Ilang buwan nang hindi nakakabayad ang mag-asawang umuupa sa pa-upahan ni Rudy and Lumen. Maging bayad sa kuryente at tubig ay hindi pa nila naiibibigay. Naging sakit na sa ulo ng mag-asawang nagpapa-upa ang mga ito.
Bukod kasi sa hindi nagbabayad ng maayos ang mga ito ay nagagawa pa ng mga itong magpakalat ng ‘di magagandang bagay tungkol sa pamilya ni Rudy. Nang minsan ay nai-kwento ng kumpare ni Rudy na pinagkakalat daw ng lalaking umuupa na ginigipit sila nito sa pagbabayad ng bahay at wala raw konsiderasyon.
Uminit man ang ulo ni Rudy ay pinagpasensyahan na lang muna niya ito. Hanggat maari kasi ay ayaw niyang may hindi nakakasundo sa kanilang lugar lalo na at mga dalaga ang kanyang mga anak. Baka kasi malagay sa panganib ang mga ito sa oras na may makaaway ito.
Paulit-ulit na pinagpapasensiyahan ni Rudy at Lumen ang mag-asawang umuupa. Minsan nga ay nagtaka na si Lumen dahil kahit maraming gamit na de-kuryente ang mga ito ay nanatiling mababa ang binabayaran nila, nang tingnan nila ang submeter ay may isang kable ay ‘di nakadikit dito. Ginalaw na pala ito ng mag-asawa para humina ang takbo ng kanilang kuryente. Pinalitan na lamang nila Rudy at Lumen ang kanilang submeter.
Halos maubos-ubos na ang pasensya nila Rudy sa pasaway na umuupa. Nais man na palayasin na ni Rudy ang mga ito ay pilit niyang iniiwas ang sarili sa gulo. Pinilit na kausapin ni Rudy ang mag-asawang umuupa, ngunit walang katapusang pagdadahilan lang ang natanggap nito sa dalawa.
Isang araw ay may kumakatok na bata sa labas ng kanilang bahay.
“Ate Lumen…” sabi ng batang kumakatok sa kanila.
“Ate Lumen… Tulong po…” patuloy na pagkatok ng bahay.
Nang silipin ni Lumen ang batang kumakatok ay agad niyang nakita ang isa sa mga anak ng pasaway na mag-asawang umuupa sakanila. Pinagbuksan niya naman ito ng pinto.
“O hija, bakit ka naparito?” tanong ni Lumen.
“Ate Lumen, may susi po ba kayo ng kwarto namin? Bumili ho ako ng bigas sa may tindahan at iniwan ko po yung kapatid ko sa loob. Hindi ko napansin na naisarado ko po at na-ilock ang pinto,” sabi ng bata na naiiyak na.
Iniwan niya ang isang taong gulang na kapatid sa loob ng kanilang inuupahang kwarto. Door knob lang ang meron sa pinto kaya kinakailangan ng susi para ito ay mabuksan.
“Naku, nasa nanay mo na yung huling kopya ng susi sa kwarto niyo. Nawala niya yung susi niyan nung nakaraang linggo, kaya ipinahiram ko yung orihinal na susi na nasa amin. Sabi niya ay magpapagawa lang siya ng kopya at ibabalik din ito. Kaso wala pa, hindi pa naibabalik sa amin,” sagot ni Lumen.
Agad naman nilang tinungo ang kwarto, at narinig nilang malakas at patuloy na umiiyak ang sanggol sa loob ng kwarto. Natataranta na ang bata dahil sa lubos na pag-aalala sa kaniyang kapatid.
“Nasan ba ang nanay at tatay mo?” tanong ni Lumen sa bata habang papauwi ng bahay para tawagin si Rudy.
“Umalis po silang dalawa at bumiyahe po ng dyip. Kami lang pong dalawa ang naiwan sa bahay,” humihikbing sagot nito.
“Tulungan niyo po kami Ate Lumen. Baka ako pong mangyari sa kapatid ko,” patuloy na umiiyak na sabi ng bata.
“Oo, hija. ‘Wag ka nang mataranta, tatawagin ko lang ang Kuya Rudy mo para humingi ng tulong,” bilin nito sa bata at dali-dali pumasok sa loob ng kanilang bahay.
Nang lumabas ito ay kasunod niya si Rudy na dali-dali din nagtungo sa kwarto kung saan naiwan ang umiiyak na sanggol. Tulad ng bata, ay labis din ang pag-aalala ng mag-asawa dahil baka ano ang mangyari sa naiwang sanggol sa loob.
