Pinaghinalaan ng Babae na Aswang ang Gwapong Kapitbahay, Di Inaasahang Nahulog ang Loob Niya Rito
Pumanaw na pareho ang magulang ng 25 anyos na si Manilyn at wala rin naman siyang mga kapatid kaya mag-isa na lamang siyang naninirahan sa naiwang bahay ng mga ito. Mula Lunes hanggang Sabado ay may pasok siya sa isang call center sa Mall of Asia at kapag day off niya naman ay mas gusto niyang magpahinga kaysa mag-laboy kasama ng mga kaibigan.
Nakahiligan niya nang manood ng mga horror movies, mapa-zombie, multo,maligno, sinasaniban, aswang, tagalog man o english- kabisado niya na lahat iyan.
Walang kurap na nakatitig si Manilyn sa telebisyon habang tuloy-tuloy ang pagsubo ng popcorn. Alas otso na ng gabi at tahimik na ang paligid, ito naman ang gusto niya sa barangay nila. Maaga pa lang ay nasa bahay na ang mga tao, palibhasa ay takot mapagtrip-an ng mga adik.
“Robertito! Anak ko! Gumising ka!” sigaw ni Charito Solis sa palabas na ‘Huwag mong Buhayin ang Bangkay’, pangatlong beses nang napanood ni Manilyn ito pero napapapitlag pa rin siya.
“Sammy, chu! Tara na sa loob,” narinig ni Manilyn ang boses ng kapitbahay niyang si John. Tinawag nito ang aso na tumahol naman kaya pasimple siyang sumilip sa bintana. Natanaw niya ang binata, na gwapo sana kaya lang ay nakakatakot.
Isang taon nang lumipat sa katabing bahay nila ang lalaki pero ni minsan ay wala siyang nakitang bumisitang mga kaibigan o kamag-anak rito. Palagi lang itong mag-isa, kasama ang alaga nitong aso. Actually, nakakatawa mang pakinggan..ang hinala niya ay aswang si John.
Hindi na niya natiis, pinatay niya ang telebisyon at tumayo. Dahan-dahan siyang lumabas ng kanyang tahanan at nagtungo sa bahay ni John. Habang palapit siya nang palapit ay narinig niyang tumutugtog ang isang nakakakilabot na kanta, halatang luma na. Ang ‘Saan ka Man Naroroon’ ni Celeste Legaspi. Hindi ba pang-patay iyon?
Nagtayuan ang balahibo niya pero wala na siyang magagawa, narito na eh. Tuloy-tuloy siya sa paghakbang hanggang mapatapat sa bintana. Isiniwang niya nang kaunti ang kurtina at nakita niya si John na nakatanaw sa malayo. Napakaraming mga lumang manika ang naka-display sa salas nito, may mga dahun-dahon rin na hindi niya malaman kung ano.
“Sabi ko na nga ba! Sabi ko na nga ba, aswang siya!” napatigil siya nang huminto na ang kanta. Pagsilip niya muli sa loob ay wala na si John. Patay!
“Ano’ng ginagawa mo dyan?”
“P*keng tumalon nasa garapon!” gulat na sabi ni Manilyn. Nanginginig siya dahil nasa likod niya na pala ang binata. Diyos ko po, ayaw niya namang mamatay sa ganitong paraan.
“Miss, ano kakong ginagawa mo dyan?” ulit ng binata, bakit natatawa ito? Nakakatawa ba na biktima na mismo ang lumapit para kainin nito? Lumingon ang dalaga sa paligid, walang ibang tao. Kung tatakbo naman siya palayo ay tiyak na mabilis siyang maaabutan nito dahil maliit lang siya, maliliit lang rin ang mga hakbang. Idagdag pang matangkad ang binata.
“H-Hihingi sana ako ng toyo,” wala na siyang maisip na dahilan eh. Tila nagulat naman si John pero tumalima na rin at kumuha ng toyo.
