Napasipol ang magbabarkadang sina Sam, Kris at Erick nang mapadaan ang isang magandang dalaga sa tapat ng tindahan kung saan sila nag-iinuman nang hapong iyon. Nakasuot ito ng maiksing shorts na nakapagpalabas ng mapuputi at bilugan nitong mga hita na tinernuhan pa ng hapit na sandong kulay kahel na bumagay sa pagiging mestiza nito.
Kulang na nga lang ay lumuwa ang kanilang mga mata at tumulo ang laway mula sa mga bibig nilang nakanganga. Kaakit-akit kasi maging ang paglipad ng mga hibla ng buhok nitong animo inaalon ng hangin tulad ng sa mga shampoo comercials.
Ngunit isang bagay ang agad na nakapukaw sa atensyon ng tatlo. Iyon ay ang pulang mantsa sa pagitan ng mga hita nito.
“P’re, mukhang may dalaw, may tagos, e,” diskumpiyadong turan ni Kris sa mga kabarkada.
“Okay na ‘yan! Mamimili ka pa ba?” agad namang sagot ni Erick
“Miss! Miss!” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Sam at nilapitan na ang dalagang buong galak naman siyang nilingon. Kantiyawan ang dalawang naiwan sa inuman.
“Miss…” muling ulit niya nang tuluyan na siyang makalapit dito. “Can I get your number?” Dahil sa tama ng alak ay makapal ang mukha niyang mag-ingles. Dagdag pogi points nga naman kung sakali. Ngunit laking gulat na lamang niya nang ang kanina’y maaliwalas na mukha ng dalaga’y bigla na lang mapasimangot. Nanlilisik ang mga mata nitong tinitigan ang siya.
“Noong huling tinanong n’yo sa akin ang mga katagang iyan, ginahasa n’yo ako’t sinakal hanggang sa ako ay malagutan ng hininga. Iniwan n’yo ako sa talahiban at hanggang ngayo’y nananatili akong isang hindi na makilalang bangkay.”
Napakunot ang noo ni Sam. Hindi maintindihan ang huling mga salitang binitawan ng dalagang may dalaw.
“Kung hindi kayang ibigay ng ibang tao ang hustisyang dapat ay para sa akin, ako na lang ang kukuha nito!”
Malakas na ang tinig ng dalaga kayaʼt narinig na rin iyon nina Kris at Erick. Napakunot ang noo nila at napatitig sa galit na babae.
Tila nahulasan ang tatlo nang makilala kung sino ito! Ito ang kaparehong babaeng nakita nilang ginahasa noon sa talahiban ng mga kainuman nila!
Pero paanong nandito ito ngayon? Gayong bangkay na ito nang iwan ng mga lalaking ʼyon?!
“P-pero hindi naman kami ang gumahasa sa iyo!” ang nahihintakutang hiyaw ni Erick.
“Pero hindi kayo nagsalita! Hindi nʼyo itinuro ang tunay na may mga sala. Natakot kayong baka balikan nila kayo. Ngayon, isasama ko kayo sa paniningil ko!” galit na anang babae.
Nag-umpisang magbago ang hitsura nito. Naging maitim ang mga kuko, labi at ibang parte ng balat nito. Umaagos ang kulay pulang likido sa pagitan ng kaniyang mga hita habang humahalakhak nang malakas.
Gusto sanang magsitakbo ng tatlong magbabarkadang saksi, ngunit parang napako sila sa kanilang kinatatayuan. Hindi nila maigalaw ang mga hitaʼt binti at parang ang bibigat ng mga iyon.
Unti-unti nang lumalapit ang babae. Nakahamba ang mga kamay na tila handa na silang sakalin. Sa takot ay napasigaw si Erick.
“Huwag mo kaming saktan! Tetestigo kami, para sa ʼyo!” sabi nito.
Napahinto ang babae. Sa pagkakataong iyon, siyaʼy napangisi. Makakamit na niya ang hustisya!
Sa mga sumunod na araw ay agad na nagsikilos ang tatlong mababarkada. Isa-isa nilang ipinahuli ang tunay na may mga sala. Laking pasasalamat ng pamilya ng biktima dahil lumutang sila. Hindi naging madali ang paglilitis ng kaso, ngunit tinatagan nila ang kanilang loob.
“Babalikan namin kayo!” ang banta ng isa sa mga lalaking ipinakulong nila, ngunit wala na silang pakialam pa roon.
“Nagsisisi akong ngayon lang namin naibigay ang hustisya para sa babaeng ginahasa ninyo, Pare. Nagsisisi kaming natakot kaming ituro kayo. Pero huwag kayong mag-alala, dahil gabi-gabi naman kayong may bisita… gabi-gabi kayong may dalaw diyan sa selda,” sagot ni Sam.
Nanggagalaiti ang lalaking tunay na may sala, samantalang napapangiti naman ang magbabarkadang Sam, Kris at Erick. Sa ʼdi kalayuan ay natatanaw nila ang babaeng biktima na kumakaway na nakangiti sa kanila. Bumalik na ang ganda ng kaniyang mukha. Maaliwalas.
Samantalang, nangako ang magkakaibigang aayusin na nila ang kanilang mga buhay. Gagawin nila ang lahat upang maging produktibong tao. Siniguro nila sa kanilang mga sarili na palagi nilang tatatagan ang kanilang loob. Kahit ilang taon na ang lumipas ay patuloy nilang ipinagdarasal ang babaeng iyon na naging biktima ng brutal na karahasan.