Inday TrendingInday Trending
Pinagpala Ka Pa Rin

Pinagpala Ka Pa Rin

“Anak, patawarin mo si sana Mommy kung ngayon ko lang sasabihin sayo ito. Pero totoo, hindi kita tunay na anak. Hindi ka galing sa aking sinapupunan.”

Yan ang mga katagang nagpabago sa buhay ni Cheska. Marami pang sinabi ang kanyang kinagisnang ina, ngunit wala na siyang naintindihan sa mga ito. Ang katotohanang ampon lamang siya ang natira sa isip niya.

Alam niyang dapat ay magpasalamat pa siya sa kanyang kinagisnang ina at pamilya sa ginawang pagkupkop at pagpapalaki sa kanya ng mga ito pero hindi niya maiwasang magalit. Punong-puno ng galit ang puso niya.

Galit para sa kanyang kinagisnang pamilya dahil inilihim nila na isa lamang siyang ampon sa napakahabang panahon. Galit sa totoo niyang mga magulang dahil pinabayaan siya ng mga ito. At galit sa Diyos, dahil sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit siya pa? Bakit sa kanya pa dapat itong mangyari? Ano ba ang ginawa niyang mali para maranasan ang lahat ng ito?

Nagsimulang magbago si Cheska. Ang dating masiyahin, palatawa at puno ng buhay na Cheska ay napalitan ng walang buhay at parating nakatulala nalang na “Cheska”. Labis na nalulungkot at nahihirapan ang kanyang pamilya sa nakikita nila sa anak. Alam nilang sobrang nahihirapan itong tanggapin ang natuklasan sa kanyang pagkatao at wala naman silang magawa kundi ang alalayan lamang itong tumayo.

“Anak magsalita ka naman, kausapin mo si mommy, please?” naluluhang pakiusap ng kinagisnang ina ni Cheska.

Kasalukuyang nasa hospital si Cheska dahil nagtangka itong tapusin ang sariling buhay at uminom ng napakaraming gamot. Naabutan ito ng nakatatandang kapatid na nakahandusay sa sahig ng banyo sa kanyang kwarto. Agad naman na dinala sa hospital ang dalaga at sa awa ng Diyos ay maayos na ito ngayon.

“Cheska, anak,” sunod-sunod na tumulo ang mga luha sa mata ng kanyang ina ng walang sagot na nakuha kay Cheska.

“Mommy, hayaan na po muna natin si Cheska. Wag na po kayong umiyak. Maya-maya lang po ay parating na rin po si Dad,” pagpapatahan ng nakakatandang kapatid ni Cheska sa ina.

Hinayaan na muna nila si Cheska na mapag-isa at umalis na muna ng kwarto. Maya-maya lang din gaya nga ng sabi ng nakatatandang kapatid ni Cheska ay dumating nga ang kanyangkinagisnang ama. Agad namang nagpanggap na tulog ang dalaga para maiwasang kausapin ng ama. Umupo ito sa tabi ng kama niya at hinawakan ang kanyang kamay.

“Cheska anak? Baby girl? Alam ng daddy na gising ka. Kahit hindi mo na imulat ang iyong mga mata, alam kong naririnig mo ako,” akala niya ay papagalitan siya ng daddy niya pero napakamalumay ng pakikipag-usap nito sa kanya. Mas lalo tuloy siyang na guilty.

“Pasensya na kung hindi namin agad nasabi sa iyo ang katotohanan tungkol sa iyong tunay na pagkatao. Natakot lamang kami na baka nga maging ganito ang reaksyon mo. Alam kong mali at dapat ay sinabi na naming agad sayo bago mo pa malaman sa iba. Patawarin mo sana kami,

Pero Cheska pakakatandaan mo na mahal na mahal ka namin. Ni minsan ay hindi ka namin itinuring na iba sa amin. Hindi ka man galing sa amin ng mommy mo, pero anak ka pa rin namin, dahil galing ka sa puso namin anak,” naramdaman niyang marahang pinisil ng kanyang ama ang kanyang kamay.

