Inday TrendingInday Trending
Ina, Gaano Nga Ba Kahalaga?

Ina, Gaano Nga Ba Kahalaga?

“Ikakasal na kami ni Sandro, ma, kaya hindi ko na kayo maaalagaan,” saad ni Wendy sa kaniyang ina, habang binibihisan ito. “Iiwan ko kayo kay Aunty Salve. Siya na ang mag-aalaga sa inyo simula ngayon. Huwag matigas ang ulo, ha? Sumunod kayo sa mga sasabihin niya,” dagdag pa niya.

Wala naman siyang nakuhang sagot mula sa inang may sakit. Nanatili itong tulala na tila ba napakalalim ng iniisip. Mayroon itong sakit na tinatawag na Alzheimerʼs disease. Madalas ay nakakalimutan nito ang napakaraming bagay tungkol sa kaniyang sarili at paligid. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lang kung aryahin ni Wendy ang kaniyang nobyo na magpakasal na sila. Gusto na niyang takasan ang kalbaryo ng pag-aalaga sa ina.

Wala nang nagawa pa ang nobyo ni Wendy. Kahit tutol ito sa kaniyang desisyon ay pinakasalan siya nito. Mahal na mahal siya ng nobyo, ngunit hindi nito gusto ang trato niya sa sariling ina. Ngunit ipinagsasawalang bahala na lamang iyon ni Wendy.

Halos isang taon na rin silang kasal at naging mabuti naman ang kanilang pagsasama. Parehas silang may trabaho, ngunit sinisiguro nilang may oras pa rin para sa isaʼt isa.

“Mahal, baʼt kaya hindi mo muna kunin si mama kina Aunty Salve? Para naman makasama natin siya,” isang umagaʼy binanggit ng kaniyang asawa.

Agad namang nag-init ang ulo ni Wendy sa tinuran nito. Pagod kasi siya nang oras na iyon dahil kagagaling lang sa trabaho. Samantalang ang mister naman ay day-off nang araw na iyon.

“Kaya nga tayo nagpakasal agad para matakasan ko ang kalbaryo ko kay Mama, ʼdi ba?! ʼTapos gusto mong makasama natin siya rito?! Pahihirapan lang tayo noʼn!” pasigaw na sagot nito.

Kadalasan ay hindi naman sumasagot ang asawa sa kaniya, lalo na kapag galit siya. Ito kasi ang uri ng tipikal na asawang under de saya kung tawagin. Ngunit nang sandaling iyon ay matinding kunot ng noo ang gumuhit sa sa mukha nito. Nagagalit, dahil sa kaniyang sinabi!

“Bakit ganiyan ang ugali mo kay mama? Wendy, kahit anoʼng gawain mo, nanay mo pa rin iyon!” malakas ang boses na anito. “Nakakapag-isip tuloy ako ng hindi maganda saʼyo. Paano ka magiging mabuting ina ng mga magiging anak natin kung hindi mo muna kayang maging mabuting anak sa nanay mo?!”

Iiling-iling ang asawa niya habang siya naman ay natulala. Nagbalik lang siya sa sarili nang makitang nagbibihis itoʼt lalabas ng bahay.

“M-mahal, saan ka pupunta?” kinakabahang tanong niya.

“Aalis ako. Pupunta ako kina Aunty Salve at dadalawin ko ang nanay mo. Kung hindi kayang magpaka-anak ng sarili niyang anak sa kaniya, ako na lang ang gagawa! Ayaw kong maging katulad mo ang mga anak ko. Ayaw kong dumating ang araw na pababayaan ka rin nila ʼtulad ng ginagawa mo ngayon kay mama! ”

Hindi na nakasagot si Wendy sa asawa. Ilang sandali pa ay narinig na niya ang pagbagsak ng kanilang pintuan. Talagang galit ito sa kaniya!

