Inday TrendingInday Trending
Nagustuhan Ko Ang Katulong Ko

Nagustuhan Ko Ang Katulong Ko

Si Lance ay isang supervisor sa isang kumpanya, marami itong hawak na empleyado. Isa na rito si Alyssa, siya ay isa sa pinakamasipag nitong empleyado. Minsan ay nakakwentuhan niya ito, bukod pala sa trabaho sa opisina ay rumaraket ito.

Mula kasi noong nag-aaral ito ay nagta-trabaho na si Alyssa. Kung hindi siya nakakahanap ng raket ay tumatanggap ito ng mga labada, paglilinis ng bahay, pagbabantay sa mga anak ng kapitbahay, o paglalakad sa mga papeles ng mga kakilala nito kapalit ang maliit na halaga ng pera pandagdag kita.

Si Alyssa at ang kanyang may sakit na ina na lang kasi ang magkasama sa buhay. Naiiwan lang sa bahay nila ang kanyang ina dahil hindi na nito kaya pa ang magtrabaho pa. Kaya kahit nakahanap na ng maayos na trabaho sa opisina ay tumatanggap pa rin ito ng mga labada, linis at utos mula sa mga kakilala. Hanggang ngayon ay nakakatulong pa rin ito sa kanila sa pang-araw-araw na gastos at pambili ng gamot ng ina nito.

Nang malaman ni Lance ang kwento ni Alyssa ay agad na naawa ito. At dahil dito ay inalok niya rin ng trabaho si Alyssa tuwing Sabado at Linggo para maglinis ng kanyang condo. Nag-aalangan noong una si Lance dahil baka hindi komportable si Alyssa rito, ngunit laking gulat niya rin ng agad na pumayag si Alyssa. Sadyang matindi talaga ang pangangailangan nito.

Mag-isa lang nabubuhay si Lance sa Pilipinas, nasa ibang bansa na kasi lahat ng kanyang mga kamag-anak. At hindi rin ito mahilig mag-ayos ng tirahan niya dahil madalas itong nasa gimikan ‘pag wala na siya sa opisina. Sa labas lang din ito kumakain para hindi na niya kailanganin magluto at nagpapalaba na lang ito sa mga laundry shop.

Hindi man sigurado ay naisip din ni Lance na paraan din ‘yon para makatulong kay Alyssa.

Araw ng Sabado ay nagtungo na si Alyssa sa kaniyang condo upang simulan ang unang araw ng paglilinis nito. Dahil nahihiya si Lance sa kanyang maduming condo, ay binilin na lang niya kay Alyssa ang mga gagawin at lumabas muna ito para makapaglinis ang dalaga ng maayos.

Agad namang sinimulan ni Alyssa ang paglilinis, mula sala hanggang kusina, maging ang banyo ay nalinis niya at hinuli nito ang kwarto ni Lance.

“Grabe naman ‘tong si sir, daig pa ang kwago sa dumi ng bahay,” pabirong sabi nito sa sarili. Matiyagang nilinis ni Alyssa ang lahat, hindi alintana ang pagod lalo na at sanay na sanay ito sa gawaing bahay.

Maya-maya ay dumating na si Lance na may dalang pagkain mula sa isang fastfood, at eksaktong tapos na rin si Alyssa maglinis.

“Sir, natapos ko na lahat. Bukas naman po ang mga labada,” wika ni Alyssa.

“Alyssa, Lance na lang itawag mo sakin. Kunwari magkaibigan lang tayo at magtropa para hindi ko ramdam na nagiging katulong kita sa ganitong paraan,” nahihiyang sabi ni Lance.

“Ah, sige. ‘Wag kang mailang, Lance. Sanay ako sa ganito. Dati nga ay kamag-anak pa ng kaibigan ko ang pinaglilinis ko ng bahay,” sagot naman ni Alyssa.

Para kasi kay Alyssa ay malaking bagay ang mga ganiting maliliit na raket, kaya pilit niyang inaayos ang trabaho at ayaw niyang makaramdam ng awa ang mga ito sa kanya.

“Basta Lance para hindi ka mailang, isipin mo na lang kaibigan mo ko na mahilig maglinis at lagi kang pinaglilinis ng bahay,” wika ni Alyssa.

“Sige ganoon na lang nga. Pasensiya at sa ganitong paraan kita natutulungan. Sabi mo kasi tumatanggap ka ng ganitong trabaho eh,” sagot naman ni Lance.

“Ayos lang iyon. Alam mo ba, na nakalaan na yung ibabayad mo sa’kin para sa pambili ng gamot ni nanay linggo-linggo? Kaya isipin mo na nakakatulong ka sa’kin at nakakatulong din naman ako sa’yo sa paglilinis ko sa condo mo.”

Inalok ni Lance si Alyssa na kumain ngunit tumanggi ito, kasabay niya kasi lagi kumain ng hapunan ang kanyang ina. Kaya hindi ito kumakain sa labas pag gabi dahil alam niyang hinihintay siya ng kanyang ina, para sabay silang kumain.