“At anak alam mo, kahit na hindi mo man nakasama o nakilala ang tunay mong mga magulang, hindi rin naman kasi sila nahanap. Basta ka nalang kasing iniwan sa labas ng pinto namin. Kahit na ipinamigay ka man nila, napakaswerte mo pa rin. Labis ka pa ring ipinagpala,

May ikukuwento sayo ang daddy na kahit na sino sa iyong mga kapatid ay hindi pa nalalaman ito. Ayaw sana naming malaman niyo ito ng mga kapatid mo at baka mag-iba ang tingin niyo sa amin ng mommy mo pero pakiramdam ko ay mas mabuti ng malaman mo ito,

Pareho kaming lumaki sa squatter ng mommy mo. Napakahirap ng buhay roon. Nakakatakot ang mga tao. Laging mga gutom ang mga tao kaya naman hindi nakakapag-isip ng tama at parating maiinit ang mga ulo. At isa na roon ang mga magulang namin.

Araw-araw ako kung bugbugin noon ng aking ama. Pero kahit na ganun ay hindi ko siya iniwan at nagsikap akong mabuti para makapag-aral. Ginawa ko ang lahat para makapasok sa paaralan pero dumating ang isang araw na hindi ko na nakayanan ang panggugulping ginagawa niya sa akin araw-araw. Kaya napagdesisyonan ko ng lumayas.

Malapit lang ang bahay ko sa bahay ng mommy mo, at gaya ko, alam kong pinagmamalupitan din siya ng kanyang ama at ina. Hindi ko alam na nang gabing iyon ay nakatakda palang ibenta ang mommy niyo ng sarili niyang mga magulang sa matandang pinagkakautangan ng mga ito.

Hindi na rin nakayanan ng mommy niyo ang kalupitang kanyang nararanasan at takot na takot rin siyang maibenta sa matandang kalbo na iyon, kaya sumama sa akin ang mommy niyo. Magkasama naming nilisan ang lugar na iyon at nagpakalayo-layo.

Hindi naging madali ang buhay para sa aming dalawa. Pinasok namin ang lahat ng klase ng trabaho, basta ba marangal, para lamang may makain at makapagtapos ng pag-aaral. Kung saan-saan lang din kami nakikitira hanggang sa makapagtapos nga kami at nakahanap ng maayos na trabaho,

Pinag-igihan namin ang aming trabaho dahil ayaw na naming maranasan ulit ang mga paghihirap na iyon. At mas lalong ayaw naming maranasan iyon ng mga magiging mga anak namin ang ganung paghihirap. Hanggang sa may nakarating na nga kami sa buhay at kasalukuyang ninanamnam ang bunga ng lahat ng paghihirap at pagsusumikap namin,

Kaya anak, alam kong pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang sarili mo dahil lamang sa hindi mo kilala kung sino ang mga tunay mong magulang. Pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang sarili mo…”

Hindi na napigilan pa ni Cheska ang kanyang hikbi at mga luha na kanina pa pinipigilan, kusa na lamang itong kumawala sa kanyang bibig at mga mata. Naramdaman niya naman na niyakap siya ng ama.

“Pero anak, hindi ikaw ang mga magulang mo. Iniluwal ka lang nila dito sa mundo. Kung magiging sino ka man, ikaw ang magpapasya nun. Hindi sila. Ikaw ang magdedesisyon kung magiging ano o sino ka man sa mundong ito. Kaya sana anak, piliin mong maging mabuting tao. Gaya ng pagpapalaki namin sa iyo ng mommy mo,” puno ng emosyong pahayag ng ama ni Cheska habang mahigpit na nakayakap sa anak.

Bumalik na sa kanyang dating sarili si Cheska. Kung tutuusin nga ay mas maayos na bersiyon na siya ngayon. Dahil sa kanyang nalaman, napagtanto niyang labis pa rin pala talaga siyang pinagpala. Wala man siyang ideya kung sino ang tunay niyang mga magulang, pero wala na siyang pakialam doon.

Mas mahalaga sa kanyang ang pamilyang nag-aruga at patuloy na nagmamahal sa kanya. Hindi man sila magkadugo, sigurado naman siyang magkapamilya talaga sila. Pinagbubuklod sila ng pagmamahal ng kanilang mga magulang, at araw-araw ay sinusuklian niya ang pagmamahal na natatanggap sa kanyang buong pamilya.

Para sa mga taong hindi nakilala ang kanilang tunay na mga magulang, sa mga taong walang ideya sa kanilang pinagmulan, nawa’y huwag kayong magtanim ng sama ng loob sa kahit na sino man. Lalo na sa Diyos.

Palaging isipin na lahat ng nangyayari sa mundo ay may rason, baka kaya inilayo ka niya sa mga taong iyon ay dahil na rin ito ang makabubuti sayo o may mas maganda pa Siyang plano na nakalaan para sa iyo. Maghintay ka lamang at magtiwala.

Advertisement