Inday TrendingInday Trending
Ang Paghuhukom kay Don Serapio

Ang Paghuhukom kay Don Serapio

“Magsilayas kayo sa harapan ko!”

Itinapon ni Don Serapio ang malaking pinggang naglalaman ng inihaw na manok, na inihanda ng kanyang mga muchacha para sa kanyang hapunan. Nagtakbuhan sa kusina ang mga muchacha. Takot na takot sila sa kanilang among si Don Serapio. Wala itong kinatatakutan. Wala rin itong pakialam kung matamaan sila ng pinggang inihagis nito.

“Ayusin n’yong mga trabaho n’yo kung ayaw ninyong palayasin ko kayo’t pabalikin sa mga basurang pinanggalingan n’yo!”

Hindi naman talaga nagagalit si Don Serapio dahil sa pagkaing inihain sa kanya ng mga muchacha; sa katunayan, paborito niyang ulam ang inihaw na manok. Masisipag din ang mga ito. Ang ikinagagalit niya ay ang panawagan ng mga magsasakang nagtatrabaho sa kanyang bukirin na umentuhan ang kanilang mga sweldo, at taasan ang parte sa taunang ani sa kanyang koprahan at manggahan.

Mag-isa na lamang sa buhay ang matapobreng don. Pumanaw ang asawa nito, si Donya Carmen, dahil sa panganganak sa ikatlo nilang anak. Simula nang yumao ang kabiyak, naging mainitin na ang ulo ni Don Serapio. Sukdulan ang pagiging matapobre nito sa mga mahihirap. Maging ang kanyang mga anak ay hindi nakayanan ang ugali ng kanilang ama. Nagtungo na ang mga ito sa ibang bansa upang takasan ang poder ng kanilang ama.

Nagtungo sa kanyang silid si Don Serapio. Nawalan na siya ng ganang kumain. Mabuti pang uminom na lamang siya ng alak. Kinuha niya ang kanyang brandy, at nagsalin sa kanyang kopita.

Hindi pa man niya lubusang naisasalin ang nakalalasing na inumin sa kopita, nanikip ang dibdib niya. Sinapo niya ang bahagi ng kanyang puso. Tinangka niyang magsalita, subalit walang lumabas na tinig mula sa kanyang mga bibig. Hanggang sa lamunin ng kadiliman ang kanyang ulirat…

Pagmulat ng kanyang mga mata, nasa isang lugar na maliwanag na maliwanag si Don Serapio. Malamig, matiwasay, at tila nakalutang siya sa alapaap. Nanlaki ang kanyang mga mata. Nakalutang nga siya sa mga alapaap! Nakita niya sa kanyang paanan ang daigdig.

“Nasaan ako?”

Nakita ni Don Serapio ang isang mahabang pila ng mga tao, sa isang malaking tarangkahang kulay ginto. Sa harapan nito, dalawang nilalang ang tila nagbabantay at kumakausap sa mga nakapila. Sa kaliwa ay isang lalaking nakaputi na may pakpak, tila isang anghel, may malaking espadang tangan sa kaliwang kamay.

Ang isang lalaki naman ay nakaputi rin, mahaba ang balbas at buhok, na simputi ng niyebe sa Japan. Ayaw man niyang pumila, tila may pwersang nagtulak sa kanya upang magtungo sa hulihan. Napansin niyang lahat ng mga nakapila ay pinapapasok ng matandang may puting balbas at buhok sa taranghakang kulay ginto.

Nang siya na ang papasok, tinanong siya ng matanda.

“Sinunod mo ba ang kalooban ng Diyos sa lupa?”

Sumagot si Don Serapio. “Sinong Diyos ang tinutukoy mo?”

“Ang Diyos na lumikha sa iyo, sa atin, at sa buong daigdig; sa lahat ng iyong natatanaw. Sinunod mo ba ang kalooban ng Diyos sa lupa?”

