Inday TrendingInday Trending
Basbas Mo, Paghihirapan Ko

Basbas Mo, Paghihirapan Ko

“Ano? Magpapakasal ka sa anak ng mga magsasakang iyon ha, Cassandra?! Nahihibang ka na ba?! Kung hindi ka nahihiya para sa sarili mo, mahiya ka naman para sa pamilyang ito!” bulyaw ng ama ni Sandra nang magpaalam siya sa nais nilang maikasal ng kanyang nobyong si Felipe.

Tutol ang pamilya ni Sandra sa kanyang nais na pagpapakasal sa kanyang nobyo. Nabibilang kasi sa kilalang pamilya si Sandra, at si Felipe naman ay anak lamang ng mga magsasaka na nagtratrabaho sa kanilang hacienda.

“Pero papa, alam mong nagamahalan kami ni Felipe, simula pa nang kami ay mga bata. Nasaksihan niyo an gaming paglaki!” buong tapang na sagot ng dalaga sa kanyang ama. Handa siyang ipaglaban ang kanyang nararamdaman para sa kanyang kasintahan.

Bata pa lamang ay batid na ng lahat na may kakaibang koneksyon ang dalawang bata, animo ay parang magkadikit na ang kanilang mga bituka dahil araw-araw ay makikita silang magkasama. Mayaman man ang pamilya ni Sandra, hindi naman siya tumitingin sa estado sa buhay ng tao, kaya madali niya ring nakagaanan ng loob ang kanilang mga trabahador. Isa na roon ang pamilya ni Felipe.

Nang nagdadalaga at nagbibinata na sila Sandra at Felipe ay hindi pa rin nagbago ang kanilang pagiging malapit sa isa’t isa. Madalas silang makitang magkasama kaya naman naisip ng mga magulang ni Sandra na ilayo ang anak at pinadala sa Maynila para doon na pag-aralin.

Bagama’t nasa malayo ay hindi pa rin nalimot ng dalawa sa isa’t isa. Sa tuwing uuwi ang dalaga sa kanila para sa bakasyon ay parati silang nagtatagpo ng binata. Hanggang sa isang araw ay nagtapat ng kanyang wagas na pag-ibig si Felipe na agad din namang sinagot ni Sandra. Niligawan niya ang dalaga at matapos ang isang taong panliligaw, naging ganap na silang magkasintahan.

“Hindi kita pinalaki sa marangyang buhay para lamang ibigay sa isang basurang katulad ni Felipe! Hindi ka magpapakasal sa kanya! Tapos na ang usapan na ito Cassandra, matuto kang sumunod dahil wala ka rin namang magagawa!” pinal at ma-awtoridad na sigaw ng ama bago siya nito iniwan at nagtungo sa sariling silid.

Hindi matanggap ng ama ni Cassandra ang kanyang naging desisyon na pakasalan ang kanyang nobyo kaya naman upang matiyak na hindi magtatanan ang dalawa ay ikinulong ng Don si Sandra sa kanyang silid at pinabantayan sa kanilang mga guardia at mga katulong.

Walang magawa si Sandra kundi maghintay sa kasintahan na sagipin at kunin siya. Masyadong mahigpit kasi talaga ang mga nakabantay sa kanya, ngunit ilang buwan na ang lumipas at walang Felipe ang dumarating para sagipin siya.

Nagsimula siyang manlumo at nagsimulang isipin na baka naman sumuko na ang kanyang kasintahan at pinabayaan na lamang siya? Pero hindi! Kilala niya si Felipe at tunay ang pagmamahal ng binata sa kanya. Araw-araw ay kung anu-ano na lamang ang iniisip ng dalaga. Napakatagal na ng huli silang mag-usap ng kanyang nobyo.

Bagama’t nakakalabas naman ng kanilang bahay paminsan-minsan ay hindi naman makatakas ang dalaga. Talaga namang sinisigurado iyon ng ama niya dahil sobrang higpit ng mga nakabantay sa kanya. Kahit sa banyo ay may kasama siyang mga katulong. Konting mali lang ng mga ito ay agad na tinatanggal, kaya naman lahat ay takot magkamali.

Hindi na alam ni Sandra ang kanyang gagawin at halos masiraan na siya ng bait kakaisip kung paano tatakas. Matapos ang mahigit isang taon ay nakahanap rin ng pagkakataon ang dalaga.

Binawasan ang mga guardia at mga katulong na nakabantay sa kanya, kaya naman mas madali sa dalaga ang tumakas pag nagkataon. Humahanap lamang siya ng tamang pagkakataon para maisagawa ang planong pagtakas.

May isang pagtitipon kasi sa kanilang bahay gawa ng kaarawan ng kanilang pinakamamahal na ama. Kaya lahat ay abala at hindi masyadong nakatutok sa kanya ang atensyon ng kanyang pamilya.

Nang magsisimula na ang pagdaraos ng kaarawan ng Don ay nakahanap naman na ng pagkakataon ang dalaga para tumakas. Dahan-dahan siyang lumabas kasabay ng mga katulong ng kanilang mga bisita. Mabuti na lamang at hindi siya kilala ng mga ito.

