Galit ang mga Kamag-Anak ng Seaman sa Kanyang Misis dahil Nagpapasarap Lang Daw sa Buhay ang Babae, Di Nila Alam ang Lihim Nitong Ginagawa
Walong taon nang nagtratrabaho si Bernie bilang isang seaman. Nagkakasama lamang sila ng asawa isang buwan kada taon. Pigilan man ito ng asawang si Linda kada pipirma ng bagong kontrata’y hindi ito matinag. Layunin kasi nitong makapag-ipon nang maaga raw siyang makapagretiro.
“Hon, tiis-tiis muna, Magkakasama-sama din tayo nila Baby Kyla ko sa tamang panahon. Ipon lang tayo.” Pirming bilin nito kay Linda.
“Hindi man limpak limpak ang perang naibibigay ng anak ko ay sapat na iyon upang mamuhay kayo ng masagana. Huwag ka nang mag-drama’t ikaw rin naman ang nakikinabang.” Wika ni Aling Daisy, ina ni Bernie.
“Mabuti’t mabait na asawa ang apo ko. Suwerte mo’t hindi ka napunta sa kamay ng ibang lalake gaya ng asawa ko’t asawa ng Mama Daisy mo. Naku, sumalangit nawa pero mga animal sila..” Saad ni Aling Puring, ang lola ni Bernie na 90 anyos na.
Heto na naman tayo… Sa isip-isip ni Linda. Palibhasa’y hindi nito inaasa ang lahat sa asawa, nagtintinda din ito ng mga panty at bra sa mga kakilala’t kapitbahay habang nag-aalaga ng dalawang taong gulang na anak na si Kyla kaya’t kadalasa’y pagod ito at kaunti lamang ang tulog. Nagsusulat din ito ng mga istorya upang mailathala sa isang tabloid o pahayagan.
Kung tutuusin ay malaki rin ang kinikita ni Linda bilang isang manunulat at maliit na negosyante ngunit kailangan talagang kumayod ni Bernie sapagkat nag-iisa lamang siyang anak at buwanan itong nagbibigay ng sustento sa kaniyang ina.
Sapagkat ayaw na lamang ni Linda na madagdagan pa ang iniisip ng asawa ay hinayaan niyang doon na tumira ang nanay at lola nito sa kanilang tirahan. Dagdag sustento na naman kasi kung uupa pa ito ng bahay, isama mo pa ang kuryente’t pang araw-araw ng mga ito’y baka lalong matagalan pa ang pag-uwi nito.
“Sampung libo. Wala na bang itataas ito, nak? Noong pinag-aaral kita’y halos magkandakuba ako sa Jordan. Ilang beses na rin akong hinipuan ng amo kong lalake. Lahat ng ‘yon tiniis ko para sa ‘yo.” Sambit ni Aling Daisy sa anak.
Kita sa video call na napakamot na lamang ng ulo si Bernie. Hindi na lamang din kumibo si Linda. Kung tutuusin, si Aling Daisy ang may marangyang buhay sa kanila. Araw-araw ay lumalabas ito kasama ng mga kumare. Minsa’y naglalaro pa ito ng mahjong kasama ang mga amiga. Kumbaga’y pang garanatsa niya lamang ang 10,000 na allowance mula sa anak.
Wala naman din silang iniintindi sa lola nitong si Aling Puring sapagkat may buwanang pensiyon ito.
Malaki ang pagbabago sa itsura ni Linda mula nang magkakilala sila ni Bernie, paano ba nama’y stress na stress ito sa pag-aalaga ng lola ng asawa at sa araw-araw na panenermon ng ina nito.
Ultimo pagsasampay niya ng damit ay nakikitaan nito ng mali. Lahat ng kilos niya’y pinapanood ng biyenan, maipalabas lamang na mas magaling ito sa kaniya.
Lumipas ang ilang buwan at napapansin nilang malaki ang binaba ng timbang ni Bernie. Alalang-alala na si Linda kaya’t hinihikayat na itong umuwi.
Sa una’y walang ginawa ang asawa kung hindi tumanggi ngunit nang makatanggap sila ng tawag mula sa agency nito’y nagalit na si Linda sa asawa’t agad itong pinauwi.
Palagi daw itong nilalagnat sa gabi at nanginginig. Madalas din daw na nananakit ang ulo nito. Sagot naman daw nila ang pagpapagamot dito ngunit sa mga oras na hindi ito nagtratrabaho sa barko ay hindi ito susuweldo.
“Ang lakas ng loob mong pauwiin si Bernie at hindi tapusin ang kontrata! Mayaman ka ba? Anong ipangtutustos mo sa pagpapagamot sa anak ko?! Hahayaan mong mamatay ang anak ko?” Galit na galit na saad ni Aling Daisy.
