“Sira ka talaga, Mona! Kung kailan na nakatakda ka nang umalis papuntang Canada ay ngayon ka pa nagpabuntis!” gigil na sabi ng kaibigan na si Cleofe.
Isang linggo na lang at lilipad na siya papunta sa pinangarap na bansa nang mapag-alaman na nagdadalantao na pala siya.
“Sino ba ang ama ng batang iyan?” tanong pa ng kaibigan.
“W-wala na siya. Matapos niyang malaman na nabuntis niya ako ay kusa siyang nakipaghiwalay. Hindi pa raw siya handang panagutan ang dinadala ko. Hindi pa raw siya handang magpaka-ama,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mona.
“Ano pabang magagawa natin, e nariyan na iyan. Ang tanong, ano ang sasabihin ng mga magulang mo kapag nalaman nila ang nangyari sa iyo? Ang alam nila ay paalis ka na papuntang Canada?” tanong ni Cleofe.
“H-hinding-hindi nila maaaring malaman ito, Cleo, siguradong aatakihin sa puso si itay at itatakwil ako ni inay. Ang alam nila ay magtatrabaho pa ako para may panustos sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Kaya kailangan natin itong itago. Maaasahan ba kita?” aniya.
“Haynaku! Pero hanggang kailan mo maitatago iyan sa kanila?” sagot ng kaibigan.
“Bahala na.”
Sampu silang magkakapatid ang pito rito ay mga nagsisipag-aral pa. Nagsasaka lang sa bukid ang kanyang ama at ina kaya kulang na kulang ang kinikita ng mga ito para tustusan ang pa-aaral ng pitong kapatid. Ang dalawa niyang nakatatandang kapatid ay nagsipag-asawa na kaya hindi na nakakatulong sa pamilya. Dahil may trabaho siya sa Maynila ay siya ang tumutulong sa mga ito. Nangarap din siyang makapagtrabaho sa ibang bansa lalo na sa Canada dahil balita niya ay malaki raw magpasweldo ang mga employer doon. Nang matanggap ang kanyang aplikasyon ay laking tuwa niya ngunit hindi niya inakala na ang tuwang iyon ay mapapalitan ng galit at inis sa biglaan niyang pagdadalantao.
Naging kakuntsaba niya si Cleofe. Inilihim nila ang nangyari sa kanya hanggang sa dumating ang araw na nakapanganak siya na hindi man lang nalalaman ng kanyang pamilya at ibang kaibigan. Tanging ang matalik niyang kaibigan lang na si Cleofe ang nakakaalam ng lahat dahil sa lahat ng malapit sa kanya ay ito ang pinakamapagkakatiwalaan niya.
Sa isang pampublikong ospital siya nanganak. Makalipas ang ilang araw ay napagpasyahan na niyang umuwi. Tulala pa rin siya at nag-iisip kung ano na ang gagawin niya ngayong nailuwal na niya ang sanggol. Kailangan niyang kumayod dahil kinukulit na siya ng nanay at tatay niya na bakit paputol-putol ang pagpapadala niya ng pera. Mayamaya ay tumunog ang kanyang cell phone.
“Hello?”
“M-Mona, ikaw ba iyan? Si Lexi ito. Ano na? Kaytagal kitang tinatawagan, hindi mo naman sinasagot ang mga tawag ko. Balita ko hindi ka raw natuloy sa Canada? May iaalok sana akong trabaho sa iyo sa Australia. Baka intersado ka,” wika nito sa kabilang linya. Isa rin ang babae sa malalapit niyang kaibigan ngunit pati rito ay inilihim niya ang kanyang munting sikreto.
“Talaga? Sige interesado ako. Kailan ako makakaalis?” aniya.
“Sa lalong madaling panahon. Nangangailan kasi ng sekretarya sa opisinang pinagtatrabahuhan ng kapatid ko. Tinanong niya ako kung mayroon akong mairerekomenda at naisip ko nga ang pangalan mo,” anito.
Agad niyang tinanggap ang alok ng kaibigan ngunit nag-aalala siya kung paano na ang kanyang anak. Saan niya ito iiwan? Kay guwapong sanggol pa naman ng kanyang anak, manang-mana sa kanyang kaputian. Sa pagkakataong iyon ay mas mahalagang matupad ang pangarap niya na mangibang bansa. Mayamaya ay dali-dali niyang inilagay sa isang kahon ang sanggol at pasimpleng iniwan sa gilid ng simbahan. Sinadya niya talagang iwan doon ang anak nang magsimulang kumalat ang dilim at wala na masyadong tao sa paligid. Kinailangan niyang abandunahin ang sariling anak dahil ayaw na niyang palampasin ang pagkakataon na muling kumakatok sa kanya. Paano siya makakaalis kung nasa kanya ang sanggol.
Nang makaalis si Mona sa simbahan ay sadyang dating naman ng dalawang mag-asawa.
“Diyos ko! Kay haba pala ng biyahe papunta dito sa Maynila,” pagod na pagod na wika ni Aling Chevez.
“Huwag ka nang magreklamo. Buti nga at ligtas tayong nakarating dito. Mag-aalas-onse y mediya na pala ng gabi ‘no?” Teka, nasa tapat pala tayo ng simbahan at bukas pa. Halika at dumaan muna tayo,” sagot naman ni Mang Celso.
Pagpasok pa lang nila sa simbahan ay tila my narinig silang iyak ng sanggol.
“Mahabaging langit! Bata, Celso, bata na nasa loob ng kahon!” gulat na sabi ng asawa.
“Oo nga. Sino namang walang puso ang nag-iwan sa sanggol na iyan?” tugon naman ng mister.
