Bata pa noon si Sharina nang magkahiwalay ang kanyang nanay at tatay. Naiwan siya at ang kanyang dalawang mga kapatid sa pangangalaga ng kanilang ina.
Di naman nagtagal, nakakilala ang ina ni Sharina, na si Collet ng bagong pag-ibig. Nagkamabutihan sila ng lalaking nagngangalang Junie at di naglaon ay nagsama na rin.
Tinanggap ni June si Collet pati na ang tatlong anak nito sa kanyang buhay. Pero dahil hindi naman ganoon kalaki ang kinikita ng lalaki, madalas ay kinakapos sila sa mga pagkain.
Noong una’y maayos pa naman ang pakikisama ni Junie sa mag-iina, hanggang isang araw ay lumabas din ang tunay na kulay nito. Nagsimulang mag-away ang mag-asawa dahil sa kakulangan sa pera.
Tanging tinapay na mayroong mayonnaise lamang ang kinakain at binabaon ng mga bata na pananghalian sa kanilang paaralan. Wala silang kahit isang kusing na salapi upang makalabas at makapamili sa palengke o grocery man lang.
Bayolente at mapanakit pala si Junie. Ilang beses nang natutunghayan ng mga bata ang ginagawang papanakit at pang-aabuso ng lalaki sa kanilang ina.
Isang araw, nakita na lamang ni Sharina ang amain na sinusuntok ang kanyang ina. Hindi na magawang matiis ng bata na makitang nasasaktan ang kanyang nanay, kaya buong lakas siyang kumuha ng silya at saka inihataw ng may malakas na pwersa sa likod ng lalaki upang tumigil ito sa pananakit sa kanyang ina.
“Walang hiya kang bata ka ah?!” sigaw ni Junie sabay nagpakawala ng malakas na suntok sa panga ng batang babae.
Nagawa pang tumayo ni Sharina noon upang bigyan ng isang malakas na ganting suntok din ang ama-amahan. Pero ano nga naman ba ang laban ng isang musmos sa isang matangkad na lalaki?
Mula pagkabata ay hilig na ni Sharina ang musika. Sa katunayan, ang unang kantang kanyang naisulat nga ay para sa kanyang ina. Dahil napansin niya labis ang lungkot at problema na dinadala nito.
Dahil sa matinding hirap na pinagdadaanan, nauwi sa matinding depresyon ang kinahinatnan ng kawawang ginang. Hindi na nito magawang lumabas o bumangon man lang sa kama dahil sa labis na sakit na nadarama, kaya tanging si Sharina ang tumayong nanay at tagapag-aruga sa kanyang mga nakababatang kapatid.
Sa murang edad, natutunan ni Sharina ang magbanat ng buto. Ang kauna-unahang trabaho niya ay pagiging isang singer sa kilalang bar sa edad na walo. Isipin na lamang ninyo na ang isang musmos ay umaawit ng hatinggabi para lamang may ipangtustos sa mga bayarin at kaunting pangkain sa bahay.
Sa mga lumipas na taon, nagpatuloy ang pang-aabuso ni Junie sa mag-iina. Isang hindi makakalimutang gabi noon, nang malasing si Junie, inaway nito ang asawa at saka inupakan ng napakalakas na suntok, dahilan para bumagsak at mawalan ng malay ang babae.
Matapos noon, hinila ng lalaki ang buhok ni Collet at saka dinala ang walang malay na katawan sa loob ng banyo. Mula sa pagkakahiga sa sahig, kinuha ni Junie ang mukha ng asawa at saka isinubsob sa bukas na kubeta.
Kitang-kita ng dalawang mata ni Sharina ang karumal-dumal na sinapit ng kanyang ina. Nang mga pagkakataong iyon, inakala niyang binawian na ng buhay ang kanyang ina dahil sa labis na pang-aabusong dinanas nito mula sa walang hiyang asawa.
Isang araw habang wala si Junie sa tahanan. Sinubukan ni Sharina na kausapin ang ina at pilitin na umalis at magpakalayo-layo na lamang.
“Nay, hindi ko na po kaya ang pananakit na ginagawa sa atin ni Tatay Jerry. Umalis na tayo, nay! Ayaw ko na po siyang makasama. Maawa na kayo sa sarili niyo at sa amin nay, pakiusap…” lumuluhang saad ni Sharina.
Napapayag naman ni Sharina ang nanay niya sa naisin. Kinuha nila ang pagkakataon na wala si Junie at saka sila lumayas sa pamamahay.
Pansamantala silang napunta sa isang lugar na tumatanggap ng mga taong walang permanenteng tahanan. Sa murang edad, nagsimula si Sharina na magtrabaho sa isang fast food upang doon magsilbi at kumita ng pera. Nagtagal siya dito ng ilang taon din bago tuluyang sinubukan ang swerte sa industriya ng musika.
Bago makarating ng edad na dalawampu’t dalawa, hindi inaasahang nagkabalikan pa ang kanyang ina at ang mapanakit na asawa nitong si Junie. Pero sa di inaasahang pagkakataon, magkasamang pumanaw ang mga ito dahil sa isang malagim na aksidente.
Walang ibang magawa si Sharina kundi ayusin ang sarili, umalis sa tinitirahang lugar at humanap ng trabaho na pwedeng sumuporta at bumuhay sa mga naiwang kapatid.
Nagsimula siya sa pagkanta-kanta sa isang casino resort noon habang inaayos ang demo tape na ipapasa niya sa mga recording label upang mapakinggan.
Hindi naging madali ang mga araw na iyon kay Sharina hanggang isang araw, isang recording company ang nakarinig sa boses niya at agad na nagustuhan ito. Doon nagsimula ang pag-angat niya sa buhay.
Ngayon, isa si Sharina sa mga bituing naging matagumpay sa larangan ng musika. Isa siya sa pinakamabentang mang-aawit ng kanyang henerasyon. Ibinoto at nakatanggap din siya ng matataas na parangal sa larangan ng musika.
Sino bang mag-aakala na ang dating bata na niyuyurakan at inaabuso noon ay nagkakahalaga na ng bilyon ngayon? Maging ganun pa man, dala pa rin ni Sharina ang pagiging mapagkumbaba sa kanyang puso. Isa siya sa mga artista na may mabuting kalooban.
Hindi niya ikinakahiya kung sino siya, ang lugar at mga tao na kanyang pinagmulan, pati na ang mga masasakit na pinagdaanan niya sa buhay, dahil lahat ng iyon ay naging instrumento niya para maging matagumpay na mang-aawit na kilala hanggang sa ngayon.