Iniwan at Pinagpalit sa Iba ng Mister ang Misis na Pumangit ang Mukha Dahil sa Aksidente; Pagsisisihan Niya Pala ang Naging Desisyon

Kahit kailan ay hindi nagkamali si Jayson sa babaeng gusto niyang makasama sa habang buhay. Maganda, matalino, mabait, lahat ng katangian na hinahangad niya sa magiging asawa ay taglay na ni Belinda.

“Lalaki, tinatanggap mo ba na maging asawa ang babaeng ito?” tanong ng pari kay Jayson.

“Opo padre, tinatanggap ko po,” sagot niya.

Pagkatapos nilang maikasal ay pumunta agad sila sa kanilang honeymoon, at ang lugar kung saan nila pagsasaluhan ang unang gabi bilang mag-asawa ay sa bagong bahay na matagal na pinaghandaan ni Jayson para kay Belinda.

“Would you believe, sweetheart, wala ni kusing na ibinigay sina mama at papa sa pagpupundar ng bahay at lupa na ito? Nagmula lahat ‘yan sa sahod ko, allowance at paminsan-minsang mga sideline sa pag-aahente ng kotse,” sabi niya.

Napamangha naman ang misis niya. “Talaga? Naku, salamat sweetheart! Napakaganda ng bahay natin! Kaya pala napakahigpit mo sa pera, ‘yon naman pala’y may pinaglaanan ka,” tuwang-tuwang sabi nito.

“Alam mo mahal ko, kahit naghigpit ako ng sinturon sa loob ng isang taon, hindi naman ako nagkamali sa aking pagiging kuripot, ‘di ba? At least mayroon na akong bahay at lupa para sa iyo, sa ating magiging anak,” aniya.

“Yes, my love and you’re great for that!” pagsang-ayon ni Belinda sabay yakap sa kaniya.

Advertisement

Sa loob ng ilang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa ay naging isang magaling at responsableng mister at ama si Jayson sa kaniyang misis at sa naging anak nila.

“Ang bilis ng panahon, kailan lang ay baby pa si Sammy, pero ngayon ay ipapalista na natin siya sa eskwela. Mabuti kaya’y mag-resign na ako sa trabaho ko sa opisina at magtayo na lang tayo ng negosyo? Higit na malaki ang panhik ng pera sa atin kung magkakagayon. Malaki na naman ang ipon natin sa bangko, ‘di ba? Gamitin natin doon,” wika ng lalaki sa misis.

“Ikaw ang bahala. Kung iyan ang gusto mo eh, susuportahan kita sa binabalak mong iyan,” tugon ng babae.

‘Di nagtagal ay nakapagpatayo sila ng restawran sa tabi ng bahay nila. Hindi nga sila nagkamali, malakas ang pasok ng pera sa itinayo nilang negosyo.

“Malaki ang kita natin sa restawran, sweetheart! Madali nating mababawi ang nailabas nating pera,” tuwang-tuwang sabi ni Jayson.

“Iyan naman talaga ang inaasahan nating kita, ‘di ba? Puwede na nating itabi kahit ang kalahati para sa pagko-kolehiyo ni Sammy,” sabi ng Belinda.

Akala ng mag-asawa ay tuluy-tuloy na ang suwerte at kaligayahan nila hanggang sa dumating ang ‘di inaasahang pangyayari na gigimbal sa kanila.

Isang araw, isang tawag ang sumalubong kay Jayson.

Advertisement

“Hello, ito nga ang mister ni Belinda Ramos. Bakit po?” tanong niya sa kabilang linya.

“Pumunta po kayo rito sa ospital, naaksidente po ang asawa niyo!” sambit ng kausap.

Nagmamadali siyang pumunta sa ospital na sinabi ng nagmagandang loob na nagdala sa asawa niya roon. Naaksidente si Belinda habang patungo sa eskwela ng kanilang anak upang sunduin nang mabangga ng isang humaharurot na dyip.

Pagpasok niya sa kwarto ay bumungad agad kay Jayson ang asawa na punung-puno ng benda ang mukha.

“Don’t worry, ligtas na ang misis mo,” sabi ng doktor na naroon.

Nakaligtas nga ang asawa niya pero laking gulat niya nang matuklasang hindi na ito ang dating Belinda na pinakasalan niya dahil…

“Hindi!” sigaw ng babae nang tanggalin ng doktor ang benda sa mukha nito. Lumantad sa kanila ang napakalaking tahi sa mukha ni Belinda.

Dahil sa aksidente ay napuruhan ang magandang mukha ng babae. Laking panlulumo ni Jayson nang makita na malayung-malayo na ang mukha ng kaniyang asawa sa dating mukha nito dahil sa malaking sugat doon na magiging pilat na.

Advertisement

Nang makita nga iyon ng kanilang anak ay natakot ito. Hindi nito nakilala ang ina.

“Mama, ikaw ba ‘yan? Ba-bakit ang pangit mo na?” anito.

Walang nagawa si Belinda kundi ang umiyak na lang. Hindi niya inasahan na katatakutan siya ng sariling anak.

Kinusap ni Jayson ang doktor kung may posibilidad na bumalik pa sa dati ang mukha ng asawa.

“M-May lunas pa ‘di ba, doc? Plastic surgery?” sabi niya.

“Puwede! Maselan ang pinsala ng mukha niya. Maghanda ka ng malaking halaga para sa surgery,” sagot ng doktor.

