Inday TrendingInday Trending
Sapat na Ba ang Pag-ibig?

Sapat na Ba ang Pag-ibig?

Labis na nawindang si Hilda nang malamang may nililigawang ibang babae ang kanyang nobyong si Kyle. Isang linggo na ang nakakalipas na hindi ito nagparamdam sa kanya.

Wala naman siyang natatandaan na may pinag-awayan sila. Ang buong akala niya naman ay kailangan lang nito ng oras upang mapag-isa kaya hinayaan niya na muna. Pero iba naman pala ang inaasikaso nito, oo kailangan ng oras- oras para sa iba!

“Paano mo naman nasabing si Kyle nga iyon beks?” paniniguro niya kay JB, ang kaibigan niyang bading.

“Haler! Kilalang-kilala ko ang jowabels mo ‘no. Mula ulo hanggang kuko niya kilala ko, kahit anino pa nga niya’y kilala ko rin Hilda. Alam mo naman na pinagnanasaan ko ang Kyle mo ‘di ba? Kaya wez na magtaka,” anito na umiirap-irap pa.

“Sigurado ka ba na siya talaga iyong pumunta sa bahay nila aling Juanita upang manligaw kay Samantha?”

“Oo nga! Ang kulit ng bumbunan mo.”

“Naniniguro lang naman ako beks, ayoko kasi na magpadalus-dalos.”

“Kung ako sayo girl, abangan mo ‘yong jowabels mo bukas ng gabi sa may block#4 doon sa tapat ng bahay nila Juanita at nang makita mismo ng dalawa mong mata.”

Sabagay, magandang ideya nga naman ang sinasabi ng kaibigan. Mas maigi parin iyong makita niya mismo, mahirap na kasing maniwala tapos hindi naman pala totoo. Malay ba niya kung baka namamalikmata lang ang beki niyang kaibigan.

“Sige. Baka kasi namamalikmata kana dahil d’yan sa pilikmata mong mala-pamaypay sa haba,” biro na lamang niya upang maibsan ang tensyong kanyang nararamdaman ngayon.

Ayaw niyang paniwalaan ang ibinabalita ni JB, kaya para mas sigurado. Siya na mismo ang titingin.

Kinagabihan ay para silang mga asset na nagtatago sa dilim habang may inaabangan sa pintuan ng bahay ni aling Juanita.

Ilang minuto nga lang ang hinintay nila dahil nakita na agad niya ang lalaking kanina pa inaabangan.

Tama nga ang kaibigan niyang bakla dahil nandito nga sa harap ng bahay ni aling Juanita ang kanyang magaling na boyfriend. Ilang minuto naman ay lumabas ang naka-ngiting si Samantha at kitang-kita ng dalawa niyang mga mata kung paano naghalikan ang dalawa sa harapan ng gate ng bahay nito.

“Ano? Susugurin na ba natin?” mahinang tanong ni JB.

Napapailing siya habang hindi mahiwalay sa dalawa ang kanyang tingin. Kailangan ba niyang maging bastos para lang sa lalaking mahal niya? Kailangan pa ba niyang ipahiya ang sarili niya at sabihing siya ang nauna?

“Umuwi nalang tayo beks,” aya niya rito na agad naman nitong hinindian.

“Bakit? Tutal nandito narin naman tayo, bakit pa tayo uuwi? Kitang-kita mo naman ang kataksilan ng jowabels mo,” anito.

“Alam ko. Pero mas maigi siguro kung mag-uusap nalang muna kami ng masinsinan. May mga bagay na mas mabuting idaan nalang sa usapan at huwag puro tapang. Sa tingin mo ba kapag nag-eskandalo ako dito ngayon, sino ba ang pinapahiya ko? ‘Di ba sarili ko lang naman. Kaya ite-text ko nalang siya para makapag-usap kami.”

Hindi na nga umangal ang kaibigan niya at tahimik nalang itong naglakad palayo sa bahay ni aling Juanita.

Kinabukasan ay gano’n na nga ang ginawa niya. Tinext niya si Kyle at kinagabihan ay pumunta nga ito sa bahay nila.

“Kumusta?” bungad niyang tanong kay Kyle.

“Ayos lang,” tipid nitong ngiti. “Ikaw kumusta?”

“Ayos lang. Nga pala, nakita kita kagabi sa tapat ng bahay ni aling Juanita. Nililigawan mo pala si Samantha?” nakita niya kung paano nawalan ng kulay ang mukha ni Kyle dahil sa walang preno niyang sinabi. “Sana nagpasabi ka man lang. Ang buong akala ko kasi ay kailangan mo lang ng oras, space para mapag-isa. Kumbaga, akala ko nagpapahinga ka lang.

Hindi ko naman akalain makikita ka ng barkada kong may nililigawan ng iba. Ah, huli na yata ako sa balita, kasi kung paano kayo maglaplapan kagabi. Hindi ako sure kung nanliligaw ka pa rin ba o kayo na talaga,” mapakla siyang ngumisi.

“Hilda,” sambit nito na para bang walang mahagilap na sasabihin.

“Huwag kang mag-aalala Kyle, wala akong balak para eskandaluhin kayo. Kasi kung meron lang, kagabi ko pa sana ginawa. Kitang-kita ko kayo kung paano magyakapan at maghalikan. Kung gusto ko talagang ipahiya kayo ay ginawa ko na ‘yon kagabi.

Pero kahit gaano pa kasakit ang nararamdaman ko, ayokong ibaba ang level ko. Kung tutuusin ay talunan na nga ako, mas lalo ko pa bang ipapamukha na baon na baon ako?” pigil ang mga luhang hinawakan niya ang kamay ni Kyle. “Pinapalaya na kita. I’ll fight for love but I won’t compete for it,” aniya na kahit anong pigil ng mga luha ay kusang naglabasan sa mata niya.

“Hilda, I’m sorry.”

“You don’t have to. Hindi madaling bitawan ang pinagsamahan natin Kyle, pero hindi ko ipipilit ang sarili ko sa taong hindi na ako mahal. Kasi kung ako pa rin ang mahal mo, hinding-hindi ka maghahanap ng ipapalit sa’kin. Malaya kana at hangad ko ang kaligayahan niyo. Kahit ikamatay ko pa ang sakit,” umiiyak niyang wika at gano’n din si Kyle.

Akala ni Hilda ay hindi na mawawala pa ang sakit pero nagising nalang siya isang araw na ayos na siya. Parang blessing rin pala na niloko siya ni Kyle dahil makalipas ang isang taon ay isang mabait na binata ang nakilala nya at ngayon ay asawa na niya. Ang huli niyang rinig, hindi rin nagtagal si Kyle at Samantha.

Advertisement