Sumusunod sa bawat indak ng musika ang galaw ni Dang. Nandito siya ngayon sa sikat na disco bar, buhay single kaya dapat masaya lang. Kasama ang mga katrabaho ay may nakilala siyang lalaki na ang pangalan ay Josh. Agad naman niya itong nakapalagayan ng loob kaya ngayon ay magkasama silang sumasayaw sa gitna ng bulwagan.
Nang mapagod ay sabay rin silang umupo upang magpahinga.
“Kapagod!” natatawang wika ni Dang.
“Oo nga e,” maiksi namang sagot ni Josh atsaka siya inabutan ng maiinom.
“Saan ka ba nakatira?” tanong ni Dang kay Josh.
“D’yan lang sa may Morayta.”
“Ah, malapit lang pala tayo. D’yan lang kasi kami sa Recto.”
Natapos ang gabi at mas naging close silang dalawa. Kinabukasan ay nagulat nalang si Dang dahil nasa labas na ng kanyang trabaho si Josh at hinihintay siya.
Nililigawan siya nito at wala namang problema sa kanya. Sa tatlong araw nilang magkasama, pakiramdam niya ay taon na ang katumbas niyon.
Maraming nai-kwento sa kanya ang lalaki at gano’n rin siya dito. Kaya hindi nagtagal ay sinagot na niya ito na agad namang hinadlangan ng mga kaibigan.
“Dang, mas mabuti sana kung kilalanin mo munang mabuti ang lalaking iyon. Nakilala lang natin siya sa isang bar at saka hindi tayo sigurado kung iyong mga kwento niya sa’yo ay pawang totoo. Sinagot mo na agad, limang araw pa nga lang ang nakakalipas mula nang magkakilala kayo!” palag ni Jamaima, isa sa kanyang mga kaibigan.
“Jamaima, sa palagay ko naman ay hindi na kailangan ang mahabang ligawan. Basta nagkakaintindihan kami ay ayos na iyon. Remember my friend, hindi panliligaw ang pinapatagal kundi ang relasyon.” katwiran pa niya.
“Alam ko. Pero hindi ba’t mas maigi pa rin na lubos mo muna siyang kilalanin bago ka lumangoy sa buhay niya?”
“Hmp!” ismid niya. “Sapat na sa’kin na nakilala ko siya, ang mahalaga sa’kin ay ang magtagal kami.”
“Ay naku! Sana nga Dang,” walang magawang bigkas ni Jamaima.
Isang buwan na ang lumilipas mula no’ng sagutin niya si Josh, masaya naman siya sa piling nito at masasabi na nga niyang sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay lubusan na niyang nakikilala ang lalaki. Hanggang isang araw nang humiling ito na may mangyari sa kanila ay walang pag aalinlangan niya itong pinagbigyan.
“Friend, naisuko ko na ang bataan ko kay Josh.” pag-amin niya kay Jamaima.
“Ano! Agad-agad? May buwan na ba mula noong sinagot mo siya?”
“Oo, isang buwan at isang linggo narin.”
Agad naman siyang binatukan ng kaibigan. “Tanga mo din! Paano ‘yan ngayon kung iwanan ka na niyan kasi nakuha na niya ang gusto niya sa’yo.”
“Hindi naman gano’ng klaseng lalaki si Josh.”
“Paano ka naman nakakasiguro aber? Bakit ilang taon mo na siyang kilala? ‘Di ba isang buwan pa lang?”
Nakaramdam naman siya ng takot dahil sa sinabi ng kaibigan. Kaya wala siyang mahagilap na sagot sa tanong nito.
“Alam mo Dang, hindi naman masamang magmahal. Pero sana inisip mo muna ang lahat bago ka nagpadalus-dalos. Ewan lang ah, pero baka sadyang advanced lang talaga akong mag-isip. ‘Yong iba nga, taon ang hinintay ng panliligaw naghiwalay pa. May iba rin na ilang taon nang nagsama, nagkahiwalay pa rin. Hindi mo kailanman malalaman kung ano ang twist ng pag-ibig Dang. Ang wish ko lang sana, hindi mangyari ang kinakatakutan ko.” wika nito na mas lalong nagpatameme sa kanya.
At mukhang tama nga si Jamaima, dahil mula noong may nagyari na sa kanila ni Josh ay madalang nalang siyang sunduin nito. Minsan nalang din siyang itine-text ng lalaki, kung hindi pa niya ito tatawagan ay hindi pa ito magpaparamdam.
Makalipas ang isang buwan ay nalaman niyang buntis siya. Kung gaano kabilis ang relasyon nila ni Josh ay gano’n din kabilis nabuo ang batang nasa sinapupunan niya ngayon. Agad niyang tinawagan ang lalaki upang ipaalam ang balita. Hindi na kasi ito masyadong nagpaparamdam sa kanya, kaya hindi na niya dinaan pa sa text ang importanteng balita.
“Buntis ako,” agad niyang wika ng sagutin nito ang kanyang tawag. “Anong plano mo?”
“Oy! Talaga? Congrat’s d’yan,” anitong animo’y walang pakialam. Hindi man lang kasi ito nabigla sa ibinalita niya.
“Iyon lang ang sasabihin mo?”
“Ano ba ang dapat kong sabihin? Maganda nga iyan at magiging nanay kana,” wika nito.
“Wala ka bang pakialam sa sinabi ko? Hindi ka man lang ba magpapaka-plastik at sabihin sa’kin na masaya ka dahil magiging tatay kana?”
“Masaya ako Dang na magiging tatay na ako. Blessing ang baby sa isang gaya ko. Pero ang problema kasi hindi kita mahal, kahit masaya ako dahil tatay na ako.”
“A-ano?” nauutal niyang wika. Ngayon pa nito sinabing hindi siya nito mahal matapos siyang buntisin ng lalaki.
“Ang akala ko kasi mahal kita, kaya nag-effort ako para makamit ang matamis mong oo. Pero noong naging akin ka, biglang nawala lahat sa hindi ko malamang dahilan. I’m sorry, pero ayokong gaguhin ka lalo na ngayong magkakaroon na tayo ng anak.
Biglang nawala Dang e, siguro kasi hindi man lang ako nahirapang kunin ka? Siguro tama ang kasabihan na kung gaano kabilis mong makuha ang isang bagay gano’n din kabilis na mawala ito? I don’t know. Pero ang alam ko lang ngayon ay hindi ko kayo pababayaan ang anak natin. I’m sorry Dang, pero hanggang doon na muna sa ngayon ang kaya kong ibigay.”
Masakit man na marinig ang prangkang sinabi ni Josh ay tinanggap na lamang niya. Ang importante ay hindi ito naging iresponsable sa batang nasa sinapupunan niya.
At gaya nga ng sinabi nito ay hindi siya nito pinabayaan, kada check-up niya ay lagi itong kasama. Hanggang sa nanganak siya ay nasa tabi niya pa rin ang lalaki. Pero hindi para sa kanya, kundi para sa anak nila. Kuntento na siya sa gano’n. Kahit masalimuot ang buhay pag-ibig niya’y bawing-bawi naman siya sa anak niya.
Huwag magmadali, baka madapa. Bago gumawa ng isang importanteng desisyon, at bago magpapasok ng tao sa ating buhay ay pag isipan munang mabuti. Mahirap magsisi sa huli.