Ang Tinig ng Isang Pipi
Naglalaro ng baril-barilan ang labing tatlong gulang na si Ping. Gusto niya kasing maging pulis paglaki niya. Kaya lang ay isang malaking balakid sa kaniyang pangarap ang kaniyang kapansanan. Isa kasing pipi si Ping. Ganoon pa man ay isa siyang matalinong bata. Matulungin, mabait at mabuting anak. Napalaki siyang maayos ng kaniyang ina.
Maya-maya pa, habang naglalaro ay nakarinig ng ingay si Ping…
“Tulong! Pakiusap, tulungan ninyo ako!”
Dinig na dinig ni Ping ang mga sigaw na iyon ng batang babae habang kinakaladkad ito nina Mang Kadyo at Mang Pilo sa abandonadong bodega. Umiiyak ito at nakikiusap sa mga lalaking pakawalan na siya ngayon din, ngunit hindi nakikinig ang mga lalaking hayok sa katawan ng babae. Humahalakhak pa ang mga ito habang nakahawak sa pagitan ng kanilang mga hita.
Napaiyak na lamang din ang batang si Ping habang pinanonood ang makamundong kabrutalan ng mga damuho. Gusto niyang tulungan ang biktima, ngunit ano nga naman ang laban ng kaniyang mga patpating braso at ng dilang hindi naman kayang magsalita?
Nang matapos ay umalis na ang dalawang lalaki. Doon na rin pumuslit ng takas si Ping. Hindi niya gustong iwan ang babae, ngunit kailangan.
Tinakbo niya ang kanilang tahanan at doon ay nakita niya ang kaniyang ina. Nagluluto ito ng hapunan.
Sumenyas si Ping matapos niya itong kalabitin. Gamit ang sign language ay inilahad niya sa ina ang nakita…
“Diyos ko, anak! Sigurado ka ba riyan sa sinasabi mo?” natatarantang tanong nito.
“H-huwag na tayong makialam, anak. Baka madamay ka!”
Ngunit mariing tumanggi si Ping. Kailangan niyang isuplong sa pulis ang nakita niya. Kailangang magkaroon ng hustisya para sa biktima! Hindi baʼt ganoon maging pulis? Iyon ang nasa isip ni Ping.
Walang nagawa ang kaniyang ina kung hindi ang dalhin siya sa pinakamalapit na police station kinabukasan. Doon ay inilahad nila ang tunay na pangyayari.
“Sigurado ba kayo maʼam? Baka naman nag-iilusyon lang ang anak nʼyo?” diskumpiyadong tanong ng pulis na nakausap nila.
“At anoʼng akala mo sa anak ko? Siraulo?! Pipi lang ang anak ko, pero napakatapat na bata niyan! Pumunta kami rito para bigyan ng hustisya ang biktima ng mga wal*nghiyang iyon, hindi para pagdudahan mo!” naiinis namang sabi ng ina ni Ping sa pulis.
Nasa ganoon silang tagpo nang may isa pang babaeng naghihisterikal ang dumayo sa istasyon.
“Mamang pulis, tulungan po ninyo ako! Tulong. Pakiusap! Ang kapatid ko po, natagpuang walang buhay sa abandonadong bodega sa amin. Walang saplot at parang ginahasa muna bago siya nalagutan ng hininga!” ang sigaw nito. Umiiyak at paupo nang humahagugol sa harapan.
Nag-ingay si Ping gamit ang impit na tinig na tanging kaya niyang sambitin. Gusto niyang sabihing nakita niya kung sino ang gumawa ng krimen!
“Hija, nasaan ang mama mo?” tinanong ito ng kaniyang ina.
“Nasa abroad po, OFW,” sabi nito habang umiiyak pa rin.
“Hayaan mo, tutulungan ka ng anak ko. Nakita niya ang lahat ng pangyayari. Alam niya kung sino ang gumawa niyon sa kapatid mo.” May luha na rin sa mga mata ng kaniyang ina.
Timbog ang dalawang may sala. Nahuli sila ng mga pulis habang papatakas sa lugar kung saan sila nakatira. Balak ng mga itong takasan ang kasalanang ginawa nila.
Matagal ang naging paglilitis ng korte. Si Ping, bilang nag-iisa at natatanging witness ay naging napakatatag. Sa kabila ng traumang idinulot ng pangyayaring nasaksihan niya sa sariliʼy detalyadong naikuwento niya sa korte ang buong pangyayari. Kahit paulit-ulit, kahit napakaraming tanong. Kahit pa napakabata niyaʼy nagawa niyang magpakita ng katapangan.
Ilang banta pa sa buhay nila ang natanggap ni Ping at ng kaniyang ina. Mga pananakot, mga panghaharas at panunulsol, ngunit hindi sila nagpatinag. Pinatunayan nilang nagsasabi ng totoo ang bata at sa huli ay nakamit nila ang tagumpay. Nabigyang hustisya ang pagkawala ng batang babaeng ginahasa ng dalawang lalaking napakasama!
Labis ang naging pasasalamat ng buong pamilya nito kay Ping at sa kaniyang Ina. Samantaoang naging napakataas naman ng tingin ng nakararami sa batang si Ping.
Marami ang nag-alok na paaaralin siya hanggang sa makapagtapos siya ng college. Doon ay nagkaroon ng pagkakataong makatapos ng pag-aaral ang matalino at matapang na bata.
Ngayon ay magsisimulang muli ang batang si Ping. Nangako siyang magtatapos ng pag-aaral at kung papalarin ay tutuparin niya raw ang kaniyang pangarap na maging pulis.