Inday TrendingInday Trending
Ang Kaklase Kong si Lily

Ang Kaklase Kong si Lily

“Anak, bangon na d’yan! Unang araw ng klase mo ngayon ‘di ba?” pagmamadaling pag gising ni Katrina sa anak. Panandaliang nag-inat ito at saka na dahan-dahang tumayo mula sa kama.

“Nako Jacob, kung hindi pa kita ginising baka hindi ka na naman pumasok! Magbago ka na anak, graduating ka na eh,” pangaral ng ginang sa kaniyang anak.

Sadyang may katamaran sa pag-aaral si Jacob. Bagamat matalino ito ay kulang ito sa tiyaga lalo na sa mga paggawa ng takdang aralin at pagpasa ng mga activities, kung kaya’t madalas ay pasang awang marka lamang ang nakukuha niya sa kaniyang mga asignatura. Matamlay na nag-asikaso ng sarili si Jacob at saka na ito gumayak papunta ng eskwelahan.

Pagdating ng binata ay agad itong naupo sa armchair na nasa likod ng silid aralan – nagbukas ito ng cellphone at nagscroll sa kaniyang facebook habang naghihintay sa mga kaklase at sa unang darating na propesor.

Nang dumating ang unang propesor ay siya nang itinago ni Jacob ang kaniyang cellphone at nakapangalumbabang nakinig sa mga requirements na kanilang kailangang maipasa bago matapos ang semestre. Matapos ang mga paalala ng kanilang guro ay inatasan nito ang lahat na tumayo.

“Class, since it’s the first day of school I am challenging you to get to know each other,” ‘ika ng guro.

Nagsitayuan ang lahat maliban kay Jacob – introduce yourself lang naman pakiwari nito at saka nalang napabuntong-hininga. Yuyuko na sana ang binata nang may marahang tumapik sa kaniyang balikat. Nang iangat niya ang kaniyang ulo ay nasilayan niya ang isang nakangiting matandang babae – kulubot na ang balat nito at halatang maedyo hirap sa pagtayo.

Waring napabalikwas sa kaniyang kinaaupuan si Jacob at agad inalok ang katabing bangko upang makaupo ang matanda na siya namang tinanggihan nito.

“Kamusta ka, classmate? Ako si Lily, 76 years old. Maaari bang makipagkamay?” ‘ika ng matanda na siyang ikinagulat ni Jacob. Pinaunlakan naman ng binata ang kahilingan ng matanda at saka ito nakipagkamay nang may malawak na ngiti.

“Ah, matanong ko lang po… classmates po talaga tayo ‘nay?” magalang na tanong ni Jacob.

“Nako, Lily nalang para hindi naman ako mukhang masyadong matanda,” biro ng matanda.

“Noon ko pa pinangarap na makatapos ng kolehiyo, ngayon ay mukhang makakamit ko na!” masiglang tugon nito na siyang naging dahilan ng lalong paglawak ng ngiti ni Jacob.

“Okay class, you may all sit down. Kindly take note of everything I told you to pass before the semester ends. See you tomorrow,” sambit ng guro na siyang umalis na matapos ang ilamg minuto.

Nang matapos ang asignaturang iyon ay magiliw na nakipag usap si Jacob sa bago niyang kaibigan – si Lily. Nagkuwento ito tungkol sa kaniyang asawa’t mga anak – kung paanong ang kaniyang mga supling ay napagtapos nilang mag asawa sa pamamagitan ng isang kahig at isang tukang pamumuhay. Nabanggit niya rin sa binata na pangako niya sa kaniyang ina na siyang makakapagtapos ng pag-aaral, ngunit maagang pumanaw ito dahilan para maghirap ang kanilang pamilya.

Natapos ang isang araw at parang nanibago si Jacob – dahil sa mga kuwentong inspirasyon ng matanda ay tila biglang ginaganahan itong mag-aral. Nagkaroon ng rason para magsikap si Jacob, dahil kay Lily.

Sa paglipas ng mga araw ay naging sikat si Lily sa eskwelahan – bilang pinakamatandang nais na makapagtapos ng kaniyang pag-aaral. Sa isang iglap ay marami ang kaniyang naimpluwensyahang magsikap sa kanilang mga tinatahak na buhay. Kung minsan ay naiimbitahan siya na magsalita sa mga program sa paaralan – para maibahagi ang kaniyang karanasan, at maipaalam sa lahat ang kahalagahan ng pagsisikap at pagtupad ng mga pangarap. Mayroong isang palatuntunan kung saan naimbitahang magsalita si Lily at ang pangyayaring iyon ay hindi malilimutan ni Jacob at ng mga estudyante sa unibersidad.

“Pasensya na, kinakabahan ako…” panimula ng matandang babae na siyang nagbigay ng ngiti sa mga manunuod.

“Ang buhay ay parang laro. Hindi tayo dapat tumigil maglaro dahil lang nahihirapan na tayong tumayo o maglakad. Hindi dapat tumigil maglaro dahil sa tumatanda na – tumatanda tayo dahiltumitigil tayong maglaro. Lahat tayo ay tumatanda, lahat ay may mga pangarap — pero hindi lahat tayo ay tumatandang natutupad ang kanilang mga pangarap. Lahat ay tumatanda, walang exceptions – hindi rin kinakailangan ng espesyal na talento para gawin iyon. Sa totoo lang, ang mga matatanda ay hindi naman nagsisisi sa aming mga nagawa nung aming kabataan. Ang palagi naming pinagsisisihan ay ang mga bagay na hindi namin nagawa noong kami’y malakas pa. Kung kaya’t dapat ay pahalagahan ninyo ang bawat sandal ng inyong mga buhay – tuparin ang inyong mga pangarap habang may oras pa, at siguradong hinding hindi ninyo ito pagsisisihan…”

Natapos ang talumpati ni Lily at lahat ay nagsitayuan at binigyan siya ng masigabong palakpakan.

Nang matapos ang taon ay nakatapos kasabay ni Jacob si Lily – masaya ang magkaibigan para sa isa’t isa at nangako si Jacob na hindi titigil hanggat hindi niya nakakamit ang kaniyang pangarap. Halatang masayang-masaya si Lily para sa binata – nakilala nito ang ina ni Jacob na siyang nagpapasalamat sa ibinahagi nitong isnpirasyon sa anak.

Makalipas ang isang linggo matapos ang graduation ay pumanaw si Lily sa kaniyang pagkakahimbing. Mahigit sa limang daang estudyante ang dumalo sa kaniyang libing – lahat ay pawang mga nabigyan ng panibagong pag-asa sa kani-kaniyang mga buhay dahil sa mga kuwento niya.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement