“Sigurado ka Hannah? Gusto mong mag-flight attendant? Diba kailangan doon matatangkad? Saka makikinis ang mukha? Hindi naman sa minamaliit kita friend ha, pero tingin ka sa salamin. Baku-bako yang mukha mo tapos friend alam mo namang four eleven lang ang height mo diba? Isip ka na lang ng ibang pangarap.” ani Joy, matalik na kaibigan ni Hannah.
“Alam mo ikaw dapat sayo ibaon sa lupa nang buhay. Imbes na palakasin mo yung loob ko, wala kang ginawa kundi maliitin ako.” inis na ika ni Hannah sabay irap sa kaibigan.
Isang graduating student ang dalagang si Hannah sa kolehiyo. Bata pa lamang siya nais na niyang makasakay sa eroplano at makapunta kung saan-saang bansa. Ngunit dahil sa init ng Pilipinas sa ngayon, kailan lang ay nagsilabasan ang mga tigyawat sa kaniyang mukha, ayaw na ayaw niyang may ganito kaya tinitiris niya dahilan para lalong dumami.
Hindi lang kinis ng mukha ang kaniyang pinoproblema, isa pa sa malaki niyang suliranin ay ang kanyang height na malamang, hindi na maso-solusyunan.
Ngunit hindi pinanghihinaan ng loob ang dalaga. Sumubok pa rin siya at ibinigay ang lahat ng kanyang makakaya sa interview ngunit ang sabi sa kanya, “Sorry Miss Hannah, kailangan kasi naming ng may pleasing personality.”
Labis na nalungkot ang dalaga sa mga narinig. Umuwi siyang literal na luhaan. Sabug-sabog ang kanyang make-up at tila binagyo ang kanyang buhok.
“O, anak! Anong nangyari sayo? Akala ko naman kung sinong baliw ang nasa pintuan ko!” sigaw ng kanyang nanay, sabay yakap sa anak.
“Ma, hindi ako natanggap e. Nakakainis kasi itong mukhang ito. Parang langka hindi na matakpan ng make-up!” inis na sabi ni Hannah, habang tinatampal-tampal ang mukha.
“Hoy tigilan mo yan, naniniwala ako sa kakayahan mo, anak. Sa ngayon mas maiging pakinisin muna natin ang mukha mo, pumasok ka muna sa ibang trabaho. At kapag okay na ang mukha mo, subukan mo ulit. Magaling ka namang makipag-usap e, English pa nga diba. Marami ka ring awards na linya sa pagiging flight attendant! Kayang-kaya mo yan!” anang nanay, sabay mahigpit ulit na yumakap sa kanya.
Sinunod naman ni Hannah ang sinabi ng kanyang ina. Pumasok muna siya bilang isang call center agent kung saan siya nakaipon ng sapat na salapi para maipanggamot sa kanyang mukha. Sumubok rin siya ng mga gamot na pang-patangkad at nag ehersisyo. Ang dating four eleven na dalaga, ngayon ay ganap nang five feet ang taas pagkalipas ng limang taon.
Kuminis na rin ang kanyang mukha kaya naman wala siyang alintanang sumubok muli noong malaman niyang naghahanap ng mga dalagang nais mag-flight attendant ang isang airline sa Maynila.
Maaga siyang lumuwas ng Maynila upang maagang makapila sa kanyang a-applyan. Pagdating niya palang, tinrato niyang parang nakakataas sa kaniya ang lahat ng empleyado doon kahit na ito ay security guard o janitor, masaya niya itong binabati at binubungisngisan.
Kabado man na baka hindi nanaman siya tanggapin, tinatagan niya ang loob. Nagpakitang gilas siya sa kanyang interview at talaga nga namang nawili sa kanya ang mga nakausap niya. Sadyang madaldal at palabiro rin kasi ang dalaga kaya dahil dito, nabigyan siya ng isang form na may nakasulat sa taas, “Fly with us, soon.”
“Alam mo iha, natatandaan kita. Mas lalo ka lang gumanda ngayon dahil sa kinis ng mukha mo. Pero yung pagiging maboka at maalaga mo sa pagsasalita, hindi pa rin nagbabago. Kahit na medyo may kaliitan ka, mas pipillin kita kaysa sa matatangkad na nakapila dyan na hindi naman kayang makipag-usap sa ibang tao.” anang isang babae na halatang beterano na sa larangan.
Pagkalipas ng tatlong buwang pagsasanay, sa wakas ay makakasampa na ng eroplano ang babaeng dating nawalan ng kumpiyansa sa kanyang pangarap dahil lang sa kanyang panlabas na kaanyuan.
“Ito na to, ito na yung pinapangarap ko, abot kamay ko na. Salamat Diyos ko, hindi Mo ako hinayang sumuko sa pangarap ko. Hindi man naging madali ang pinagdaanan ko, bawing-bawi naman sa tagumpay na mayroon ako ngayon. Salamat po muli.” taimtim na dasal ng dalaga.
Madalas ka mang mahila pababa ng mundo, nararapat lamang na maging matatag ka dahil ang tagumpay ay nasa kabilang dulo lamang. Baku-bako man ang daan katulad ng mukha ni Hannah, kikinis rin ito at dadaloy rin ang ginhawa.