Inday TrendingInday Trending
Checklist Ko, Buuin Mo

Checklist Ko, Buuin Mo

“Okay. Matalino, gwapo, mabait… checked!” usal ni Eliza sa sarili habang minamarkahan ang checklist niya. Ito ang listahan ng mga katangian ng lalaking gusto niyang makasama habangbuhay.

Hindi lang ubod ng ganda ang dalaga kundi mabait, matalino, masiyahin at napakasipag rin nito sa buhay. Siya yung tipo ng tao na pag dumating na sa isang lugar ay agad na papaligiran hindi lang ng mga kaibigan niya kundi pati na ng mga taga-hanga.

Madali lang din kasing makagaanan ng loob si Eliza dahil sa taglay na kabaitan ng dalaga. Madali niyang nakukuha lahat ng kanyang gustuhin kaya naman marami rin ang naiinggit sa kanya.

“Hoy! Ano na naman yang pinaggagagawa mo, friend?” panggugulat pa ng kaibigan ni Eliza na si Sheila. Kinuha naman nito ang hawak niyang notebook kung saan nakasulat ang kanyang checklist.

“Diyos ko naman friend, pagkahaba-haba naman nitong checklist mo! Sigurado ka bang may lalaking ganyan? Masyado namang perpekto yan. Nakakaloka ka, girl!” hindi makapaniwalang asik ng kaibigan kay Eliza.

“Ganun talaga,” nagkibit balikat na lamang si Eliza.

“Ah, kaya hindi ka pa nagkakajowa. At mukhang hinding-hindi ka talaga magkakajowa kahit na kailan kapag ipinagpatuloy mo iyang ginawa mo, sige ka,” pabirong pananakot pa ni Shiela sa kaibigan.

“Ay, sure why not? Kung wala, eh di wala. Alam mo, okay na akong maging single for life kaysa naman mapunta sa maling tao. That’s the worst,” sagot ni Eliza habang inaayos na ang mga gamit niya bago sila umalis ni Shiela para kumain.

Marami nang nagtangkang manligaw sa dalaga pero sa kasamaang palad, wala ni isa sa kanila ang nakakakompleto ng checklist ng niya. Akala nga ni Eliza ay wala na talagang makakakompleto pa nito kahit na kailan.

Hanggang sa dumating si Liam sa buhay niya. Lahat ng gusto niya sa isang lalaki ay nasa kay Liam na. Matalino, mabait, maalaga, maginoo, may respeto sa lahat, mapagkumbaba at napakamasayahin. Walang minuto na mababagot ka kapag kasama mo ang binata.

“Wow, napakaganda mo talaga Eliza,” namamanghang pahayag ng binata habang nakatingin sa kanya habang kumakain sila. Natawa naman siya at mahinang pinalo si Liam.

“Alam mo, napaka bolero mo no?” natatawang sagot niya sa binata.

“Hindi ah. Ganyan ka naman, Eliza eh. Wala kang ibang pinaniniwalaan kundi ang sarili mo lang. Wala talagang makakapasok dyan sa puso mo kung wala kang hahayaang makapasok. Please, give me a chance na patunayan sayo na totoo yung nararamdaman ko sayo. Please Eliza, just one chance…” tinitigan lang ni Eliza si Liam.

Lumipas pa ang ilang araw at patuloy pa rin sa pagkikita sina Eliza at Liam. Masaya silang dalawa sa isa’t isa at alam ni Eliza na unti-unti ng nahuhulog ang loob niya sa binata.

“Yes tita, dito po yung piece na ‘to oh. Ito po siya nakalagay,” ani ni Liam sa ina ni Eliza na ikinabigla naman ng dalaga.

“Liam, anong ginagawa mo rito sa bahay namin?” tanong ni Eliza sa binata na busy sa pagbuo ng jigsaw puzzle kasama ang ina at kapatid niya.

“Ah nakita ko siya sa labas habang hinihintay ka, eh pinapasok ko na,” sagot naman ng kanyang ina sa tanong niya sa binata.

“Tingnan mo ate, matatapos na rin yung jigsaw puzzle na pilit nating binubuo ng ilang taon. Ang galing ni Kuya Liam!” masayang balita sa kanya ng nakababatang kapatid. Ngumiti lamang siya dito.

“Oo nga, halika ka dito samahan mo kami Eliza,” paanyaya pa sa kanya ni Liam. Bigla namang nanariwa sa isip ni Eliza ang alaala niya kasama ang kanilang ama.