Tumulo ang kaniyang mga luha. Pakiramdam niyaʼy tumagos ang mga salita ng asawa hanggang sa kaniyang buto. Maya-maya paʼy nahilo na siya. Umikot ang kaniyang paningin at tila bumabaliktad ang sikmura. Minabuti niyang dumiretso sa kwarto at matulog na. Siguroʼy nabigla lang siya sa galit ng asawa. Pag-uwi nitoʼy saka na lang siya makikipagbati.

Tanghali na nang magising si Wendy, ngunit hindi pa rin nawawala ang pag-ikot ng kaniyang paningin. Patakbo niyang tinungo ang sink sa banyo upang doon dumuwak. Gusto niyang sumuka ngunit wala namang lumalabas na kahit ano sa sikmura niya.

“Buntis ka siguro, hija.” Napalingon siya sa pinanggalingan ng pamilyar na tinig na ʼyon.

“Mama?” tawag niya rito. Nakatayo ito sa may pintuan habang nasa likod naman nito ang asawa niya. Bakas sa mukha ang pag-aalala.

“Hindi mo ako mama, hija, wala naman akong anak, e,” sabi ng kaniyang ina.

Tila may kung anong sumuntok sa kaniyang dibdib nang marinig iyon mula sa ina. Doon niya napagtantong, sabagay, inabandona niya itoʼt tinakasan. Malamang ay galit ito sa kaniya.

“Pero mayroon akong batang pinalaki at inalagaan. Itinuring ko siyang tunay na anak. Itinuring ko siyang prinsesa. Kilala mo ba siya, hija? Kapag nakita mo siya, sabihin mo sa kaniya okay lang si mama niya ha? Kasi, napapagod na sa akin ang baby kong ʼyon, e. Kaya iniwan niya ako kay Salve…” Bigla itong nalungkot sa huling mga salitang sinabi. Si Wendy naman ay tila pinagbarahan ng kung ano sa lalamunan. Ni hindi siya makalunok. Ano ang ibig sabihin ng mama niya?

“A-ampon ako, ma?!” sigaw niya.

“Naku, hindi. Hindi ampon si Wendy ko. Anak siya ng kaniyang papa sa ibang babae. Pero mahal ko ʼyon. Si Wendy ko ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko kahit bunga siya ng kasalanan ng papa niya. Miss na miss ko na nga siya, e.”

Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan pa ni Wendy ang sarili. Napaiyak siya sa sobrang pagsisisi. Tinakbo niya ang kinaroroonan ng kaniyang mama at niyakap ito nang mahigpit.

“Sorry, mama ko! Sorry po, sorry po!” hiyaw niya. Pumipiyok dahil sa pag-iyak.

Humahagulhol siya sa bisig ng kaniyang ina. Ngayon niya lang naramdaman na miss na miss na pala niya ito. Labis ang laki ng kasalanan niya rito.

“M-mama, kapag po ba nagsorry si Wendy sa inyo, patatawarin nʼyo siya?” naiiyak na sabi ni Wendy sa ina.

“Siyempre naman! Baby ko ʼyon, e. Love ko ʼyon!” ang sagot nito bago hinimas ang likod niya, ʼtulad ng lagi nitong ginagawa noong bata pa siya.

Hinarap ni Wendy ang asawa. Nakangiti na ito at tila naluluha rin dahil sa tagpong iyon. Bumulong siya rito ng ʼthank youʼ na malugod naman nitong tinanguan.

Simula nang araw na iyon ay hindi na ibinalik pa ni Wendy ang kaniyang ina kay Aunty Salve. Hindi man siya makilala nitoʼy hindi pa rin naman nawawala ang pagmamahal nito sa kaniya. Ipinaramdam nito sa mga kilos kung gaano siya nito kamahal.

Samantala, isang magandang balita ang dumating sa kanila. Isang bagong biyayang magiging parte ng kanilang pamilya. Kompirmado kasing buntis siya. Ngayon ay hindi na kailangan pang mag-alala ng kaniyang asawa, dahil sigurado itong magiging mabuti talaga siyang ina.

Advertisement