Nagpatuloy na nagtrabaho si Alyssa sa condo ni Lance tuwing Sabado at Linggo. At habang mas tumatagal ay mas nasasanay na si Lance na naroon siya sa condo kapag naglilinis si Alyssa. Madalas ay nagku-kwentuhan sila habang naglilinis ito, at siya naman ay nagta-trabaho sa may lamesa ng kusina.

“Hindi ka talaga nagluluto ng sarili mong pagkain ‘no?” tanong ni Alyssa kay Lance.

“Ay, oo. Sayang lang kasi kung magluluto pa ako, ako lang naman mag-isa at saka hindi talaga ako marunong magluto,” nahihiyang sagot ni Lance.

“Naku Lance, maaga kang magkakasakit sa ganyang pamumuhay. Gusto mo bang ipagluto kita sa tuwing nandito ako? Basta sagot mo iluluto. Kawawa naman ‘yang ref mo walang ibang laman kundi tubig, beer, at mga bulok na pagkain,” pag-aalok nito kay Lance.

Habang tumatagal kasi, kahit mistulang katulong siya ni Lance ay unti-unti na rin nagiging mga kaibigan ang dalawa. Hindi kasi sila nauubusan ng kwento sa isa’t isa sa tuwing magkasama ito kapag maglilinis na si Alyssa sa kanyang condo.

“Uy Alyssa, hindi na kailangan. Hindi naman ‘yan kasama sa trabaho, masyado nang nakakahiya kung pati pagluluto ay gagawin mo,” sagot ni Lance.

“Ano ka ba? Ayos lang ‘yon! Nagugutom din kasi ako pagkatapos kong magtrabaho tsaka para may kasabay ka rin kumain. Pwede naman akong kumain ulit, pagkauwi sa bahay,” ani Alyssa.

“Sigurado ka ba?” tanong ni Lance.

“Oo Lance. Siguradong-sigurado. ‘Wag ka na mahiya,” sagot ni Alyssa habang patuloy na naglilinis.

Alam niyang magiging matakaw siya kung doble doble kain ang gagawin niya, ngunit gusto niya rin kasing tulungan si Lance na ‘wag puro fastfood ang kainin. At saka nalungkot din ito nang malaman ang kwento ng buhay ng amo niya.

Si Lance ay anak ng kanyang ama sa pagkabinata, iniwan siya ng nanay niya ng sanggol pa lamang ito at iniwan sa tatay niya ang lahat ng responsibilidad. Hindi naman nagkulang ang ama nito sa pag-aalaga sa kanya, ngunit nang makahanap ito ng asawa ay kinailangan siyang iwan ng kanyang ama dito sa Pilipinas. Hindi kasi siya tanggap ng asawa nito ngayon, kaya nang nagplanong tumira sa ibang bansa ang asawa nito kasama ang mg anak nila, ay naiwan si Lance dito sa Pilipinas.

Tinulungan siya ng ama ng makahanap ng sariling lugar at binigay lahat ng pangangailangan nito, kaya kahit masagana ang buhay ni Lance ay labis naman ang pangungulila nito sa pagmamahal ng isang pamilya.

Kaya sanay rin si Lance na mamuhay ng mag-isa, madalas ay nasa gimikan ito para malimutan na malungkot siya. Nito na lamang nang maging tiga-linis niya ng bahay si Alyssa, nang maranasan muli na magkaroon ng kasama.

Nagpatuloy ang ganoong sitwasyon ni Lance at Alyssa, at dahil dito ay mas lumalalim na ang kanilang pagkakaibigan.

“Akala ko may inom kayo gabi?” tanong ni Alyssa habang nagsasampay ng mga nilabhang damit ni Lance.

“Hindi na nga natuloy eh. Sayang, gusto ko sanang lumabas,” sagot ni Lance. Pero ang totoo ay hindi na siya sumasama sa mga lakad ng mga kaibigan sa tuwing nandoon si Alyssa.

Mas inaabangan nito ang pagdating ni Alyssa, at inaabangan ang pagluluto nito. Minsan nga ay siya na mismo ang gumagawa ng ibang gawaing bahay, para agad na matapos si Alyssa at magkaroon sila ng mahabang panahon na magkwentuhan.

Hindi naglaon ay tuluyan ng nahulog ang loob ni Lance. Sobrang pagkahanga ang nararamdaman ni Lance kay Alyssa, dahil bukod sa kabaitan nito at sipag, ay labis din niyang hinangaan ang pagmamahal nito sa kanyang may sakit na ina.

Ngunit nang makaroon ng pagkakataon si Lance na magtapat ng nararamdaman kay Alyssa, ay hindi niya inaasahan ang magiging sagot nito.

“Lance…” sambit ni Alyssa.

“Baka masyado ka lang natuwa sa presensiya ko. Baka hindi mo naman talaga ako gusto. Akala mo lang siguro ‘yang nararamdaman mo. Pasensiya ka na at hindi ko matatanggap ang pag-ibig mo. Hindi pa kasi ako handa sa mga ganyang bagay, mas mahalaga sa’kin si inay at ayaw kong pumasok sa isang relasyon ngayon,” wika ni Alyssa.

