Nagtanim ng Kabutihan ang Guro sa Puso ng Estudyante, Hindi Niya Inaasahan ang naging Bunga Nito
Isa si Ma’am Lydia sa pinakahinahangaang guro sa paaralang elementarya. Siya lang naman kasi ang pinakatumagal na nagtuturo sa mga mababang seksyon doon, kung saan ang mga pinakamatitigas ang ulo at hindi katalinuhan na bata ay pumapasok.
40 taong gulang na siya at may dalawang anak. Hindi mapapantayan ang dedikasyon at pasensyang ibinibigay niya sa mga makukulit na bata. Para sa kanya kasi ay may magandang kinabukasan pa ring naghihintay sa mga batang ito kaya’t hindi sila dapat sinusukuan.
Isang araw habang naglalakad papunta sa silid-aralan ay napansin niyang may mga batang nagkukumpulan sa isang tabi. Inusisa niya ito. Nagulat siya nang makitang nakikipagsuntukan ang estudyante niyang si Allan, na grade 1 pa lamang.
“Mga bata. tigilan niyo ‘yan!” sigaw niya.
“Eh siya po yung nauna eh!” pagtuturo ng isang bata habang nakatingin kay Allan.
“Ano’ng ginawa mo, Allan?” tanong niya sa estudyante, ngunit nakakunot lang ang noo nito at hindi sumasagot.
“Sinuntok na lang po niya ako bigla. Wala naman po akong ginagawa,” muling pagsusumbong ng isang bata.
“Oh siya. Pumasok na kayo sa mga silid-aralan niyo. Baka hinahanap na kayo ng mga guro niyo. Sa susunod na makita kong nag-aaway kayo, sa principal’s office ko na kayo dadalhin ha?” malumanay na saad ng guro.
Umalis na ang ibang mga bata ngunit naiwan lamang si Allan na nakatayo. Napansin naman ng guro na may kalmot at kaunting sugat ang bata, kaya dinala niya ito sa silid-aralan upang doon ay linisin at gamutin.
“Bakit ka kasi laging nakikipag-away, Allan? Alam mo naman na kasalanan iyon di ba? Hindi maganda iyon,” pagpapaliwanag ng guro.
“Eh sila naman talaga ang nauna eh!” pangangatuwiran ng bata.
“Dapat pag ganoon ay umiiwas ka na lang. Ano na lang sasabihin ng magulang mo pag nakita yung mga sugat mo? Sasabihin nila pabaya akong guro, gusto mo ba yun?” malumanay na pagkakasabi ni Ma’am Lydia.
“Hindi naman nila ako mahal eh. Lagi nila akong pinapalo,” naiiyak na saad ng bata. Napansin naman ng guro ang lungkot sa mga mata nito.
“Allan,” yumuko ito at hinawakan ang pisngi ng bata.
“Walang magulang ang hindi nagmamahal sa anak. Kaya ka pinapagalitan at pinapalo ay dahil siguro may nagawa kang mali. Mahal ka nila kaya nila ginagawa iyon. Naiintidihan mo ba si ma’am?”
Tumango lamang ang bata at tsaka ito yumakap sa kanya. Napangiti naman ang guro sa ginawa ng estudyante.
Ilang linggo pa ang lumipas ngunit napapansin ng guro na tuwing oras ng kainan ay tanging si Allan lamang ang naiiwan sa loob ng silid-aralan. Nakayuko lamang ito sa palagi sa lamesa at hindi lumalabas.
“Allan?” tanong ni Ma’am Lydia.
“Bakit hindi ka kumakain? Baka magutom ka, mahirap mag-aral pag walang laman ang tiyan,” pag-uusisa ng guro.
“W-wala akong pagkain, ma’am,” sagot ng bata habang nakayuko. Napakapit naman ang guro sa dibdib at naawa sa bata.
“Dapat sinabi mo kaagad kay ma’am. Ilang linggo ka nang hindi kumakain pag recess, dapat sinabihan mo ako,” pinatayo siya ng guro.
“Halika, sumama ka sa akin sa canteen,” pag-aaya niya sa bata.
Ibinili niya ng pagkain ang bata at sumabay siya sa pagkain. Halatang gutom na gutom si Allan sa sobrang bilis ng pagsubo at pagnguya nito ng pagkain.