May dalang malaking maso si Rudy na ginagamit pantibag ng lupa. Nais niya sanang itulak na lang ng malakas ang pinto at hayaan itong masira ngunit baka matamaan ang sanggol, dahil hindi nila alam kung saan nakapwesto ang bata sa loob ng kwarto.
Ginamit ni Rudy ang maso para tuluyan na lang sirain ang doorknob. Nang masira niya ito ay gumamit ito ng maliit na martilyo apara tuluyan itong matanggal upang maalis ang pagkakakandado nito.
Matagumpay namang nabuksan ni Rudy ang kwarto. At doon nila naabutan ang sanggol na patuloy sa pag-iyak, namumula ito at pawis na pawis. Binuhat ito agad ng kanyang kapatid, at inilabas ng kwarto upang makalanghap ng sariwang hangin. Inalalayan naman ni Lumen ang magkapatid at pinatuloy muna sa kanilang bahay upang makapagpahinga at makapagmeryenda.
Nasira man ang pinto ng paupahan ni Rudy ay hindi niya ito ininda dahil mahalaga ang mailigtas ang sanggol na naiwan sa loob. Nang makapagpahinga ay umuwi na rin ang dalawang bata sa kanilang tirahan.
Gabi na ng dumating ang mga magulang nito. At mainit ang ulo ng makita ang sirang pintuan.
“Anak! Sinong nagsira ng pinto na ‘to?!” sigaw ng lalaki sa kanyang anak.
“Sila Mang Rudy ho,” sagot ng bata.
Susugurin na sana ng lalaki ang bahay nila Rudy para magreklamo nang pagilan ito ng kanyang anak.
“Tay! Sinira ho yan ni Mang Rudy para mailigtas si baby,” pagpigil na sabi ng anak nito.
Doon ay kinwento ng bata ang ginawang kabutihan ng mag-asawang Rudy at Lumen sa kanilang mga anak. Na sa kabila ng mga atraso ng mga ito sa may-ari ng bahay ay nagawa pa rin nilang tulungan ang pamilya nila.
Sa unang pagkakataon ay nagtungo ang mag-asawa sa bahay nila Rudy at Lumen.
“Magandang gabi po Ate Lumen at Kuya Rudy,” bati ng mag-asawa sa dalawa na nakaupo sa labas ng kanilang tahanan.
“Maganda gabi rin sa inyo,” bati ni Rudy at Lumen.
“Nais ho sa naming magpasalamat sa inyo, sa pagligtas sa bunso naming anak kanina,” wika ng lalaki.
“Patawad sa mga ‘di magagandang ginagawa namin sa inyo, at sa hindi pagbabayad ng maayos sa upa. Salamat ho sa mahabang pasensiya na inyong binibigay,” dagdag ng lalaki.
“Labis po namin kayong pinasasalamatan dahil nanatiling pong mabubuti ang inyong kalooban kahit na ilang beses na po kaming nagkamali sa inyo,” wika naman ng asawa nitong babae.
“Walang anuman. Wala iyon, ginawa lang namin ni Lumen ang dapat naming gawin,” wika ni Rudy.
“At sana magsilbing aral ito sa inyo na ‘wag niyong iniiwan ang inyong anak basta-basta, lalo na at mga bata pa ang mga ito,” dagdag ni Rudy.
“Mas pagsikapan niyo na mabigyan ng magandang buhay ang inyong mga anak, at palakihin ito sa tama,” dagdag ni Lumen.
“Wag niyo ng intindihin ang pintuan, ako na lang ang magpapagawa diyan,” ani Rudy.
“Basta hanggang maari ay magawan niyo sana ng paraan ng makabayad ng maigi, dahil importante din sa’min iyon lalo na at inaasahan din namin ang inyong mga bayad,” bilin ni Lumen.
Nagpasalamat muli ang dalawa at tinanaw na mlaking utang na loob ito sa may-ari ng kanilang iuupahan. Nagsikap ang dalawa na makabayad ng husto, at mas pinili na lang maghulog araw-araw ng bayad sa upa, dahil arawan naman din ang kita nila sa kanilang mga trabaho. Ito ay para hindi na rin sila mahirapan sa pagbayad ng isahan kada buwan.
Hindi na umalis ang mag-anak sa inuupahang kwarto. Para sa kanila ay minsan lang makakatagpo ng mga mabubuting nagpapa-upa at ayaw na nila sayangin ang pagkakataon na ‘yon, kaya nagsikap ang dalawa na ayusin ang pagbabayad at sinuklian nila ng kabutihan at paggalang sina Rudy at Lumen.