Bumaba si Lynette mula sa sasakyan na naghatid sa kanya sa kanto ng kanilang bahay. Hindi kasi ito nakakapasok sa looban dahil masikip ang daanan. Nilalakad na lamang niya mula kanto hanggang sa makauwi ng bahay.
Hindi niya namamalayan na lagi na pala siyang pinag-tsistsismisan ng mga kapitbahay. Tahimik lang ang mga ito, ngunit minamatyagan na pala ang bawat galaw ng mga tao!
Minsan nga ay napabili siya tindahan ay binati ito ng tindera…
“Bigtime ka na Lynette ha? Mukhang may boypren kang mayaman,” bati ng tindera kay Lynette.
Dahil hindi naman niya kilala ang mga ito, at madalas lamang siyang nasa loob ng bahay ay hindi niya pinapansin ang mga biro nito.
Nang minsan naman ay naglalakad ito papunta kanto ay narinig niya ang pinag-uusapan ng mga babae.
“Ay wala siyang sundo ngayon,” sabi ng isang babae.
“Baka magkaaway sila,” sagot naman ng kasama nito.
Hindi na pinapansin ni Lynette ang mga tsismisan na ganito kanilang lugar. Hindi na kasi ‘yon bago, at mapapa-away ka lang kapag pinatulan mo pa ang mga ito.
Nagpatuloy ang ganitong bulungan sa tuwing naglalakad si Lynette sa kanilang lugar, ngunit tulad ng gawain niya ay hindi niya ito iniintindi.
Hanggang sa ang magulang niya ay bigla siyang kinausap.
“Lynette, may nobyo ka na ba, anak?” tanong ng ama nito sa kanya.
“Wala po ‘tay. Alam niyo naman na kung mayroon ay agad kong ipapakilala sa iyo,” sagot naman ni Lynette.
“Narinig ko kasi yung asawa ng kumpare na pinagkakalat na may nobyo ka na raw at mukhang mayaman pa nga raw ito,” sabi ng tatay nito sa kanya.
“Ngek! Saan naman nila yan napulot? Walang ngang nanliligaw sa akin!” natatawang sagot ni Lynette
“Talagang magagaling gumawa ng tsismis ‘tong mga kapitbahay natin ha,” dagdag pa nito.
“Pero wala naman ‘di ba, anak? Naikwento sakin ng manikuristang si Lenlen na mukhang matanda pa raw ang kinakasama mong lalaki,” tanong ng ina nito.
“Naku ‘nay! Wag kayong maniniwala sa mga kapitbahay natin, alam niyo namang beteranong tsismosa ang mga iyan,” ani Lynette.
Nagtataka na si Lynette kung paano nabuo ang ganitong tsismis sa kanya. Hanggang isang beses, maraming dala gamit Lynette na binili niya sa mall, ay sa tapat na siya ng kanilang bahay nagpababa. Agad naman itong sinalubong ng kanyang ina.
“Anak, akin na yang mga gamit mo,” agad na tinulungan ng ina nito si Lynette sa pagbuhat ng mga paper bag.
Bumaba naman ang drayber para ibaba ang mga gamit ni Lynette sa likod ng sasakyan at inabot ang mga gamit nito kay Lynette at sa kanyang ina.
“Hijo, halika tumuloy ka at magkape muna bago ka umuwi. Ikaw ba ang manliligaw ng aking anak?” pag-aaya nito sa drayber.
Ikinagulat ng drayber ang sinabi ng matandang at maging si Lynette din ay nagulat.
“Nay! Hindi ko nobyo ‘yang si kuya. Si manong driver yan, kumbaga nirerentahan ko ang sasakyan nila para magamit at ihatid ako sa pupuntahan ko,” pagpapaliwanag nito na sa kanyang nanay. Habang sinenyasan ang drayber ng pagsasalamat at na umalis na ito.
Pagkapasok ni Lynette ay agad nitong tinanong kung bakit ganoon ang sinabi ng nanay nito sa lalaki.
“Anak, akala ko kasi siya ang nobyo mo kasi hinatid ka niya dito sa bahay,” wika ng ina.
“Bali-balita kasi anak sa labas na may naghahatid sayo lagi doon sa kanto na lalaki, at paiba-iba ang sasakyan na gamit,” dagdag na paliwanag ng nanay nito.
“Narinig ko po minsan kay Lenlen nung nagpalinis ako ng kuko, na lalaking matanda pa raw ang naghahatid sa’yo. Kaya nung nakita ko na binata ang naghatid sayo kanina ay natuwa ako at hindi matandang lalaki ang nobyo mo. Mali pala ako,” dugtong ng ina.
“Nay, ‘di ba sinabi ko naman sa inyo na wala akong nobyo. At kung mayroon man ay ipapakilala ko sa inyo agad ni tatay. Bakit naman kasi naniniwala kayo sa mga tsismis na ‘yan?” inis na sabi ni Lynette.
“Grab yon ‘nay. Isang application iyon sa cellphone na pwede akong magbook ng kotse para sunduin ako at hinatid sa kahit anong lugar. Madalas ay nalalate na ako ng gising kaya nabobook na lang ako ng kotse papasok sa trabaho para hindi na ko sasakay pa ng bus at dyip,” pagpapaliwanag ni Lynette sa magulang.