Hindi mawari ni Lance kung ano ang mararamdaman niya. Naiintindihan niya ang sinabi ni Alyssa, sila na lang ng kanyang ina ang magkasama sa buhay at kaya nitong paikutin ang mundo niya sa kanyang ina, makasama lang ito ng mas matagal.

Matapos ang naagyari ay lumipas ang unang sabado at linggo na hindi na nagpunta si Alyssa sa condo ni Lance. Umiiwas rin ito sa kanilang opisina.

Isang buwan din ang lumipas na hindi na tuluyang nagtungo si Alyssa sa bahay ni Lance. Pinilit man niyang kalimutan ang dalaga ngunit nagdulot talaga ito ng pagbabago sa kanya, kaya talagang tinamaan siya ng pag-ibig para sa dalaga.

Nabalitaan nito na hindi na tumatanggap ng trabahong paglilinis si Alyssa, at pinaupahan na lang ang isang kwarto ng kanilang bahay, at magkasama na lang sila ng nanay niya sa iisang kwarto. Malaking tulong din kasi ang matatanggap nila buwan-buwan na bayad mula sa upa, upang gamitin sa pangbili ng gamot ng kanyang ina.

Nang malaman ito ni Lance, ay dali-dali itong pumunta sa bahay nila Alyssa.

“Tao po,” wika ni Lance habang kumakatok sa kanilang bahay.

“Sino yan?” tanong ng ina ni Alyssa na noon ay may hawak na tungkod.

“Tatanong ko po sana kung bakante pa po itong nakapaskil na room for rent?” sagot ni Lance.

“Ay oo. Bakante pa. Halika ka at tumuloy, maganda ang kwarto na ito. Bagong pintura ng anak ko para daw agad magustuhan ng titingin, dito ang kusina at banyo. Kunin mo na anak, madalas ay ako lang naman mag-isa rito,” wika ng ina ni Alyssa.

“Para matulungan ko ang anak ko, para hindi na niya kailanganin pang magtrabaho nang magtrabaho,” dagdag pa nito.

“Opo ‘nay, kukunin ko na po.” sagot ni Lance.

Hindi niya alam kung tama ba ang ginawang desisyon ngunit handa niyang iniwan ang marangyang pamumuhay at pinili na tumira sa munting paupahan nila Alyssa. At kahit sa ganitong paraan ay matulungan niyang muli ang dalaga na tinuring niya ring maging kaibigan.

Laking gulat naman ni Alyssa pag-uwi nang makita si Lance na nakaupo sa sala.

“L- Lance, bakit ka nandito?” nagtatakang tanong nito.

Sasagot na sana si Lance nang biglang sumagot ang nanay nito.

“Anak, siya yung umuupa sa isang kwarto. Nagbayad na siya kanina anak, kaya nakabili na rin ako ng gamot. Napakabait nga ng ginoong ito at sinamahan pa ako sa botika,” masayang kwento ng kaniyang ina.

Gulat man sa pangyayari ay hinayaan na lang niya ito dahil kilala naman niya si Lance. Naisip niyang mabuti na rin iyon, kahit papano ay hindi kung sinu-sino ay bigla na lang umupa sa kanila. Maya-maya nag nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang dalawa.

“Pasensiya ka na Alyssa, hanggang dito ay sinundan kita. Labis kasi akong nag-alala nung hindi ka na nagpunta sa condo, at iniwasan mo ko. Kaya nung nalaman ko na naghahanap ka ng uupa sa inyo ay agad akong nagtungo dito, dahil alam kong mahalaga ito para sa iyo. Kaya umalis na ako sa condo na ibinigay ni papa, masyadong malungkot doon, lalo na nung hindi ka na nagpupunta,” paliwanag nito kay Alyssa.

“Masaya ako sa simpleng buhay lang na ganito, tulad ng iyo. At alam ko din na napakahalaga sa iyo ng nanay mo, kaya sa ganitong maliliit na paraan ay nais kong makatulong,” dagdag nito.

“Lance, hindi mo naman kailangang gawin ang mga ito. Pero salamat, maraming salamat Lance. Patawad kung iniwasan kita ha? Kasi tulad mo, ay unti-unti na rin akong nahuhulog sa iyo noon, ngunit alam ko na hindi ko handang makarelasyon dahil si nanay lang ang mahalaga sa akin ngayon.” ani Alyssa.

“Naiintindihan kita, at handa akong hintayin ka Alyssa. Hihintayin kita hanggang sa maging handa ka na, kaya hayaan mo muna akong samahan at tulugan ka bilang iyong kaibigan,” sagot ni Lance.

Naging mas madali ang lahat ng magsimula ng umupa si Lance kila Alyssa. Madalas ay sabay na silang umuuwi, at minsan naman kapag wala si Alyssa dahil sa kanyang raket ay inaalagaan ni Lance ang kanyang ina.

Hanggang ngayon ay patuloy ang pagkakaibigan ng dalawa, at kahit hindi alam ni Lance kung kailan at kung papaano magiging handa si Alyssa, ay handa pa rin niya itong hintayin hanggang sa makamit niya ang matamis nitong “oo”.

Advertisement