Pinagpapala ang Matiyagang Naghihintay
Bumiyahe pa Maynila si Jojo sakay ng tren sa pag-asang malunasan ang karamdaman ng kaniyang anak na si Marvin. Dalawampu’t anim na taong gulang na ito – at dahil sa hirap ng buhay ay hindi man lang nagawang ipatingin ni Jojo sa kahit sinong doctor ang anak. Buo ang loob ng lalaki na sumakay sa bagon ng tren, bitbit ang kaunting ipon bunga ng pagsisikap sa pagtatanim at pagtitinda ng mga gulay.
Naiwan sa kanilang tahanan si Catleya, ang asawa ni Jojo upang alagaan si Marvin. Sa mahigit dalawang dekada ay walang ibang kaagapay sa buhay si Marvin kung hindi ang kaniyang mga magulang – araw at gabi ay inaalalayan siya ng kaniyang ina sa lahat ng mga ginagawa nito.
“Hindi mo na dapat pinaalis si tatay, ‘nay. Alam naman nating lahat na wala nang lunasang karamdaman na ito dahil ipinanganak na akong ganito,” ani Marvin matapos ang isang malalim na pagbuntong hininga.
“Anak, alam naman namin ng tatay mo na matagal mo nang gustong gumaling. Kaya nga nag ipon kami para gumaling ka na. Pasensya ka na ha dahil sa hinaba-haba ng panahon ay ngayon ka lamang namin magagawang ipatingin sa doctor,” tugon ni Catleya habang tila sinusuklay ang buhok ng anak.
Isang buong araw din bago nakauwi si Jojo sa kanilang tahanan – mabuting balita ang hatid nito sa kaniyang mag-ina. Nagmano si Marvin sa ama at humalik naman si Catleya sa kaniyang asawa.
“Anak!” masayang bungad ni Jojo kay Marvin sabay yakap dito. “Anak, bukas na bukas ay babalik ako pa-Maynila kasama kayong dalawa ni nanay mo para maipagamot ka na. Akalain mong may isang mayamang lalaki na gustong tumulong para sa pagpapagamot mo. Bukas na bukas ay naroon siya sa ospital na aking pinuntahan. Malulunasan pa ang karamdaman mo!” dagdag pa nito na siyang ikinalawak ng ngiti ni Marvin at ni Catleya.
Nang gabi ding iyon ay nag empake ang mag anak ng kanilang mga kakailanganing gamit para sa kanilang sama-samang pagluwas ng Maynila.
Maagang gumising ang mag-anak kinaumagahan – silang tatlo ay halatang nasasabik sa nalalapit na paggaling ni Marvin. Sa buong biyahe ay tahimik lamang ang binata – kapansin-pansin ang pagiging kabado nito sa tuwing malalim na mapapabuntong-hininga.
Alas dos ng hapon, nang makarating ang mag-anak sa ospital kung saan galing si Jojo ay agad na sumalubong si Mr. De Guzman, isang mayamang businessman na siya ring founder ng isang foundation na naglalayong tumulong sa mga mahihirap na nais magpagamot ng libre.
“Masuwerte ho si Mang Jojo at naabutan niya pa si Mr. De Guzman kahapon. Talaga hong nag-aabang siya ng mga magbabaka-sakaling mga nangangailangan para ho matulungan ng kaniyang foundation,” ika ng doctor na siyang nakausap ng mag-anak. “Mga isang linggo ho ang itatagal ng inyong anak dito sa ospital, pero huwag na ho kayong mag-alala sa babayaran dahil sasagutin na ho lahat ‘yon ng foundation,” dagdag pa nito at saka na inseksamin ang kalagayan ni Marvin. Matapos ito ay tumawag ng nars ang doktor para dalhin ang mag anak sa magiging kuwarto ng pasyente.
Laking gulat ni Jojo at Catleya nang makita ang kalakihan ng kuwarto – malaki ang kama, may sariling kusina, may sala set, at malaki ang banyo. Minabuti ng mag-asawa na pagpahingahin ang anak upang maihanda ang katawan nito sa gamutan. Habang sa kama nakahiga si Marvin ay siya namang pumuwesto ang mag asawa sa sofa set na siyang naroon.
Kinabukasan makakain ang tanghalian ay isinalang na sa operasyon si Marvin – umaasa itong gagaling pagkatapos ang isang linggong palugit katulad ng sinabi ng doctor. Ilang oras ang itatagal ng operasyon – puro pagdarasal ang ginawa ng mag asawang hindi mapakali habang inooperahan ang kanilang anak. Matapos ang ilang oras na paghihintay ay inilabas ng isang doktor si Marvin lulan ng isang wheelchair.
“Mister, misis, tagumpay ho ang operasyon ng anak ninyo. Makalipas ang isang linggo ay maaari nang tanggalin ang kaniyang benda,” nakangiting sabi ng doctor sa mag asawa. “Ihahatid ko na ho kayo sa kuwarto ng pasyente,” dagdag pa nito habang tulak-tulak ang wheelchair ni Marvin.
Napuno ng mga masasayang kuwento ang kuwarto ni Marvin habang naghihintay ang mag-anak sa araw na matatanggal na ang benda niya. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay halatang sobra-sobra ang galak ni Marvin habang papalapit ang kaniyang tuluyang pag galing.
Isang linggo makalipas ang operasyon ni Marvin, sa wakas ay tinanggal na ang benda nito. Kitang-kita ang galak sa mga mata ng binata, at napaluha ito kasabay ang pagyakap sa kaniyang ama at ina. Bago pa man umuwi si Jojo at kaniyang asawa’t anak ay hinintay nila ang pagdating ni Mr. De Guzman. Laking pasasalamat ni Jojo sa foundation ng businessman na naging daan upang gumaling ang kaniyang anak.
Nang nasa byahe na pauwi ang mag-anak ay walang mapagsidlan ang kasiyahan ni Marvin – labis ang pagiging madaldal nito at waring bata kung magturo ng mga bagay sa paligid.
“Nay, tay, tingnan niyo oh! Ang ganda ng mga puno, kulay berde ang mga dahon! Tapos nakita mo ba ‘yon tay? ‘Yung mga bulaklak na nadaanan natin, nakita niyo ba? Ang daming kulay! Tapos… tapos itong suot ko pala, kulay dilaw pala ito! At isa pa, ang gwapo at ang ganda pala ng nanay at tatay ko ha?” masiglang nagsisigaw si Marvin na hindi alintana ang dami ng taong nakasakay sa tren.
“Eh, mawalang galang na ho ano? Bakit kaya hindi ninyo ipatingin sa doctor iyang anak ninyo? Mukhang malala na ang sakit niya eh,” sambit ng isang kasabay nilang pasahero sa tren kasabay ang pagtawa nito at ng kaniyang mga kasama.
“Ah sir, kakagaling lang ho namin sa doctor…” magalang na sambit ni Catleya sa mga lalaki. “Mahigit dalawang dekada na ho siyang bulag at ngayon lamang ulit nakakita kung kaya’t labis ang saya niya sa kaniyang mga nasisilayan,” nakangiting dagdag ng ginang na siyang ikinatigil ng mga lalaki sa pagtawa – halata ang hiya sa mga mukha nito.
Nakangiting umuwi ang mag-anak, at habambuhay na nagpapasalamat sa Diyos sina Jojo at Catleya na ginawa nitong kasangkapan ang isang negosyante sa paggaling at pagkakaroon ng paningin ng kanilang anak.