Hindi naman sumagot ang pobreng misis at inasikaso ang paglilinis ng kuwarto upang pag-uwi ng asawa’y makapagpahinga ito ng maayos.
“Hon, ang laki ng pinayat mo. Wala kasing nag-aalaga sa ‘yo doon. Sabi ko sa ‘yo dito na lang tayo. Nagkasakit ka pa tuloy.” Umaagos ang luha sa mga mata ni Linda.
“Sus, drama na naman. O mayabang ka, hindi ba. Ideretso mo na sa ospital ang anak ko.”
“Marami akong pera sa bangko, akong magpapagamot sa apo ko.” Saad naman ng lola nito.
Nabunutan ng tinik sa dibdib si Linda ng malamang simpleng ubo’t sipon lamang ang sakit ng asawa. Hindi lamang ito nagagamot at nabibinat pa ito sapagkat tuloy pa rin ito sa paghahanapbuhay at inililihim na maysakit siya kaya’t hindi gumagaling.
Nang iabot ng lola at nanay nito ang perang pambayad sa ospital ay napanganga ang mga ito.
“Bayad na po ang hospital bill. Ang dami nga pong dalang pera ni misis, nagulat siya nang makitang 5,000 lamang pala ang bill. Wala naman po kasing malalang karamdaman si sir. Antibiotic lang din ang gamot na kailangan niya.” Wika ng babae sa cashier.
“Ma, baka naman po puwedeng makisuyo. Paki withdraw lang po ng 3,000 sa atm ni Linda. Dadaan ho kasi ang misis ng kumpare ko, nautangan ko kasi si kumpare habang nasa barko. Ipinadala ko ho kasi sa inyo lahat ng pera ko noong nakaraang tumawag kayo sa akin at nanghingi ng panghanda sa birthday ninyo.” Saad ni Bernie sa ina.
Nang magtungo sa bangko si Daisy ay halos atakihin ito sa puso ng makita ang laman ng ATM ni Linda. “5,000,000”
Nang umuwi’y tila maamong tupa ito. Nak, buti na lang may ipon ka. Kahit matagal kayong magpahinga ni Bernie eh solb pa din kayo.” Abot hanggang tainga pa ang mga ngiti nito.
Gulat na gulat naman si Linda sa sinabi ng biyenan, iniisip niya kung paano nito nalaman kung magkano ang naipon nila ng asawa. At tila mas lalong nagulat ang mag-lola.
“Hon, pinawithdraw ko kay Mommy yung 3000 na ibabayad ko sa asawa ni pareng Abner. Teka, wala bang tulog si mama? Anong 5 milyon?” Saad ni Bernie.
“Honey, lahat ng perang pinapadala mo’y iniipon ko. Wala akong ginalaw kahit piso. Ang pinanggagastos ko lang ay ang perang kinikita ko sa pagtratrabaho at pagtitinda. Kung may sobra’y dinadagdag ko din iyon sa ipon natin.” Wika ng inosenteng si Linda.
“ABA! Iyan ang asawang wais! Paano ba naman itong anak kong si Daisy eh bulagsak sa pera kaya’t di gaya mong nakakapagipon. Magkakasundo tayo lalo niyan, napakasinop mo sa pera. Di ka naman kasi palakibo, hija.” Wika ni Lola Puring.
Natawa na lamang si Linda sa inasta ng nag-uulyanin nang matanda.
“Grabe naman kayo, nay! Parang sinisiraan ninyo ako sa manugang natin.” Nahihiyang saad ni Aling Daisy.
“Mama, Lola… May ipon naman po pala si Lola gusto ko po sanang mawalan muna ng iniintindi si Linda at makapagenjoy kaming pamilya muna. Baka puwede pong hanapan namin kayo ng sarili ninyong matitirhan.” Pakiusap ni Bernie sa ina.
“Hon, maraming-maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo. Pasensiya ka na sa pakikialam ni Mama sa iyo palagi at mga pangungulit sa iyo ni Lola. Kahit hindi ka nagsasalita ay alam ko ang pinagdadaanan mo sa araw-araw.”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Aling Daisy sa sinabi ng anak. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi na ito nakapagdaldal pa. Palibhasa’y tamemeng-tameme siya.
Pati ang Lola nito’y natahimik rin.
Hindi na lamang umimik si Linda, ang mahalaga’y kasama na nila ni Baby Kyla ang asawang si Bernie at may sapat na silang ipon. Walang paglagyan ang kaniyang kasiyahan.