Muling sumagot si Don Serapio. “Ako ay may-ari ng lupa. Haciendero ako. Panginoon ang tawag nila sa akin. Nagtatrabaho para sa akin ang mga magsasaka. Oo. Naging matagumpay akong haciendero, nagtanim ng maraming niyog at mangga sa lupa. Oo. Sinunod ko.”

Ngumiti ang matandang lalaki. Umiling-iling ito. “Batay sa aking tala, hindi mo sinunod ang kalooban ng Diyos. Isa kang mandaraya. Mandurugas. Matapobre. Palalo. Labis mong minamahal ang salapi kaysa iyong kapwa.”

Sarkastikong ngumiti si Don Serapio at dinuro ang matandang lalaki.

“Alam mo pala iyan, bakit ka pa nagtatanong? Sino ka ba? Alam kong sikat ako. Ako si Don Serapio Segismundo. Isa ka ba sa mga may utang sa akin?”

“Serapio, batid ko ang lahat tungkol sa iyo. Mukhang hindi ka para sa kahariang ito. Bumaba ka sa isa pang lugar. Mukhang doon ka nababagay,” tumingin ang matandang lalaki sa katabing anghel. Tumango ito, at sa isang iglap, itinulak ng anghel si Don Serapio sa katabing bangin.

Naramdaman ni Don Serapio ang pagkahulog sa tila walang hanggang bangin. Padilim nang padilim. Hanggang sa mahulog siya sa isang malaki subalit mainit na lambat. Ito ang sumalo sa kanya.

“Nasaan ako?”

Tila nasa malaking yungib si Don Serapio. Mabaho. Nakasusulasok ang amoy. Samyo ng tila balat at lamang sinusunog, tinutupok, tinutusta. Madilim, subalit maraming apoy at sulo sa paligid. Pinagmasdan niyang maigi ang paligid. Maraming rehas. Mga kulungan. Sa loob ng kulungan, naroon ang iba’t ibang tao.

Nagimbal si Don Serapio. Sinusunog ng naglalagablab na apoy ang mga tao hanggang sa matusta at maging abo. Muli itong babalik sa pagiging tao, at muling susunugin. Paulit-ulit na proseso. Walang katapusan. Walang hanggan.

“Nasaan ako?”

“Narito ka sa kaharian ko.”

Nilingon ni Don Serapio ang nagsalita. Isang nakaputing lalaki ang nagsalita. May pakpak din ito. Tila isang anghel. Napakaputi nito at napakagwapo. Nakakaakit ang kagwapuhan nito.

“Anong nangyari sa akin? Pumanaw na ba ako?”

Sa isang iglap, nakita ni Don Serapio ang kanyang sarili sa isang senaryo na makikita sa isa sa ma naglalagablab na apoy. Nakita niya ang sariling nakahandusay sa sahig, sapo ang dibdib. Naalala niya ang lahat. Inatake siya sa puso. Kung gayon, naglalakbay ang kanyang kaluluwa. Ipinagpalagay niyang kanina ay nasa langit siya, at ngayo’y itinapon siya sa impyerno.

“Anong ginagawa mo rito, Serapio? Isa ka rin ba sa aking mga alagad?” tanong sa kanya ng gwapong lalaki.

“Sino ka? Ikaw ba ang hari ng kadiliman? Bakit wala kang sungay? Bakit maganda ang anyo mo?” Tanong ni Don Serapio sa lalaki.

Humalakhak ang gwapong lalaki. “Paano ako makapandaraya ng mga taong katulad mo, na mahina sa tawag ng laman, kung magiging pangit at hindi kaaya-aya ang aking kaanyuan? Ako ay simbolo ng lahat ng magagandang bagay sa daigdig na nakapang-aakit sa paningin ng mga mortal na gaya mo, upang tuluyang mabulid sa kasalanan.”

“Kung gayon, isa akong masamang tao, kaya dito ako itinapon sa impyerno…”

“Gayon na nga. Nakahanda na ang iyong kulungan para sa pagtutustang walang hanggan,” sagot ng “hari ng kadiliman”.

