Inday TrendingInday Trending
Pangako Ko Kay Lola

Pangako Ko Kay Lola

“O, ito mga apo, pasensya na kayo ha ito na lang ang maibibigay ng lola.” ani Aling Karlita, sabay abot ng isang supot ng kanin at pansit sa mga bata.

“Ayos lang po, Lola! Ang mahalaga po may makakain kami ni Letlet. Kapag po ako nagkatrabaho na, kukunin ko na po kayo kila tito at maninirahan tayo sa sarili kong bahay!” ani Kikay, kasunod ay ang mahigpit na yakap sa matanda.

Tatlong taon na simula nang sumabilang buhay ang mga magulang nila Kikay at Letlet dahil sa isang malakas na lindol na tumama sa lugar nila. Simula noon, araw-araw na silang pinupuntahan ng kanilang Lola Karlita para bigyan ng makakain.

Para makaraos sa pang-araw-araw na buhay, pumasok bilang isang kasambahay ang nakatatandang si Kikay habang siya ay nag-aaral sa hayskul. Madalas pumapasok siya ng walang tulog o kaya naman ay pagod.

“Iha, sabi sayo huwag munangmagtrabaho, andito pa naman ang Lola, kaya ko pang kumayod para sa inyo. Pangako sasabihin ko sayo kapag hindi ko na kaya.” panghihikayat ng matanda.

“Lola, kaya ko naman po. Para naman po ito saming dalawa ni Letlet. Saka mas mabuti po na nagpapahinga kayo doon kila Tito, babata kayo doon Lola!” masiglang anang dalaga.

“Diyos ko! Nagkakamali ka, iha. Mas gusto ko nga dito sa inyo, doon puro away tungkol sa pera ang maririnig mo. Kung minsan pa ay ako ang pinagbibintanagan kapag nagkakawalaan na.” inis na kwento ng matanda.

“Kung payag lang sila Lola na dito ka, maaalagaan ka pa namin.” paglalambing ng dalaga.

Kinabukasan, alas sais na ng gabi ay hindi pa bumisita ang matanda sa kanila. Nag-aalala na si Kikay. Madalas kasing tuwing tanghalian ito pumunta para sa kanilang pagkain. Nagulat naman siya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.

“Kikay! Dalian mo pumunta ka dito sa ospital! Ikaw muna tumingin sa Lola mo at biglang inatake! Maghahanap muna kami ng pera pang paunang bayad para asikasuhin nila ang Lola mo, dalian mo!” natatarantang sigaw ng Tito niya sa kabilang linya, agad-agad naman siyang tumungo sa ospital.

Doon niya nadatnan ang kaniyang lola sa isang sulok. Nakabaluktot at nahihirapang huminga. Hinawakan nito ang kamay niya, “Sa wakas at dumating rin ang paborito kong apo, paano ba yan, mukhang hanggang dito na lang ang Lola, alagaan mo maigi si-” ni hindi na nito natapos ang sasabihin, nalagutan na ng hininga.

Sigaw nang sigaw si Kikay. Tumatawag siya ng tulong para maasikaso ang kanyang Lola. Nagbabakasali siya na baka mailigtas pa ito.

“Ano? Por que ba wala kaming perang pambayad sa inyo ay hindi ninyo aasikasuhin ang Lola ko? Talaga bang mas importante na sa inyo ang pera kaysa sa buhay ng tao? Sumagot kayo!” galit na galit na sigaw ng dalaga sa mga nurse na nagsilapitan noong malamang nawalan na ng buhay ang matanda.

Walang siyang nagawa kundi maupo sa gilid ng Lola niya. Iyak siya nang iyak, yakap yakap niya pa rin ito at nangako siyang kapag naging matagumpay siya sa buhay, hindi niya hahayaang may isang buhay ang mawala dahil sa kahirapan.

Tinupad nga ni Kikay ang pangako niya sa kanyang lola. Kasabay ng trabaho niya, nag-aral siya sa kolehiyo ng pagdodoktor. Mahirap man at maraming pagsubok dahil siya na lang ang inaasahan ng kapatid, nagawa niya pa ring makapagtapos.

Sa loob ng ilang taong pag-aaral, sa wakas ay isa na siyang ganap na manggagamot. Mataas man ang kanyang lebel sa nasabing larangan pero mas pinili niyang magsilbi sa isang pangpublikong ospital at doon tinitiyak niya na walang mahihirap ang umiiyak sa labas ng ospital dahil ayaw asikasuhin ang pasyente nila.

“Doc, tulungan niyo po kami, nalapa po ng aso ang aking nanay, parang awa niyo na po.” daing sa kanya ng isang pulubing babaeng naghihintay sa labas ng ospital bitbit-bitbit ang nakasubsob na matanda, doon niya naalala ang sinapit ng kaniyang lola.

Agaran niya itong pinapasok sa ospital at saka binigyan ng paunang lunas. Marami pang ganitong eksena ang nangyari sa buhay ni Kikay, ngunit sinisigurado niya na bawat araw, natutupad niya ang kanyang pangako sa kanyang Lola. Dahil dito, nakilala sa buong bansa ang doktor na madalas hindi tumatanggap ng bayad—si Dra. Kikay Gracia.

“Binigay ng Diyos ang buhay kahit na mahirap ka man o mayaman kaya wala ni isa sa atin ang may karapatang gamutin lamang ang mga nakatataas at pabayaan ang mga walang pangbayad.” ani Kikay sa isa niyang talumpati sa Maynila.

Nasaan man ang kanyang lola, tiyak na nakangiti itong nakatanaw sa kanya. Totoong naging matagumpay ang kanyang apo, hindi lamang dahil sa marami na itong pera, kundi dahil naging instrumento ito ng Diyos upang makatulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan.

Advertisement