Nang makalabas ng Mansyon ay agad siyang nagtungo palabas. Nang mahagilap siya ng kanyang mga guardia, agad siyang nagtatatakbo ng mabilis habang tingin ng tingin sa mga guardia upang hindi siya maabutab ng mga ito, hindi niya napansin ang lalaking nasa harapan niya kaya naman natumba silang dalawa.

“Pasensya na, nagmamadali kasi ako,” paghingi niya ng paumanhin sa lalaki ng hindi man lang tinitingnan ang mukha nito at akmang tatakbo ulit ng hawakan siya nito sa kanyang mga kamay kaya napatingin siya sa mukha ng lalaking nakabangga. Natawa naman ang lalaki ng makita ang gulat sa mukha ng dalaga.

“Felipe!? Anong ginagawa mo rito? Ay hindi, mamaya na natin pag-usapan yan. Halika ka na bilis, kailangan na nating tumakbo at ng makatakas tayo,” sinubukan niyang hilahin ang binata pero hinila lang rin siya nito pabalik.

“Tapos ano? Makakatakas tayo ngayon tapos? Habangbuhay tayong magtatago sa pamilya mo? Sandra naman. Ayoko ng ganoong buhay para sa ating dalawa at sa magiging pamilya natin. Hindi tayo tatakas. Haharapin ko ang pamilya mo,” buo ang loob na saad ni Felipe sa kasintahan.

Walang nagawa si Sandra kundi sumama sa kasintahan na bumalik sa loob ng Mansyon. Agad na nagliyab naman ang mga mata ng kanyang ama ng makita silang dalawa ni Felipe.

“Ano ang ibig sabihin ng kalapastangang ito Cassandra?!” sigaw ng kanyang ama habang nakatingin sa kanya. Agad naman siyang napatago sa likod ng kasintahan.

“Paumanhin po Sir, alam ko pong ayaw niyo po sa akin para sa inyong anak sapagkat sa inyong mga mata ay hindi ako karapatdapat. Lumaki po ako sa mahirap na pamilya. Ang mga magulang ko po ay nagtratrabaho lamang sa inyong hacienda. Ngunit, ipinapangako ko pong ang pag-ibig ko sa anak ninyo ay wagas at totoo,” pasimulang bati ni Felipe sa ama ni Sandra.

“Mahigit isang taon na po ang nakalilipas ng mapagdesisyonan namin ng inyong anak na magpakasal. Humingi po kami ng pahintulot sa inyong aming mga magulang. Wala po kaming naging problema sa aking mga magulang pero sa kasamaang palad ay hindi naging ganun sa inyo. Ipinaglayo niyo kami ni Sandra,

Tinanggal niyo ang aming buong pamilya sa trabaho at ikinulong niyo si Sandra para masiguradong hindi na kami ulit magkikita pa. Labis na paghihirap ang aking naranasan, at ang hindi ko lamang matanggap na pati ang aking pamilya ay dinamay ninyo pa.

Aaminin kong umabot ako sa puntong kinasuklaman kita, ngunit sa kalaunay napagtanto ko kung bakit niyo nagawa iyon. Natakot lamang kayo sa buhay na naghihintay sa inyong anak sa oras na ipilit namin ang aming gusto. Hindi naman lingid sa kaalaman ng kahit na sino rito na si Sandra ang inyong pinakapaboritong anak,

Kaya nagsikap ako ng mabuti. Nagtrabaho ako sa isang matandang ubod ng yaman. Wala na siyang pamilya kaya ng makita niya akong nakahandusay sa kalsada isang gabi habang papauwi na siya ay kinupkop niya ako. Itinuring niya akong anak at itinuro sa akin lahat tungkol sa kanyang negosyo,

Naikwento ko rin sa kanya ang aking buhay, at kanyang inihabilin sa akin bago siya binawian ng kanyang huling hininga na balikan ko ang babaeng aking iniibig, at hingin ang kanyang kamay sa inyo na kanyang ama sa maayos at marangal na paraan,

Kaya Sir, nandito po ako ngayon sa inyong harapan upang hingin ang kamay ng inyong bunsong anak na babae na si Cassandara Montemayor. Sana ay ibigay niyo sa amin ang inyong basbas.”

Lahat ay naluha at nagpalakpakan sa madadaming pahayag ni Felipe. Lalo na si Sandra at ang kanyang pamilya. Napaluha din ang Don sa narinig. Hindi niya inaasahang ganoon katindi ang pag-ibig ng binata sa kanyang mahal na anak.

Ibinigay naman ng ama ni Sandra ang kanyang basbas at sa wakas ay naikasal na rin ang dalawa. Dinala ni Felipe ang kanyang asawa sa puntod ng matandang nagsilbing ama at tumulong sa kanya para umahon. Nagpasalamat na rin si Sandra sa matanda sa lahat ng ginawa nito para kay Felipe. Dinadalaw nilang mag-asawa, kasama ang kanilang mga naging anak ang puntod ng matanda sa tuwing may mga espesyal na okasyon bilang pasasalamat sa biyayang hatid nito sa kanilang pamilya.

Ngayon ay isa na ring magaling at mayamang negosyante si Felipe. Tuloy pa rin siya sa pagkayod upang mas mapalago pa ang mga negosyo at maibigay maginhawang buhay para sa kanyang pamilya.

Advertisement