“Salamat po ma’am,” nahihiyang sambit ng bata pagkatapos kumain.
“Walang anuman. Basta magsabi ka lang kay ma’am pag may problema o walang pagkain ha?” nakangiting sabi sa kanya ng guro. Sobrang galak naman ang naramdaman ng guro dahil sa unang pagkakataon ay narinig niyang nagsalita ng ‘salamat’ at ‘po’ ang bata.
Bago mag-uwian ay nagbigay ng aktibidad ang guro.
“Pag natapos na kayo, ipasa niyo ang papel sa akin at pwede na kayong umuwi,” saad ni Ma’am Lydia.
Natapos ang lahat at nagsiuwian na, ngunit si Allan ay naiwang nakaupo pa rin. Nakatingin lang ito sa papel at hindi nagsusulat. Nilapitan niya ito at kinausap.
“Allan? Tapos ka na ba sa ipinagagawa ko?”
Umiling lamang si Allan at ipinakitang blangko ang papel.
“Hindi ko po kayang gawin,” saad ng bata.
“Bakit naman? Ano’ng problema?” naguguluhang tanong ng guro.
“Nahihirapan po akong magsulat at magbasa. Baka tama nga po si lolo, mahina nga po ang utak ko,” nakayukong sabi ni Allan.
Nagulat naman ang guro sa narinig. Umupo siya sa harap ni Allan at saka ngumiti.
“Walang taong mahina ang utak, Allan. Alam mo kung anong tingin ko sayo? Tingin ko ay isa kang mabait na bata na may magandang kinabukasan na naghihintay. Malay mo maging engineer ka, o kaya naman piloto, o doktor di ba? Madami kang matutulungan.”
Napatingin lamang ang bata sa kanya at ngumiti.
“Halika tuturuan ka ni ma’am,” hinawakan niya ang kamay ng bata at tinulungan itong gumuhit ng mga letra.
Halos araw-araw ay tinitiyaga siyang turuan ng guro bago umuwi. Kahit na maliit ang sweldo ay nagsusubi ang guro ng pera upang mayroong ipangkain ang batang si Allan. Nakitaan niya ng kabaitan ang bata kahit na matigas ang ulo nito noon.
Ilang taon pa ang lumipas at magtatapos na ng elementarya si Allan. Sa tulong ni Ma’am Lydia ay naging masigasig at matalino itong estudyante. Iyak ng iyak si Ma’am Lydia dahil sa sobrang galak na nadarama.
Naging anak na ang turing niya sa bata at may kaunting lungkot din na nadarama dahil aalis na ito sa paaralan.
Dalawampung taon na ang lumipas, at nagretiro na din si Ma’am Lydia sa pagtuturo. Wala na siyang naging balita pa kay Allan simula nang magtapos ito sa elementarya. Ang huling balitang natanggap niya eh lumipat na ang pamilya nito sa Maynila at doon na nag-aral ng high school.
Umaga noon habang nagdidilig ng mga alagang halaman si Ma’am Lydia ay nakaramdam siya ng pagkahilo at paninikip ng dibdib. Nagawa pa niyang makapaglakad sa loob ng buhay ngunit bigla na lamang nagdilim ang paningin niya at siya bumagsak sa sahig.
Dinala agad siya sa ospital at ipinasuri. Lumabas sa mga pagsusuri na may problema ito sa puso at nangangailangan na maoperahan sa lalong madaling panahon.
“Doc, wala naman ho kaming 100,000.00. Paanomapapaoperahan agad ang nanay ko?” lumuluhang sabi ng anak ni Ma’am Lydia.
“Mas mabuting operahan na po muna natin siya kaagad, at ayusin na lamang ang pagbabayaran pagkatapos. Baka hindi na siya makaligtas sa susunod na magkaroon muli ng atake sa puso,” pagpapaliwanag ng doktor.
“S-sige ho. Gagawa na lang po ako paraan dok,” sagot ng babae.
Napahawak na lang ang babae sa kanyang mukha habang nakatingin sa inang natutulog sa ward.
Isinagawa ang operayon ng araw ding iyon. Sobrang abala naman ang mga anak sa paghahanap ng pera ngunit kahit anong gawin nila ay kulang at kulang din ito.
