Inday TrendingInday Trending
Pangako Lamang

Pangako Lamang

Sa isang bukid sa Cavite nakatira ang isang bata na nagngangalang Alfredo. Lumaking walang ama si Alfredo at maagang nasawi ang kanyang ina noong magtatatlong-taong gulang pa lamang siya, kaya kinupkop siya ng kanyang Tita Alunsina kasama ang kanyang Tito Fajardo. Siya’y namumuhay sa pagbebenta ng diaryo sa bayan at pangangalakal ng mga lumang gamit na gawa sa bakal.

“Narito na po ako, Tito Fajardo, Tita Alunsina!” wika ni Alfredo na maagang nakauwi galing sa bukid.

“Fredo, hijo, nakabenta ka na ba? Bakit maaga uwi mo?” tanong ni tiyuhin niya.

“Kakaunti po lamang ang mga bumili, kaya menos gawain ako ngayong araw,” sagot pa niya.

“Ah, mabuti naman hijo. Wala pa namang gawain na kailangan sa bukid. Pwede ka muna magpahinga,” wika ng tiyahin.

“Ay, ‘sandali lamang, may nakalimutan ako. Hijo, punta ka muna kay Kabesa Entrata at pakisabi na iuurong ko na iyong kaso at nakipagkasundo na ako sa nakasira ng mga palay natin,” pahabol na sabi ng tiyuhin.

“Sige po, mag-aayos lang po ako ng mga damit ko,” paalam ng paangkin at dumiretso sa kwarto nito.

“Ay, ako na magpapa-alala. Makakalimutin kang bandito ka!” pabirong sabi ni Alunsina.

“Ajaja, lo siento, mi amor!” at biglang napahalakhak si Fajardo.

Unti-unti, umaabot na sa mga karatig probinsya ang impluwensiya ng bagong pamahalaan. Pati na rin ang mapayapang bayan ni Alfredo ay madadamay sa maraming pagbabago na inilunsad ni Pangulong Osmeña.

Sa mga nagdaang araw, dumarami ang mga Amerikanong bumibisita sa bansa at nakakahalubilo sila sa mga kabayan ni Alfredo. Ngunit hindi pa naman ito pinapansin ni Alfredo. Mas mahalaga pa rin ang makalikom siya ng salapi at magtrabaho sa bukid.

Kinahapunan, dumiretso na sa plaza mayor si Alfredo upang kitain si Kabesa Entrata. Sa hindi inaasahan, may mga banyaga sa loob ng gusali.

“Kabesa! Kabesa Entrata!” sigaw ng bata sa grupo ng mga tao.

“Oh, Alfredo! Napabisita ka! Que esta? Bakit ka naparito?” sagot ng Kabesa na tuwang-tuwa sa bata.

“Sabi po ni Tito na huwag na ituloy ang kaso. Wala na raw problema,” sagot ni Alfredo.

“Ah ganoon ba mijo? Mabuti naman, sabihin ko na rin doon sa mga may sala.”

Naputol ang usapan nila nang may dumating na banyaga.

“Mr. Entrata, is he your son?” tanong ng isang sundalong Amerikano.

“Oh, no no, he is child in village, farmer child!” masiglang sagot ni Kabesa Entrata.

“Oh I see, so much energy for someone so small. Reminds me of my daughter, and speaking of – Anna! Come here child!” pasigaw na sabi ng sundalo sa kanyang anak.

“Mr. Entrata, meet my little girl, Anna. She’s been here in the Philippines for a couple of months now, so she knows a few native words or two. Go say hi, Anna!” sabi ng sundalong Amerikano.

“H-Hello, buenos tardes…eyko ay si Anna Watson, natootoowa akong meykita kayow…” nahihiyang nagsalita ang dalagita.

“Aba marunong na magsalitang tagalog ah? Buenos tardes, señorita! Ako naman ay si ginoong Entrata,”

“Ako ay si Alfredo, Alfredo Galang.”, tinuloy ni Alfredo ang panimulang bati ni Kabesa Entrata. Kinakabahan si Alfredo marahil ngayon lang siya nakakita ng banyaga at nakausap pa niya.

“Ni-Nice to meet you, Alfredo Alfredo Galang!”

Inakala ni Anna na dalawang Alfredo ang pangalan ng bata.

Nagtawanan ang mga matatanda at nasabay na rin sa tuwa ang mga bata. Matapos ay nag-usap pa sina Alfredo at Anna. Kahit hirap na hirap intindihin ni Alfredo ang dalagita ay nagkakaintindihan pa rin sila. Nakita sila ng sundalong si Mr. Watson at natuwa sa kanila, kaya nagpasya ito na iwan muna ang kanyang anak sa Cavite sa pangangalaga ni Kabesa Entrata.

Kakaibang bata si Anna sa paningin ni Alfredo. Dilaw na buhok, maputing kutis ng balat, may mga tuldok sa mukha, at mapupungay na asul na mga mata. Ganun na rin ang tingin ni Anna kay Alfredo, kayumangging balat, kulot na buhok, pabilog na ilong. Ngunit, hindi ito hadlang sa dalawa upang makapag-usap.

Hindi pa alam ng mga bata noon ang nangyayari. Dumadayo ang mga sundalo marahil nagkakaroon ng pagkakaibigan ang Pilipinas at ang Amerika. Kasama na rin sa rason ang namumuong tensyon sa Europa dahil sa isang diktador. Kaya ang nakararaming may alam sa balita ay nangangamba.

“Oh, ayan pala ang basa diyan, ‘nakakapagpabagabag’…tama ba, Fredo?” tanong ni Anna kay Alfredo.

“Si, Anna, muy bien! Gumagaling ka na sa tagalog!”

Laking tuwa ni Alfredo sa kakayahan ng bago niyang kaibigan.

Limang taon na ang lumipas simula noong nanirahan si Anna sa bayan. Unti-unti ay nasasanay na siya sa pamumuhay doon. Madaling nasanay si Anna dahil sa walang sawang tulong ni Alfredo. Palagi ring nagpapadala ng sulat si Mr. Watson kay Anna kaya hindi nababagabag ang dalagita.

“Sometimes, I feel like I want to go home, Alfredo,” sabi ni Anna kay Alfredo.

“Gusto mo nang bumalik sa Amerika, tama ba, Anna?” nalilitong tanong ng binata.

“Yes, silly boy! Pero, napapaisip ako. Napamahal na rin ako dito, kaya parang, tahanan ko na rin dito.” sagot ni Anna.

“Well you are home, with me,” biglang sabi ni Alfredo.

Namula si Anna at natuwa kay Alfredo. Hindi man pansin ni Alfredo kung bakit namula si Anna ay natuwa ito marahil mukhang masaya ang dalagita. Bawat linggo, nagkikita ang dalawa para mag-usap at maglaro. Madalas sila sa sikreto nilang lugar sa ilalim ng puno ng balete at doon sila nag-uusap patungkol sa mga pangarap nila at mga gusto nila. Kahit nahihirapan sa Ingles ay naitatawid naman ni Alfredo ang pakikipagkomunikasyon sa dalagita.

“I enjoy talking to you, Fredo, laging may masayang usapan kapag ikaw kausap ko.”, natutuwa si Anna.

“Me too! I am happy that you are happy!” at nagtawanan ang dalawa dahil sa tono ng ingles ni Alfredo.

“Alfredo, kung may mangyari man sa akin, I just want you to know, I will always feel safe and at home when you are with me. Kung mawala man ako, babalik ako. I shall return, so, recuerdame; remember me,” biglang sabi ni Anna kay Alfredo.

“Anna? Anong ibig mong sabihi -“

“Lo…Lolo! Lolo Fredo, gising! Bakit po kayo umiiyak?” tanong ni Annalyn, apo ni Alfredo.

Nang kumurap na ang mga mata ni Alfredo at nahimasmasan na siya, bigla niyang naalala ang kanyang kabataan at ang dalagitang si Anna.

“Porque…mi amore…” biglang sabi ni Alredo.

“Ha? Lolo, okay lang po ba kayo? May masakit po ba?” nag-aalalang tanong ni Annalyn.

“Pangako lamang,” bulong ni Alfredo.

Gulung-gulo pa rin si Annalyn sa mga sinasabi ng kanyang lolo. Pinilit pa rin niyang kausapin ang matnda ngunit bigo na siya at nang manumbalik ang gunita ni Alfredo. “Oh, hija, nandito ka pala? Kumain ka na ba? Anong gusto mong pagkain?” sunud-sunod na tanong nito sa kanyang apo.

“Okay naman po Lo, pero nag-aalala pa rin po ako sa inyo. Ano pong pangako ang sinasabi niyo kanina? At sino po ‘yung Anna?”

“Anna? May sinabi ba ako hija? Hindi ko na matandaan,” anito.

Biglang napapaluha ang matanda nang walang rason tuwing naririnig ang pangalang ‘Anna’.

“Lo! Ayan na naman, umiiyak ka na naman! Okay lang po ba talaga kayo?” nag-aalalang sabi si Annalyn.

Hindi na bumalik ulit ang alaala ni Alfredo patungkol kay Anna at sa mga sundalong Amerikano, tulad na lamang ng hindi pagbalik ni Anna dahil naging biktima na ito ng mga Hapones sa Maynila nang pumutok ang ikalawang pandaigdigang giyera. Sa kasamaang palad, hindi na rin umabot ang liham ng pagpapaalam ni Anna kay Alfredo dahil na rin sa magulong panahon noon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement