siya sa trabaho. Sekretarya si Tracey ng isang tanyag na businessman sa Maynila. Ngunit isang araw ay bigla na lamang siyang sinabihan na tanggal na siya sa trabaho dahil may papalit na sa kanya na mas karapat-dapat. Tatanggapin niya sana ng maluwag sa loob kung tunay ang mga dahilan, ngunit napag-alaman niyang kabit pala ang seksing babae na ipinalit sa kanya bilang sekretarya ng kanyang boss.

Dahil wala nang trabaho, wala na siyang maipambayad sa mga pinagkakautangan niya. Gusto niya sanang lumapit sa kanyang nanay upang umiyak at magpa-alaga, ngunit ngayon ay may sarili itong problemang kinakaharap nang dahil sa hiwalayan.

Sa tuwing tumitingin din siya sa salamin, halos masuka siya nang makitang labis na nga niyang napabayaan ang kaniyang sarili.

Ilang kilo ang nadagdag sa kanya sa loob lamang ng tatlong taon. Ang buhok niya’y hindi na nga niya maalala kung kailan niya huling napagupitan. Ang dati niyang makinis na balat na alaga sa mamahaling lotion at sabon, ngayon ay puno na ng kagat ng iba’t ibang insekto dahil napilitan siyang lumipat sa pinakamurang kwarto upang makabayad pa sa renta.

“Tama na. Ayoko na. Hindi na ako tinatalaban ng alak. Hindi ko na kaya,” bulong ni Tracey sa sarili at saka nagsimulang mag-empake upang pumunta sa isang tahimik na beach at isagawa ang plano niyang lisanin na ang mundo.

Nang makarating, naisipan niyang maglakad-lakad muna sa dalampasigan at namnamin ang dapithapon sa huling pagkakataon.

“Napakaganda ng araw. Maganda ang buhay. Pero wala na e. ‘Yong sa’kin, patapon na. Para bang pinabayaan ako ng Diyos magmula nang hindi ko na siya kinausap. Kaya nararapat lang talaga sa’kin na…” hindi na niya natuloy ang iniisip niya nang bigla na lamang siyang matalisod ng isang antigong bote na nakalutang sa tubig alat.

Walang tao sa paligid at tahimik ang lugar. Kaya naman naisipan niyang kunin ang bote at buksan. Napansin niya kasing may papel sa loob nito. Agad niyang binuklat ang kapirasong papel,

Ibinigay Ko ang mga pagsubok na ito sa buhay mo, dahil alam Kong kaya mo. ‘Wag ka sanang sumuko. Maniwala ka sa akin, magagandang bagay ang naghihintay para sa mga taong patuloy na nananalig. Mahal Kita, anak.

Kinilabutan si Tracey at nagtindigan ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan. Bigla siyang napaluhod sa dalampasigan at napatingin sa langit.

“O Diyos ko, patawarin mo ako kung huminto akong manalig sa’yo,” aniya habang umiiyak.

Tila nabuhayan ang kaninang malamyang katawan ng dalaga. Lahat ng negatibo sa utak niya ay napalitan ng positibo matapos mabasa ang mensaheng nakapaloob sa bote.

Kinabukasan, agad siyang bumiyahe pabalik sa Maynila.

“Kaya ko ‘to. Sa tulong ng Diyos, kakayanin ko ang lahat. Basta manalig lang sa Kanya,” nakangiting sabi ni Tracey habang nagsusuklay ng buhok at naglalagay ng pinaka-paborito niyang lipstick. Inilagay rin niya sa kanyang kwarto ang antigong bote upang gawing inspirasyon sa paglaban sa buhay.

Dumiretso si Tracey sa hilera ng mga kompanya sa Ortigas. Doon, sumubok muli siyang mag-apply ng trabaho. Dahil sa angking galing na sinamahan pa ng pananalig sa Diyos, mabilis siyang natanggap sa unang trabahong sinubukan.

Matapos noon, umuwi siya sa bahay upang kausapin ang kanyang ina. Laking gulat niya nang malamang nagkaayos na pala ang mama’t papa niya. Maliit na pag-aaway lang daw iyon at madaling naiayos nang subukan ng mag-asawang sabay na magsimba sa simabahan kung saan sila ikinasal.

Isinunod niya ang pag-aayos sa sarili. Nang makaraos-raos sa pagbabayad sa mga pinagkakautangang bangko, nag-enroll sa isang gym si Tracey at nagsimulang kumain ng masusustansyang pagkain. Ilang buwan lamang ang lumipas ay bumalik na sa dati ang maalindog niyang pangangatawan.

At ang huli, lalong inilapit ni Tracey ang sarili sa Panginoon. Linggo-linggo ay pumupunta siya sa misa, at pagkatapos ay sumasali pa sa mga prayer meeting. Hindi inaasahang doon niya nakilala si Jonathan. Hindi katulad ng dati niyang nobyo, may takot ito sa Diyos at handa siyang pakasalan kung papayag si Tracey.

Hindi nagtagal at natuloy ang pag-iisang dibdib ni Tracey at Jonathan. Hindi akalain ni Tracey kung gaanong kalaki ang pagbabagong hatid sa buhay niya ng antigong bote na natagpuan niya sa dalampasigan noon.

Advertisement