Naging tagumpay naman ang operasyon at ilang oras pa ay nagising na din si Ma’am Lydia.
“Nay…” Nakangiting bati sa kanya ng anak.
“Okay lang ho ba kayo? May masakit ho ba?”
“Ayos lamang ako. Nakakaramdam lang ako ng kaunting gutom,” nakangiting sagot ng ina.
Maya-maya pa ay kumatok at pumasok na ang doktor na nakasuot ng puting mask sa kanilang kwarto. Nalungkot naman ang babae dahil napansin nitong may hawak na papel ang doktor. Marahil ay iyon ang kanilang bayarin sa ospital. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag na wala silang sapat na pambayad para rito.
“Kumusta ho kayo?” tanong nito kay Ma’am Lydia.
“Maayos naman na po ako, dok. Salamat po,” nakangiting tugon niya.
“Eto po ang gamot niyo. Nandyan na rin po ang instruksyon kung paano niyo iinumin at tamang paglilinis po ng tahi,” pagpapaliwanag ng doktor.
“D-dok…” Mahinang sambit ng anak na babae ng dating guro. “Wala ho kasi kaming pambayad pa. Hindi po sapat yung pera namin,” at pumatak ang luha ng babae.
“Wag kayong mag-alala. Bayad na po lahat,” sagot ng doktor.
Kita naman ang pagkagulat sa mukha ng mag-ina nang marinig ito.
“Pero paano po? S-sino…” Hindi maituloy ng babae ang sasabihin dahil sa sobrang pag-iyak nito ngayon.
Tumingin at doktor sa kanilang mag-ina, at kahit na hindi kita ang buong mukha dahil sa mask na suot, ay makikitang nakangiti ito dahil nakangiti ang mga mata nito.
“20 years ago po. Bayad na ng mga libreng pagkain tuwing tanghalian. Bayad na ng mga oras na inilaan upang turuan ang batang walang tiwala sa sarili. Bayad na nang magpakita ng pagmamahal sa estudyanteng hindi naman kaano-ano, at bayad na po noong magtiwala siya sa kakayanan ng kanyang mga estudyante,” paliwanag ng doktor.
Napakatakip naman ng bibig si Ma’am Lydia nang marinig ito. Nangingilid na ang kanyang luha at nanginginig ang mga kamay.
Dahan-dahan naman tinanggal ng doktor ang kanyang suot na mask.
“Ako na po ang batang iyon, ma’am. Dahil nagtiwala kayo sa kakayanan ko, eto na po ako. Isa na pong doktor,” lumuluha na rin ngayon ang doktor habang nakangiti.
“A-Allan?” Hindi makapaniwala ang dating guro sa nakikita.
Bumuhos ang mga luha ng oras na iyon.
“Maraming salamat ma’am. Ikaw ang isa naging dahilan sa aking naging tagumpay. Malaki ang utang na loob ko sayo ma’am,” lumuluhang lumapit si Allan sa kanyang guro at niyakap ito.
“Ang palaaway kong anak-anakan noon, isang ganap na doktor na. Salamat, Allan. Salamat,” hindi pa rin makapaniwala si Ma’am Lydia sa mga nagaganap.
“O wag po kayong umiyak masyado, baka makasama sa inyo yan,” pagbibiro ng doktor sa dating guro habang nakayakap pa rin ito.
“Hindi sapat ang isang milyong pasasalamat sa tiwalang ibinigay ninyo sa akin. Kayo ang unang naniwala sa akin, kaya natutunan kong magtiwala rin sa aking sarili,” umiiyak na saad pa rin ng doktor.
Hindi inaasahan ni Ma’am Lydia ang mga tagpong ito. Ang kabutihang itinanim niya sa estudyante noon, ay namunga na. Ang tiwalang ibinigay niya sa estudyante ay ang mismong naging daan upang magkaroon ito ng lakas upang abutin ang mga pangarap.
Ibang galak ang nararamdaman ng dating guro, dahil alam niyang sa bawat aral na ibinibigay niya noon, ay may nahahaplos siyang buhay. Alam niyang mas mamumunga pa ang mga kabutihang itinanim sa puso at isip ng kanyang mga naging estudyante.