Bigla’y lumitaw sa paningin ni Don Serapio ang isang bakanteng kulungan. Sa tabi nito, isang pamilyar na babae ang nakapukaw sa kanyang mga paningin. Unti-unti itong sinusunog ng apoy. Ang asawang si Carmen!

“Carmen! Carmen! Oh aking Carmen… anong ginagawa mo rito..?”

“Serapio… narito ako sa impyerno dahil labis kong minahal ang pera… ako rin ay nagkasala sa iyo. Nangalunya ako…” hanggang sa tuluyang matupok si Carmen at maging abo. Nakita ni Serapio na unti-unting nabubuong muli ang katawan ni Carmen, at nang ganap na itong tao, sinunog ulit ito ng walang hanggang apoy.

Isang nakasisilaw na liwanag ang dumating at pumuno sa mga mata ni Don Serapio. Pagbukas niya ng mga mata, siya ay nasa langit na ulit. Kaharap niya ang matandang lalaking may mahaba at puting balbas at buhok.

“Serapio… hindi pa huli ang lahat. Hindi mo pa oras. Magbago ka. Bumalik ka sa iyong pinanggalingan. Sundin mo ang kalooban ng Diyos sa lupa.” Pagkaraa’y sumulyap ang matanda sa katabi nitong anghel. Tumango naman ito, at kinarga si Serapio. Simbilis ng kidlat at sa isang kisap-mata, naglaho si Serapio…

Iminulat ni Don Serapio ang kanyang mga mata. Puti ang tumambad sa kanyang paningin. Hindi ng langit, kundi puting kisame. Kisame ng isang kwarto sa ospital. Tumingin siya sa kanyang paligid. Ang dalawa niyang anak ay nasa kanyang gilid, lumuluha, habang ang isa pa niyang anak ay tumatakbong palabas upang tawagin ang nurse at doktor.

“Pa… salamat sa Diyos at nagkamalay ka na!” Lumuluhang sabi ng kanyang panganay na anak.

“Anong nangyari sa akin?” tanong ni Don Serapio sa anak. Wala siyang maalala.

“Isang linggo na po kayong comatose. Inatake po kayo sa puso. Mabuti na lamang po at naitakbo kaagad kayo ng mga kasambahay dito sa ospital. Kung hindi ay wala na kayo.”

At nanumbalik kay Don Serapio ang lahat ng kanyang nakita. Ang matandang lalaking may puti at mahabang balbas at buhok, ang anghel, ang malaki at ginintuang tarangkahan, ang madilim na lugar, ang pagtutusta sa mga tao, ang gwapong hari ng kadiliman, at ang asawang si Carmen.

Napahagulhol si Don Serapio. Binigyan siya ng Diyos ng ikalawang pagkakataon para itama ang kanyang mga pagkakamali. Para ituwid ang kanyang buhay na naaayon sa Kanyang kalooban. Hindi niya alam kung tunay bang naglakbay ang kanyang kaluluwa sa langit at impyerno. Subalit kinilabutan siya, nang makita sa paanan ng anak ang isang tila puting balahibo ng manok, na naisip niyang mula sa anghel na nagbitbit sa kanya, pabalik sa kanyang katawan.

Nang lumakas at makabalik si Don Serapio sa mansyon, itinuwid niya lahat ng kanyang mga pagkakamali sa buhay. Naging maayos ang kanyang pakikitungo sa kanyang mga muchacha. Pinasahuran niya ito nang tama at may benepisyo. Naging maayos din ang pakikitungo niya sa mga magsasaka. Ibinigay niya ang hinihingi ng mga ito. Nagkasundo na rin sila ng kanyang mga anak. Tuwing Linggo ay nagsisimba na rin si Don Serapio, at nakihalubilo sa mga karaniwang tao.

Naisip ni Don Serapio, kung muling maglalakbay ang kanyang kaluluwa sa langit, at tinanong siya ng matandang lalaking may mahabang puting balbas at buhok, taas-noo niyang sasabihing nakahanda na siyang magbago’t mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang kapwa.

Advertisement