Nagkayayaan mag-inuman ang magbabarkada noong hayskul na sina Willy, Josh, Sandy at Candy. Matagal na rin simula noong huli nilang pagkikita. Lahat sila ngayon ay may sari-sarili nang pamilya. Kaya lang, ang nag-iisang babae sa kanilang barkadahan ay sawi sa pag-ibig, kaya naman nag-yaya itong mag-inuman.
“Mga pare, kailangan ko kayo, inuman tayo.” mahinang anang babae sa kanilang video call, habang nagpupunas-punas ng luha sa pisngi.
“Ano ba naman to, ang bungad yan agad! Wala ba munang ‘Hello mga paps!’, Candy?” pamimilosopo ni Josh.
“Hoy Josh, tumigil ka nga! Tara magkita-kita tayo ngayon! Dyan na lang tayo sa bahay niyo Candy para hindi mo na kailangang bitbitin ang anak mo. Ano, tara? Tagal ko na ring hindi nalalagyan ang bahay alak ko e.” yaya naman ni Willy, halatang sabik na sabik ng makalasap ng alak.
“Sige sandali, magbibihis lang ako!” agad na sabi ni Josh. “O, ikaw Sandy? Huwag mong sabihing hindi ka nanaman papayagan ng asawa mo?” panunukso niya sa tahimik na lalaki.
“Magpapaalam muna ako, syempre ayoko naman na mag-away kami. Saka makukulit kasi mga anak namin, mahihirapan siya. Balitaan ko kayo.” ani Sandy, sabay sara ng video call.
Palaging niloloko ng buong barkadahan si Sandy dahil sa kanyang pagiging sunud-sunuran daw sa misis. Madalas kasing hindi nakakasama ang lalaki sa mga gala at inuman nila. Dahilan na baka magalit ang asawa niya o kaya naman baka mahirapan ang asawa niya sa pagbabantay sa mga anak.
“M-mahal, pwede ba akong sumama kila Josh? Naiyak nanaman kasi si Candy e, may problema nanaman ata sa asawa niya.” nakatungong ika ng lalaki sa nagpapasusong asawa.
Pinayagan naman siya ng kanyang misis. Sinigurado niya munang mahimbing nang natutulog ang kanyang dalawa pang anak bago tuluyang umalis.
“O, pareng Sandy! Akala ko hindi ka nanaman makakapunta e!” bati ni Josh, sabay abot ng isang basong alak, kinuha ito ni Sandy at napabaling ang kanyang atensyon sa umiiyak na kaibigan sa sulok.
“O, Candy, ano ba nangyari? May babae nanaman yang lintik mong asawa?” pag-uusisa ni Sandy.
“Nakita ko nanaman siyang may kasama sa isang restaurant sa SM. Buti pa yung babae niya masarap na pagkain ang napapakain niya samantalang kami ng anak niya halos itlog ang ulam araw-araw.” anang babae habang humahagulgol. “Lagi ko ngang pinadarasal na magtino na yon katulad mo, kaso walang talab e.” dagdag nito habang nagpupunas ng luha.
“Alam mo kasi Candy, kung gusto talaga ng lalaki na maging maayos ang samahan niyo, hindi yan gagawa ng rason para mapaiyak ka o masaktan ka. Kahit sabihin nanaman niyang officemate niya rin yon, kung mahal ka talaga ng mokong na yon, magpapaalam siya sayo, hindi niya itatago.” ani Sandy, sabay inom ng alak na hawak niya.
“Tama Candy, ako nga kapag may salu-salo kami sa kompanya tapos may mga kasamang babae, agad-agad akong nagtetext sa asawa ko, para alam niya diba. Makita niya man kami, alam niya na katrabaho ko yung mga yon, pero minsan ko lang nagagawa yon. Alam mo na medyo pilyo ako, ito talagang si Sandy ang the best! May award atang nakukuha sa pagiging under de saya!” ani Willy, napatawa naman ng bahagya ang umiiyak na babae.
“Kayo talaga, hindi pagiging under de saya ang tawag sa ginagawa ko, kundi lubusang pagmamahal. Ano mang sabihin ng misis ko basta alam kong para sa ikabubuti ng pamilya namin, gagawin ko. Ayokong masira ang pamilya namin, galing na nga akong broken family e, hahayaan ko pa bang masira ang pamilyang mayroon ako ngayon?
Syempre para mapanatili yung magandang samahan namin, dapat marunong sumunod ang lalaki sa kumander.” pagmamayabang na ani Sandy, sabay kindat. “Sa asawa ko lang talaga ko tumitiklop e, siya at ang mga anak na namin kasi ang natatanging yaman ko ngayon.” dagdag pa nito habang ngiting-ngiti sa barkada.
“Ganyan rin ako sa asawa ko, kaya lang sadyang bungangera yon e, kaya minsan kapag natotorete ako, tumatakas ako para mag-inom katulad ngayon.” ani naman ni Josh, nagtawanan silang lahat. “Kaya ikaw Candy, kung ganyan talaga yang asawa mo, huwag mong panghinayangan! Turuan mo ng aral, kapag kasi alam ng lalaki na sobra mo siyang mahal, malaki ang tiyansang maabuso ka niya.” pangangaral pa ng barkada.
“Oo nga, tingnan mo ako. Alam ko konting-konti na lang pagmamahal sakin ng asawa ko, kaya sobra ako maglambing ngayon don e. Mahirap na maiwan!” biro naman ni Willy dahilan para magtawanan silang lahat.
“Salamat sa inyo, naliwanagan talaga ako. Ang suswerte ng mga asawa niyo!” ani Candy sabay tapik sa mga lalaki.
Malaking tulong ang usapang iyon para maalala ng babae ang kanyang halaga, para rin sa kanya, hindi under de saya si Sandy. Ang ganoong klase ng lalaki ay kahanga-hanga, na hindi alintana ang sasabihin ng iba dahil mas inuuna ang pamilya.