“Sa tuwing ginagabi naman ako ng uwi at pagod na ay nagbobook na lang din ako ng kotse para diretso na dito sa atin ang biyahe. Kaya paiba-iba ang kotse na naghahatid sakin ma, kasi iba-ibang kotse ang mabobook mo depende sa kung sino ang walang pasahero,” ani Lynette.
“Bakit may matandang naghatid sa’kin? Iba-iba ho ang drayber ng mga kotse. Mayroong mga bata pa, mayroong may edad na at mayroong din mga lolo na, na gusto pa rin maghanap buhay,” wika pa ni Lynette.
Hindi nito lubos maisip na sobrang lala na ng mga tsismosa sa kanila, kaya kung ano-ano na lang ang pinagkakalat na balita kahit hindi naman nila alam ang totoo.
“Ang hirap kasi dito sa lugar natin nay eh maraming makakati ang dila, kung sino pa ang maayos na nagta-trabaho, sila pa ang mga pinupuntirya ng mga ito,” dagdag nito.
“Pasensiya ka na anak at nakinig ako sa mga tsismis ng iba, imbes na sa iyo,” malambing na sabi sa kanyang anak.
“Hayaan niyo na sila ‘nay, sasakit lang ang ulo natin sa kanila,” wika ni Lynette.
“Nak, habaan mo na lang ang pasensiya mo sa kanila,” bilin ng ama kay Lynette.
Lumipas ang ilang araw, patuloy pa rin pinag-uusapan nga mga tao ang palagiang pagsundo at paghatid ng mga kotse kay Lynette. Hanggang sa naglakas loob ang isa sa mga ito na si Lenlen, ang manikurista ng kanyang ina na lumapit sa kanya habang nag-aabang ng darating na kotse sa may kanto.
“Lynette, maaga ata ang pagsundo sa’yo ng matanda mong nobyo. Mukhang bigatin ito ha? Paiba-iba ng kotse. O ayan na pala! Bakit bagets naman ngayon, paiba-iba ka naman ng nobyo,” pang-uusyoso nitong kinausap si Lynette habang naghahagikgikan ang mga kumare nitong nakaupo lang sa harap ng tindahan.
Dumating na ang kotse, at nagpaalam na ng maayos si Lynette sa kanya. Nang papasok na si Lynette ay walang pakundangan nitong kinatok bintana sa may tapat ng drayber.
“Sir, ilang buwan niyo nang nobyo itong si Lynette? Kawawa ka dahil kung alam mo lang ay marami kayong lalaki ang naghahatid-sundo sa kanya rito,” pagbibida niyang sinabi sa drayber ng sasakyan.
Nagulat si Lynette sa ginawa ng kapitbahay. Nang nagtaka itong sagutin ang kapitbahay, ay pinigilan siya ng drayber.
“Ako na pong bahala mam,” wika ng drayber.
“Mawalang galang na po ginang, pero hindi po ako nobyo ni Ma’am. Grab driver lang po ako, at dahil Gold member namin si ma’am ay katulad ko rin na Grab Driver ang mga lalaking naghahatid sundo sa kanya. Bilang isang marangal siguro na naghahanap-buhay ay hindi malayong araw-araw ay kayang umupa ni Ma’am ng sasakyan para ihatid siya sa trabaho at ihatid din siya pauwi,” pagmamalaking ipinagtanggol nito ang pasahero.
“Ang katulad nila ma’am ang bumubuhay sa aming naghahanap-buhay, at kung patuloy niyo pagtsitsismisan ang mga katulad niya, ay maaring mawalan na sila ng gana na umupa pa ng sasakyan, na maaring magdulot sa pagkawala ng aming trabaho,” dagdag pa nito.
“At kung niyo mamasamain, ay ihahatid ko na po ang aking pasahero. May huli lang po kong payo sa inyo, isearch niyo po ng Grab sa Google para maintindihan niyo o makinig po kayo ng balita, imbes na nagpapalaganap po kayo ng mga tsismis sa inyong kapwa! Mauuna na ho kami sa inyo,” sabi ng drayber at tuluyan ng pinaandar ang kote para maihatid na ang pasaherong si Lynette.
“Salamat po sa inyo manong,” pagpapasalamat ni Lynette sa drayber.
“Walang anuman po ma’am, ilang beses na pong nangyari sa akin ‘yon. Napagkakamalan po ng mga tao na nobyo kami ng mga aming pasahero at minsan ay pinagtsitsismisan tulad ng ginagawa nila sa inyo. Hayaan niyo po na magsilbing pasasalamat ko ‘yon sa patuloy niyo pong pagtangkilik sa aming hanapbuhay,” nakangiting sabi nito.
Ang tsismosang si Lenlen naman ay napahiya sa kanyang mga kasama, nahiya ito sa nagawang eskandalo ngayong umaga. At dahil mabilis nga ang pakpak ng balita, ay agad nakarating sa nanay ni Lynette ang ginawa ng manukuristang si Lenlen. Mula noon ay hindi na kinuhang manikurista si Lenlen ng kanyang ina, at naging usap-usapan na din ang kanyang pagiging tsismosa na wala sa tama.
Sa maliit na paraan ay nagsilbing aral ito sa mga tsismosang walang magawa sa buhay kundi manira ng ibang tao. Na walang magiging mabuting bunga ang paghangad ng mali sa kapwa.