Isang opisyal na liham mula sa kanilang barangay ang bumungad sa Sabado ng umaga ng mag-inang Aling Alma at Almira, na nagpawalang-gana sa kanilang almusal. Matapos itong basahin ni Almira, 24 na taong gulang, nilamukos nito ang papel at itinapon sa basurahan.
“Nakakainis naman! Sino na namang mahaderang kapitbahay ang nagreklamo sa atin?!” Galit na sabi ni Almira.
Kumuha ng isang basong tubig ang inang si Aling Alma, 56 na taong gulang, at iniabot sa anak. “Ano bang nakasaad sa liham, ‘nak?”
“Pinapapunta tayo ni Kapitan. May nagreklamo sa mga tanim nating talbos ng kamote sa harapan. Hindi raw dapat nagtatanim sa kalsada.”
Ang tinutukoy na mga talbos ng kamote ay tanim ni Aling Alma sa kanilang harapan. Lumago na ang mga ito, at paminsan-minsan ay napagbebenta nila sa palengke, o kaya’y sa mga kapitbahayan nila.
Iisa lang ang naiisip nilang posibleng nagreklamo sa kanila. Ang katapat nilang kapitbahay na si Aling Goreng. Ikalawang beses na silang nirereklamo nito sa barangay. Noong una, inireklamo nito ang kanilang aso na maingay raw tuwing gabi. Ngayon naman, ang kanilang talbusan.
“Hayaan mo na. Haharapin natin ito, anak.” Pag-aalo ni Aling Alma sa anak. Kahit kailan, kalmado lamang ang kanyang ina, anuman ang kinakaharap nitong problema. Dalawa na lamang silang mag-ina dahil namayapa na ang kanyang amang si Mang Damian.
“Hay naku ‘Nay… hindi pa kasi makamove on yang si Aling Goreng. Palibhasa, kayo ang pinili at pinakasalan ni Itay. Hindi pa ba sapat na sinundan niya pa tayo rito kung saan tayo nakatira’t bumili rin ng bahay sa mismong harapan natin? Naghahanap talaga ng away eh!” Inis na sabi ni Almira.
“Huwag kang maingay, anak. Baka marinig ka ni Goreng. Aayusin natin ito sa tamang proseso at paraan, pagkatapos ay kakausapin ko siya,” mahinahong sabi ni Aling Alma sa kanyang anak.
Dating magkaibigan sina Alma at Goreng noong mga dalaga pa sila. Nagkagusto sila sa iisang lalaki, si Mang Damian, na piniling ligawan si Aling Alma. Mula noon, nasira na ang pagkakaibigan nina Alma at Goreng.
Nang magpakasal at bumuo nga ng pamilya sina Aling Alma at Mang Damian, nagulat sila nang bilhin ni Goreng ang katapat na bakanteng raw house at doon nanirahan. Hindi na ito nakapag-asawa pa. Walang kaanak na kasama sa buhay. Halos araw-araw kung magparinig noon si Goreng kay Alma.
Nagtungo na nga ang mag-ina sa baranggay ayon sa nakasaad na oras ng pulong. Hindi nga sila nagkamali. Naroon na si Goreng, ang nagreklamo sa kanila.
Ipinaliwanag ng kapitan na kailangan nilang tanggalin at bunutin ang mga talbos ng kamote na kanilang itinanim sa daanan. Sumang-ayon naman dito ang mag-ina upang matapos na. Binigyan sila ng tatlong araw upang bunutin at alisin ang mga ito. Bago maghiwa-hiwalay, isang nakalolokong ngiti ang ipinakita ni Aling Goreng sa mag-ina.
Kinabukasan, ipinasya na nga nilang mag-ina na bunutin ang mga talbos ng kamote sa harapan ng kanilang bahay. Maya-maya, nakarinig sila ng mga nabasag na pinggan sa loob ng bahay ni Aling Goreng. Binitiwan nila ang mga talbos at gamit na pambunot at agad na pumasok sa bakuran ng bahay ni Aling Goreng.
“Goreng… anong nangyari sa iyo?”
Nakahandusay si Aling Goreng sa sahig. Basag ang mga tangan nitong pinggan. Dali-daling dinaluhan ito ng mag-ina. Pinaypayan nila at pinainom ng tubig. Winalis naman ni Almira ang nabasag na mga pinggan, at tumawag ng tricycle. Dinala nila sa pinakamalapit na ospital si Aling Goreng.
Nahilo pala si Aling Goreng dahil kulang umano ito sa dugo. Sinamahan pa ng mag-ina ang kapitbahay sa pag-uwi nito.
“Naku Goreng, alagaan mo ang sarili mo. Hindi na tayo bumabata. Low-blood ka raw sabi ng doktor. Hayaan mo, bibigyan kita ng mga talbos. Ilaga mo at kainin. Pampadagdag ng dugo iyon. Mainam sa kalusugan.”
Simula noon ay lagi na ngang dinadalhan ng talbos ng kamote ng mag-ina ang kapitbahay na si Aling Goreng upang bumuti ang kalagayan nito. Umayos naman ang kalusugan nito matapos makakain ng talbos ng kamote na inireklamo niya sa barangay.
Isang araw, kumatok si Aling Goreng sa bahay ng kapitbahay. Nangingimi itong ngumiti sa kanila. May dala itong kare-kare.
“Para sa inyo ang kare-kare na iyan. Pasensya na kayo sa akin ha? Patawarin n’yo ako sa panggugulo sa inyo. Kayo pa ang tumulong sa akin sa oras ng pangangailangan. Nahihiya ako sa inyo, lalo na sa iyo, Alma.” Nahihiyang sabi ni Aling Goreng.
Kinuha ni Aling Alma ang mga kamay ni Aling Goreng.
“Goreng, wala iyon. Sino-sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo rin? Saka magkaibigan tayo, tandaan mo iyan.” Nakangiting sagot ni Aling Alma.
Nagyakap nang mahigpit ang dating magkaibigang sina Alma at Goreng. Nawasak na rin ang mataas na pader na nakapagitan sa kanilang dalawa. Simula noon ay nanumbalik ang kanilang pagkakaibigan. Nagtanim naman sila ng talbos ng kamote at iba pang mga gulay sa likod-bahay ni Aling Goreng kung saan may nalalabi pang mga lupang maaaring pagtamnan.