Dahil Nanlalamig na ang Misis ay Nakipag-Textmate sa Iba ang Mister, Nanlaki ang Mata Niya nang Makilala na ang Kausap
Dalawang taon nang nagsasama sina Eula at Larry, mayroon silang dalawang anak. Si Eula ay may maliit na sari-sari store habang si Larry naman ay may trabaho sa Novaliches, malayo ito sa kanila dahil nasa Cavite ang kanilang bahay. Kaya naman tuwing Sabado lamang nakakauwi ang lalaki, tapos ay aalis na siyang muli kinabukasan. Dahil doon ay wala nang oras sa isa’t isa ang mag asawa, hindi rin kasi isinasara ni Eula ang sari sari store kapag umuuwi si Larry kahit pa bawi niya na naman ang puhunan sa araw na iyon, kapag naman gabi na ay tumatabi sa mga bata si Eula.
“Mommy, tulog na yung dalawa, kwentuhan muna tayo..” sabi ni Larry sa misis niya isang gabi, nagsasara na ito ng tindahan. Abala rin ito sa pagkalikot sa cellphone dahil binigyan ito ng kapatid niyang babae ng isang loading business.
“Hay naku, ang init doon sa kwarto natin at pagod na rin ako. Magpahinga ka na dyan.” sabi ni Eula, ang totoo ay medyo naiinis siya sa mister dahil mas pinili pa nito ang trabaho sa malayo gayong mayroon namang offer dito na malapit lang sa kanila, halos pareho lamang ang sweldo. Nasanay na tuloy siyang wala ito.
Napabuntong hininga si Larry, tila nanlalamig na talaga ang kanyang misis. Mag isa siyang pumasok sa kwarto at tinawagan ang kanyang kapatid na si Carmina, “Carms? Ewan ko ba.. hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa amin ng ate mo, pareho kaming nagbago,” malungkot na sabi niya rito.
“Magkaaway na naman ba kayo kuya?” nag aalalang tanong nito.
“Hindi naman, hindi lang kami nakakapag usap. Basta parang ang lamig na namin,”
“Diyos ko, baka pagod lang rin si Ate katulad mo. Kausap lang pala ang gusto mo ay naghihinanakit ka pa dyan, ito i-text mo o. Wag kang magpapakilala at wag mo sasabihin saan ka nakatira para exciting. Siguro pagkatapos niyan, sasaya kana. ” at binigay nito sa kanya ang isang cellphone number. Natawa naman ng bahagya si Larry, isa ba siyang teenager para bigyan siya ng kapatid ng textmate? Bukod doon, hindi ba pagtataksil ito?
Nag iisip pa siya nang biglang pumasok sa kwarto ang kanyang misis, nagliwanag ang kanyang mukha “Lika na dito sa tabi ko,” sabi niya rito.
“Baliw, kukuha lang ako ng kumot.” matabang na sabi nito.
Hindi na nakatiis si Larry at nasabi niya na ang kanyang dinaramdam kanina pa, “Ano ba ang problema natin Eula? Ang tagal na nating di nakakapag usap nang maayos, kahit day off ko ay hindi kita makaligtaan, nanghihinayang ka sa kakarampot na kikitain sa tindahan pero di ka nanghihinayang sa saglit na oras na makakasama mo ako.” sabi ni Larry.
“Wala.” simpleng sagot naman ni Eula.
Hindi na nakasagot pa si Larry dahil mukhang di naman interesadong makipag usap sa kanya ang misis, tuloy tuloy na itong lumabas sa kwartong iyon. Sa sobrang inis niya ay kinuha niya ang cellphone at iti-next ang number na ibinigay ng kanyang kapatid.
“Hi,” unang bati niya.
“Sino ito?” reply naman kaagad nito.
Naisip ni Larry ang sinabi ni Carmina, wag nyang sabihin ang kanyang buong pangalan upang may thrill. Sa kanyang puso ay nakaramdam siya ng konting guilt pero naisip niyang di naman na siya mahal ng kanyang misis kaya bahala na. “Lambert. Ikaw?”
