Sumakay sa elevator ng ika-20 palapag ng gusali si Lorinda, 50 taong gulang, upang makauwi na. May business meeting siyang dinaluhan, at naging maganda naman ito. Siya lamang mag-isa sa loob ng elevator. Tahimik siyang nag-isip kung ano ang lulutuin niyang ulam para sa asawang si Rolando. Silang dalawa lamang sa bahay. Ang totoo, tatlo dapat sila kung hindi lang sana nawalay sa kanilang piling ang kanilang kaisa-isang anak na lalaki.
Dating taga-Samar sina Lorinda at Rolando. Doon sila unang bumuo ng pamilya. Mahirap lamang sila at nagkaanak sila ng isang batang lalaki. Pareho silang nagtatrabaho noon kaya inihabilin nila sa kapitbahay, si Menchie, ang pangangalaga sa kanilang anak.
Isang gabi, bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Bagyo pala. Nanalasa ito sa kanilang baryo. Kasamang winasak ang kanilang bahay, gayundin ang kabahayan ng kanilang mga kapibahay. Halos mawasak din ang kanilang buhay sa nadatnan. Wala na rin si Menchie, kasama ang kanilang anak.
Dahil hindi pa uso ang internet at cellphone noon, nahirapan silang hanapin kung nasaan na nga ba si Menchie at ang kanilang anak. Halos buong buhay nila, inilaan nila sa paghahanap kay Menchie at sa paghahanap sa panganay nilang si Ben. Inakala nilang kasama ito sa mga pumanaw sa baha at pananalasa ng bagyo, kahit na walang natagpuang walang buhay na katawan.
Ipinasya ng mag-asawa na lumuwas ng Maynila upang magbagong-buhay. Nagtayo sila ng karinderya bilang panimulang negosyo, hanggang sa ito ay naging malakas, kumita, at naging dahilan upang maging restaurant ito. Naging maalwan ang kanilang pamumuhay na mag-asawa. Gustuhin man nilang muling magka-anak, hindi na sila biniyayaan.
Sa isip ni Lorinda, isinuko na niya ang pagkawala ni Ben. Subalit sa puso niya, humihiyaw ang isang ideya na maaaring buhay pa ito at nasa maayos na kalagayan.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Lorinda nang bumukas ang pinto ng elevator sa ikasampung palapag at pumasok ang isang binata, nasa 20 taong gulang, na tila masasabing isang young professional. Matikas ang tindig nito.
Habang patuloy na bumaba ang elevator, malalim pa ring nag-iisip si Lorinda. Hanggang sa biglang mawalan ng ilaw sa loob ng elevator, at maramdaman nilang huminto ito. Nasa ikapitong palapag na sila.
“Naku, anong nangyari?” Hintakot na bulalas ni Lorinda.
“Mukhang nawalan po yata ng kuryente. Pindutin po natin ang emergency button,” mahinahong sabi ng binata. Makailang ulit nitong pinindot ang emergency button, subalit hindi ito tumunog. Mukhang nawalan nga ng kuryente.
“Huwag po kayong mag-alala, Ma’am. Maya-maya po eh siguradong bubukas na ‘yan,” nakangiting pag-alo sa kanya ng lalaki.
Subalit lumipas na ang 30 minuto at nanatili pa rin ang elevator sa kinalalagyan nito. Nagsimula nang mangalampag sa pinto nito si Lorinda.
“Tulungan n’yo kami! May tao rito sa elevator!” Sigaw ni Lorinda.
Subalit tila walang nakaririnig sa kanila.
“Ma’am, relax lang po tayo. Magdasal na lang po tayo at maghintay na sana ay bumalik na ang kuryente. Wala po kasing mangyayari kung magpapanic tayo,” pakalma ng lalaki kay Lorinda.
“Tama ka, hijo. Salamat.” Naupo na si Lorinda. Pinagmasdan niya ang binata. Magaganda ang mga mata nito. Parang nakita na niya sa kung saan. May kung anong lukso ng dugo siyang naramdaman.
“Anong pangalan mo, hijo? Bakit narito ka sa building?” Usisa ni Lorinda sa binata.
“Jerald po ang pangalan ko. Working po kasi ako. Pauwi na rin ho ako,” sagot ng lalaki.
“Naku, pihadong nagugutom ka na. Heto, kumain ka hijo…” kinuha ni Lorinda ang isang maliit na tupperware sa kanyang shoulder bag at iniabot kay Jerald. “Ako ang nag-bake niyan. Kumain ka…”
Iniabot ni Jerald ang tupperware. Naglalaman ito ng cookies. “Wow, ang sarap naman po. Hindi ko po ito tatanggihan.”
Naaaliw na pinagmasdan ni Lorinda si Jerald. “Maswerte ang mga magulang mo sa iyo, hijo. Mukha kang mabait, responsable, at masipag.”
Ngumiti si Jerald. “Salamat po, Ma’am. Ibinabalik ko lamang po kay Nanay ang ginawa niyang pag – aalaga sa akin. Kahit hindi po niya ako sariling anak, pinalaki naman po niya ako sa pagmamahal.”
“Talaga? Nasaan ba ang mga tunay mong magulang?”
“Kwento po ng Nanay ko, pumanaw na po silang pareho.”
“Anong sanhi ng pagkawala nila?”
“Naanod daw po ng baha. Nagkabagyo raw po kasi sa Samar noon. Pagkakita niya sa bahay namin, sirang-sira na raw po.”
May kung anong pumitlag sa puso ni Lorinda. Kinabahan siya. Posible kayang…
Biglang nagkailaw sa elevator, at naramdaman nilang bumalik na ang kuryente. Bumukas din ang pinto nito. May mga security guards sa labas, na naghihintay sa kanila. Kinumusta nila ang dalawa.
Bago maghiwalay, nagpasalamat si Jerald kay Lorinda. Nagtaka naman si Jerald dahil nangingilid ang luha ng ginang.
“Ma’am, ligtas na po tayo. Huwag na po kayong umiyak,” pagkasabi nito ay niyakap ni Jerald si Lorinda. Pagkayakap nito, niyakap naman siya nang pagkahigpit-higpit ni Lorinda, kasabay ng paghagulgol. Takang-taka naman si Jerald. Inakala niyang labis lamang na natakot ang ginang sa nangyari.
Nang mahimasmasan, tinanong ni Lorinda si Jerald. “Ang Nanay mo… yung umampon sa iyo… a-anong p-pangalan niya, hijo?” Garalgal na tanong ni Lorinda kay Jerald.
“Menchie ho. Menchie Dela Paz.”
At tuluyang napahagulgol si Lorinda.
“Ben… ako ang iyong tunay na ina! Ikaw ang anak ko! Buhay ka! Salamat sa Panginoon at buhay ka!” Buong pagmamahal na niyakap ni Lorinda ang anak.
Pinakiusapan ni Lorinda si Jerald na isama siya at ipakilala sa Nanay nitong si Menchie. Habang nasa sasakyan, isinalaysay ni Lorinda ang lahat. Pagdating sa bahay nito, gulat na gulat na nagyakap sina Lorinda at Menchie. Isinalaysay ni Menchie ang lahat. Inakala raw niyang pumanaw silang mag-asawa dahil sa baha, kaya kinupkop na lamang niya si Ben, na walang iba kundi si Jerald, dahil kailangan din nilang lumikas noong panahong iyon.
Buong pusong hinayaan ni Menchie si Jerald na sumama sa tunay nitong mga magulang. Masayang-masaya sina Lorinda at Rolando, dahil sa inakala niyang imposibleng mangyari, ngayon ay buo na ulit ang kanilang pamilya!