“Sana kumatok ka na lang. Muntik na kitang pukpukin dahil akala ko magnanakaw ka,” napapakamot sa ulong sabi nito. Nakahinga naman ng maluwag si Manilyn.Buti nalang ay napaniwala niya ito.
Mula noon ay nagbabatian na sila tuwing magkakasalubong, nagkakakwentuhan at hindi inaasahang maging magkaibigan. Sa kabila naman ang lahat ay buo pa rin ang paniniwala ng dalaga na may itinatago si John, na aswang ito.
Hindi nagtagal, ayaw man ni Manilyn ay nahulog na ang loob niya sa binata. Habang nakikilala niya kasi ito ay nalalaman niyang mabait pala ito at nakakatuwang kausap. Hinahanap-hanap niya ito palagi. Kung na-gayuma man siya o ginamitan nito ng salamangka, di niya alam. Ganoon ang napapanood niya sa mga horror eh. Malaki tuloy ang epekto sa kanya.
“Manilyn, mahal kita. Bigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan iyan sayo.” masuyong sabi ni John isang gabi. Dumalaw siya sa bahay ni Manilyn.
Kay lakas ng tibok ng puso ng dalaga pero may isang bagay na humahadlang sa kanya..takot. Natatakot siya. Kung magiging sila man, di niya yata maaatim na ang boyfriend niya ay pumapatay at kumakain ng tao.
“N-Natatakot ako. Di pa kita masyadong kilala. N-Ni wala akong alam tungkol sayo.” pag-amin niya.
Bilang sagot ay hinila ng binata ang kanyang braso, nais mang tumutol ng dalaga ay mas nanaig ang puso niya kaya sumama siya rito.
Dinala siya ni John sa bahay nito. Nakatalikod ito sa kanya at naririnig niyang nakailang buntong hininga. Ano na? Magbabago na ba ito ng anyo?
“Galing ako sa Siquijor.” bungad nito. Sabi niya na nga ba!
Hindi siya nagsalita, nagpatuloy naman sa pagpapaliwanag ang binata. “May isa akong kapatid, si Nisha. Kasama siya ng parents ko sa probinsya habang ako naman, nag-aaral sa Manila. 3rd year college na ako noon nang makatanggap ng tawag na nilooban raw ang bahay namin at ninakawan. A-Ang masama pa, hindi pa nakuntento at pinatay pa ang pamilya ko.
H-Hindi ko na kayang tumira doon kaya ibinenta ko ang bahay at lumipat rito. Gayunpaman, binitbit ko ang mga gamit nila para maalala ko sila lagi. Kay Nisha ang mga manikang iyan, ang mga herbal naman ay gamot ng daddy ko sa diabetes.. kahit sa alaala man lang ay makasama ko sila.” mapait na ngumiti ang lalaki. Pinatugtog ang kanta ni Celeste Legaspi.
“Ito ang theme song ng mommy at daddy ko, nagsisisi ako na wala ako roon. Sana isinaman nalang nila ako. O kung nandoon man ako, sana hindi..hindi nangyari iyon. Baka natulungan kong lumaban ang daddy-” napapahikbi na ito kaya naiiyak na niyakap ni Manilyn ang binata.
“D-Diyos ko po John, hindi ko alam. Diyos ko..” naiiyak na sabi niya.
Pinaghinalaan niya pang aswang ang lalaki, napakabigat pala ng pinagdaanan nito.
Hinalikan niya ito, “Nandito na ako. Mahal kita, nandito na ako..”
Mula noon ay naging masaya na sila sa piling ng isa’t isa. Kinumbinsi ni Manilyn si John na muling bumalik sa pag-aaral, tutal ay isang taon nalang ga-graduate na ito sa kursong Architecture.
Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal sila at ngayon ay kabuwanan na ng babae sa kanilang panganay.
Hindi alam ni Manilyn kung matatawa siya o maaasar sa sarili dahil sa sobrang kakapanood niya ng horror, pati ang gwapong kapitbahay ay napaghinalaan niyang aswang. Naging blessing naman dahil iyon rin pala ang magiging dahilan upang magsimula ang matamis nilang pag-iibigan.