Nagulat pa siya nang magreply ang kausap, “Yuri. Saan mo nakuha ang number ko?”
Hindi inaasahan ni Larry ay na-enjoy niyang kausap ang babae sa text, para kasi itong misis nya noong bago pa lamang sila. Maraming sinasabi at mahilig magpatawa. Gayunpaman ay malaki ang awa niya rito nang magkwento na ito tungkol sa boyfriend raw nitong walang oras para rito, kasama kasi nito sa bahay ang boyfriend nito.
“Akala niya kasi, importante sa akin ang materyal kaya mas pinili niyang lumayo para bigyan ako ng materyal na bagay. Hindi nya alam, mas gusto kong narito sya kasama ko. Miss na miss ko na sya, tuwing uuwi siya rito sa bahay ay di niya man lang naiisip na kumustahin ako. Ang gusto nya, magsisiping lang kami..tapos matutulog na siya. Naalala ko pa noong nililigawan niya pa lang ako, sana ganoon na lang lagi. ” sabi ni Yuri.
Ilang linggo pa ang tumagal ng kanilang pagte-text at dahil sa pamimilit ni Yuri ay pumayag na rin si Larry na makipagkita, pero nilinaw niya ritong dapat ay may kasama sila dahil pagkakaibigan lang talaga ang mabibigay niya. Sadyang naaawa lang siya sa sitwasyon ng babae. Ngayon ay narito siya sa isang mall at naglalakad na papunta sa restaurant na napagkasunduan nila.
“Naka-pink ako na floral,” sabi ng babae sa text.
“Yuri sorry, hindi ko pala kaya. Pakiramdam ko ay pagtataksil na ito sa misis ko,” reply niya.
“Sandali lang, kahit silipin mo lang ako.” reply naman nito kaya napabuntong hininga siya, bahala na.
Dire diretso na siya sa restaurant at hinanap agad ng mata niya ang babaeng naka-floral na damit. Ang balak niya ay kamayan lamang ito at umalis na, sobrang guilty niya na talaga dahil araw ng Sabado ngayon at kasama niya dapat ang pamilya niya. Pero naistatwa siya sa kinatatayuan nang makitang palapit na sa kanya ang babaeng nakabulaklaking damit, hindi lang ito maganda, kilala niya rin ito. Kilalang kilala..
Ang misis niya!
Ito pala si Yuri!
“Eula!”
“Lambert?” sabi nito, malungkot ang mukha. Alam ng misis niya na siya ang ka-text nito mula umpisa pa lamang, tinulungan siya ng hipag na si Carmina dahil di niya alam kung paano kakausapin ang asawa tungkol sa kanyang mga hinaing, di naman kasi siya iniintindi ng lalaki dahil para rito ay ito lang ang tama
“Sorry mommy hindi ako nagtataksil sayo, naaawa lang talaga ako sa mga sinabi ni Yuri tungkol sa boyfriend niya..teka, ako pala yung tinutukoy mo?” gulat na tanong niya.
Malungkot na muling tumango ang babae. Doon naisip ni Larry ang mga pagkukulang niya, ang mga oras na uuwi siya ng Sabado pero tutok siya sa cellphone para maglaro kaysa makipaglaro sa mga anak nila, ni hindi siya nagkukusa sa gawaing bahay kahit ang araw na iyon ay pahinga rin dapat ng misis niya. Tama rin ito, na tuwing kakausapin niya ito ay nais niya lamang makipagsiping.
“Sorry..” wala na siyang ibang nasabi.
Niyakap naman siya ni Eula, “Gusto rin naman kitang kausap. Gusto rin kitang makasama.” umiiyak na sabi nito. Hinalikan niya ang babae at alam nila pareho na nagkaintindihan na sila.
Tuwang tuwa ang misis niya nang yayain niya itong manood ng sine. Pagkatapos noon ay kumain sila at nagkwentuhan.
Alam ng mag asawa na pareho silang may pagkukulang sa isa’t isa at lalong lumala ang sitwasyon dahil may nalimutan silang isang napakahalagang bagay para maayos ang relasyon – komunikasyon.