Parehong-pareho eskena. Kagagaling niya lang sa eskwela at may dalang bagong napakalaking jigsaw puzzle ang kanyang ama at pilit nilang binubuo iyon, kasama ang ina at nakababatang kapatid. Bigla siyang nakaramdam ng takot.

“Liam, pasensya na pero sa tingin ko kailangan mo ng umuwi,” wala sa sariling saad ni Eliza sa binata.

“Ha? May nagawa ba akong mali, Eliza?” kinakabahang tanong ni Liam.

“Wala. Basta umalis ka na. Wag ka na munang magtanong,” tinitigan niya ito sa mata at tumango naman si Liam.

“Sige po Tita, alis na po muna ako. Bye, Eliza. Text mo nalang ako kung okay ka na ha?” naguguluhan man ay pilit na ngumiti ang binata bago umalis.

Pagka-alis ni Liam ay agad na nagkulong si Eliza sa kanyang kwarto at umiyak ng umiyak. Naalala niya na naman ang kanyang ama. Ang napaka walang kwenta niyang ama.

Dati silang isang masayang pamilya. Siya, ang mommy niya, ang daddy niya, at kanilang bunso. Mahal na mahal nila ang isa’t isa at siya ang pinakamalapit sa kanilang ama. Siya raw ang munting prinsesa nito.

Ngunit ang buong mundo niya ay biglang gumuho ng umalis ang kanilang ama at iniwan sila para sa ibang babae. Simula noon ay nag-umpisa na siyang gumawa ng isang checklist. Isang checklist na imposibleng buuin ng kahit na sinong lalaki.

Ginawa niyang dahilan ang checklist, para hindi mapalapit sa kung sino mang lalaki na maaaring wasakin lang din ang puso niya kagaya ng kanilang ama. Sarili nga niyang ama na dapat unang nagmamahal sa kanya ay nagawa siyang iwan, ang iba pa kaya?

Hindi na nagawang magtiwala ni Eliza sa pag-ibig. Sa halos gabi-gabi ba namang pag-iyak ng kanyang ina nang sila ay iniwan ng kanyang ama, sino ang hindi matatakot sa pag-ibig di ba?

Kinuha niya ang notebook niya kung saan nakasulat ang checklist niya at ang pangalan ni Liam. Lahat may marka na. Naiyak na lamang siya at binura ang numero ng binata sa cellphone niya. Ayaw niyang sa pangalawang pagkakataon, maiwanan ulit siya ng lalaking pinakamamahal niya…

“Congratulations! It’s a healthy baby girl!” anunsyo ng doktor pagkalabas nito sa operating room. Kakatapos lamang manganak ni Eliza.

“Congratulations Liam, anak, isa ka nang ganap na ama,” bati kay Liam ng kanyang ama.

“Oo nga hijo, alagaan mo ng mabuti ang anak at apo ko ha? Wag kang gagaya sa akin,” malugod na paalala naman ng ama ng asawa niyang si Eliza.

Pagtapos ng pagtatagpong iyon ay hindi sumuko si Liam kay Eliza at ginawa lahat ng lalaki para buksan ng dalaga ang puso nito sa kanya. Hinanap niya ang ama nito at masinsinang kinausap. Nagising naman ang ama ng dalaga at binalikan ang kanilang pamilya.

Nang una ay ayaw pa itong tanggapin ni Eliza, ngunit kalaunan, dahil na rin sa pakiusap ng ina, kapatid at ni Liam ay bumigay na rin ang dalaga at pinatawad ang ama. Unti-unting nabuo na muli ang puso ng dalaga at nang sa tingin niya ay handa na siyang ibigay ang puso niya, ibinigay niya ito sa walang sawang naghihintay sa kanyang si Liam.

Naging sila sa loob ng tatlong taon bago maisipang magpakasal. Sa buong relasyon nila ay ni minsan ay hindi sinira ni Liam ang tiwala ni Eliza. Hindi siya kailanman binigo ng binata. Makalipas lamang ang isang taon ay agad naman silang biniyayaan ng kanilang unang anghel. Ang panganay nilang si Michaela.

Minsan nakakatakot talaga ang umibig, subalit lahat ng pangamba ay mawawala kapag ang dumating sa buhay natin ay ang taong tunay na tatanggap at magmamahal sa atin. Yung taong handang pawiin lahat ng takot na meron tayo at handang lapatan ng pagmamahal na walang hinihinging kapalit.

Advertisement