Nahabag ang mag-asawa at agad nila itong inuwi sa bahay ng kanilang pamangkin na nakatira rin sa Maynila. Doon sila pansamantalang tutuloy hangga’t hindi pa nila napupuntahan ang kanilang anak na naroon din sa lungsod. Ipinakita nila ang napulot na sanggol sa pamangking si Anna.
“Napulot niyo kamo ang batang iyan? Huwag niyo nga akong lokohin, tingnan niyong mabuti, kamukhang-kamukha ng mga pinsan ko. Apo niyo yata ang sanggol , e o baka naman anak niyo?” pag-uusisa ng babae.
Pinagmasdang mabuti ng mag-asawa ang sanggol. Kitang-kita nila ang malaking pagkakahawig nito sa isa nilang anak na si Mona.
“Tama ang pamangkin mo, Chevez. Kamukhang-kamukha nga ni Mona, o!” sabad ni Mang Celso.
“P-pero parang imposible naman na kay Mona ang batang iyan. Wala naman po akong nababalitaan na nobyo o asawa ng pinsan ko at isa pa hindi siya puwedeng mabuntis dahil mangingibang bansa pa siya,” nagtatakang sabi ni Anna.
Nagkagulo sila dahil sa misteryosong katauhan ng bata. Agad nilang tinawagan si Mona para makausap subalit hindi ito sumasagot. Binigay alam din nila rito na nasa Maynila na sila para dalawin ito. Ilang linggo ang nagdaan at walang paramdam man lang si Mona. Isang linggo na ring nasa poder nila ang sanggol na napamahal na rin sa kanila.
“Isa lang ang paraan para malaman natin ang katotohanan,” sambit ni Mang Celso.
Dahil sa kagustuhan na malaman na agad ang pagkatao ng sanggol ay lumapit sila sa isang ahensiya ng gobyerno. Pina-DNA test ang sanggol at ang mag-asawa. Nang malaman nila ang result. Nang lumabas ang resulta ay laking pagkagulat ng mag-asawa.
“Diyos ko, totoo nga na kadugo natin ang batang ito. Siya ay ating apo, Celso!”di makapaniwalang sabi ni Aling Chevez.
“I-ibig sabihin ay inabandona ng ating anak ang sarili niyang anak?” nanghihinayang na tanong ni Mang Celso na nangingilid na ang luha.
Sinubukan nilang hanapin at tawagang muli ang anak ngunit hindi talaga nito sinasagot ang kanilang mga tawag. Pati ang matalik na kaibigan nito na si Cleofe ay tinanong ng ma-asawa ngunit wala rin daw itong alam kung nasaan na ang dalawa. Sinabi lang nito na may kausap ang kaibigan noon sa cell phone at ang pinag-uusapan ay ang napipinto nitong pag-alis sa bansa para magtrabaho.
Itinigil ng mag-asawa ang paghahanap sa anak. Mahirap nga naman hanapin ang ayaw magpakita. Mas itinuon nila ang pansin sa pag-aalalaga at pagpapalaki sa kanilang apo.
“Ang guwapo-guwapo naman nitong apo ko, manang-mana sa lola!” tuwang-tuwang sabi ng babae.
Pinalaki ng maayos ng dalawang matanda ang anak ni Mona. Pinag-aral din nila ito gaya ng iba pang mga anak kahit mahirap ang kanilang buhay ay iginapang nila ang apo na pinangalanang Matthew.
Makalipas ang pitong taon ay napagpasyahan nang bumalik ni Mona sa sariling bansa. Malaki na rin ang kanyang naipon mula nang magtrabaho sa Australia.
“Ito na siguro ang tamang panahon para magbalik ako,” bulong sa sarili ni Mona habang nag-aayos ng mga bagahe pauwi sa Pilipinas.
Bagamat naging masuwerte sa pinuntahang bansa ay kinakain pa rin siya ng kalungkutan at hindi pa rin kumpleto ang kanyang pakiramdam. Para sa kanya ay hindi pa rin siya buo.
Sa kanyang pagbabalik sa probinsiya para dalawin ang mga magulang ay laking gulat niya sa nakita. Isang napakaguwapong binatilyo ang bumungad sa kanya.
“Alam kong balang araw ay babalik po kayo, alam kong isang araw ay makukumpleto tayong pamilya, inay,” masayang bati ni Matthew sabay yakap sa kanya nito nang mahigpit.
Nangilid ang luha ni Mona sa sinabing iyon ng anak. Di siya makapaniwala na kaharap niya ang sanggol na iniwan niya noon sa simbahan.
“P-paanong nangyari?” aniya na naguguluhan pa rin.
“Itinadhana talaga na makita namin ang aming apo nang lumuwas kami noon sa Maynila. Mula noon ay pinalaki namin siya bilang isang mabait at masunuring bata,” sabad ni Aling Chevez.
“Miss na miss po kita inay. Mabuti naman po at bumalik na kayo,” nakangiting wika ni Matthew.
Walang sumbat, galit, o anumang negatibong salita ang nagmula sa kanyang anak at mga magulang. Tinanggap at pinatawad siyang muli ng mga ito sa kabila ng mga nagawa niya. Labis-labis ang pagsisisi niya sa pag-iwan sa anak. Humigi siya ng tawad kay Matthew, pati na rin kina Aling Chevez at Celso sabay yakap sa mga ito.
Mula noon ay bumawi si Mona sa anak. Ipinaramdam niya rito ang kanyang pagmamahal at pag-aaruga na hindi niya noon naiparamdam sa binatilyo. Bumawi rin siya sa mga magulang sa mga nagawa niya rito. Pinatayuan niya na ang bahay ang mga ito mula sa naipon niya ng ilang taon sa ibang bansa. Napagpasyahan niya na huwag na bumalik sa Australia at sa Pilipinas na manirahan para mas maging close pa sila ng kanyang mga pinsan.