Malaking halaga? Halos kasing laki ng inimpok ni Jayson mula noon hanggang sa kasalukuyan ang kailangan para sa plastic surgery. Saan siya kukuha ng ganoong kalaking pera? Kulang na ang ipon nilang mag-asawa para sa operasyon.

“Pati ang bahay at lupa ay kailangang maipagbili para maipandagdag sa surgery, Diyos ko po!” sambit niya sa isip.

Advertisement

Ilang gabi niyang inisip ang tungkol doon. Tama nga bang ipagbili niya ang lahat ng kaniyang naipundar para lang sa operasyon ng asawa? Babalik nga ang ganda ni Belinda, ang kapalit naman noon ay ang paghihikahos nila.

Kaya napagdesisyunan niya na…

“Mag-ipon na lamang tayo, sweetheart para sa iyong pagpa-plastic surgery. Madali namang magtabi ng pera pero mahirap nang magpundar ulit. Sana maunawaan mo ako,” paliwanag niya sa misis.

“Nauunawaan ko, mahal ko. Maghihintay na lamang akong makaipon tayo ng sapat na halaga. Ayos lang naman ako, eh,” tugon nito.

Handang maghintay si Belinda, pero sa kamalasan ay si Jayson ang nainip na muling masilayan ang ganda ng misis niya na bumihag sa kaniya noon. Unti-unti siyang nawalan ng gana kay Belinda. Hindi na nga niya ito niyayakap at hinahalikan. Kapag magkatabi sila sa kama ay palagi siyang nakatalikod dito pag natutulog sila. Ayaw niyang makita ang pangit nitong mukha. ‘Di nagtagal ay binigyang lunas ni Jayson ang kaniyang pagkainip at nagawa niyang mambabae.

“Bago ka pala dito? Bakit mo naman pinasok ang trabahong ito?” tanong niya sa babaeng bayaran na nakilala niya nang magpunta siya sa club, si Alicia.

“Kailangan kasi, eh. Parehong mangmang ang aking mga magulang at kailangang makapag-aral ang aking mga kapatid. Isa pa, hanggang table lang naman ako, ‘di pares ng iba diyan,” sagot nito.

Maganda si Alicia, kasing ganda ni Belinda noon. Matalino ring kausap ang babae, marahil kung nakumpleto nito ang pag-aaral ay higit pa itong matalino kaysa sa asawa niya.

Advertisement

“Mabait din siya. Nababakas sa kaniyang mga mata,” bulong niya sa sarili.

Mabilis na nahulog ang loob niya sa babae hanggang sa nagkaroon sila ng lihim na relasyon na humantong sa…

“Napatunayan mo sa akin na ikaw ay malinis. Ako pala ang naka-una sa iyo,” wika ni Jayson pagkatapos na may mangyari sa kanila ni Alicia sa motel.

“Sabi ko sa iyo, birhen pa ako. Never been kissed, never been touched. Ikaw ang unang lalaking umangkin sa akin,” tugon nito.

Nagtuluy-tuloy ang pagkahumaling si Jayson kay Alicia kaya hindi niya namalayan na napapabayaan na niya si Belinda.

“Ano ang nangyari sa iyo, Jayson? Bakit isang linggo kang hindi umuwi?” nag-aalalang tanong nito.

Ngunit hindi niya iyon sinagot, sa halip ay tinalikuran lang niya ang asawa kaya…

“Nagbago ka na, Jayson. Hindi ka na gaya ng dati, dahil ba ako’y…” Hindi na naituloy ni Belinda ang sasabihin sa isip dahil hindi na niya napigilan ang mga luhang dumaloy sa kaniyang mga mata.

Advertisement

Tama ang hinala ni Belinda, ‘di na nga gaya ng dati, dahil ang kapalit nga niya sa puso ni Jayson ay si Alicia na ngayon. Sa bahay na ng babae tumira si Jayson at dumating din sa punto na pati anak nila ni Belinda ay isinama niya roon.

“Parang-awa mo na, huwag mong dalhin ang anak ko!” pakiusap ni Belinda sa kaniya.

Alam na ng misis niya ang pangangaliwa niya. Hindi na siya naawa, hindi pa man ito nakakarekober sa nangyaring aksidente ay winasak niya pa rin ang puso nito.

“Isasama ko ang anak ko sa ayaw mo’t sa gusto!” pagpupumilit ni Jayson.

Walang nagawa si Belinda, nadala niya ang anak nilang si Sammy sa bahay ni Alicia. Iyak ito nang iyak, gusto nitong bumalik sa ina subalit pilit niyang ipinaunawa rito ang sitwasyon.

“Patawad, anak, pero mas gusto ko na kasi ang Tita Alicia mo kaya tanggapin mo na rin siya bilang bago mong mama. Huwag kang mag-alala, anak, may mag-aasikaso pa rin sa iyo dito,” sabi niya.

Ngunit nagkamali siya ng desisyon sa pagsama sa babae dahil habang tumatagal, nakikita niya ang tunay na pagkakaiba ni Alicia sa kaniyang asawa. Lumalabas na ang totong kulay nito.

“Hindi mo ako puwedeng asahan sa lahat ng tungkulin dito sa bahay, mapera ka bakit ‘di ka kumuha ng katulong?!” wika sa kaniya ng babae nang tanungin niya kung bakit hindi ito gumagawa sa bahay at hindi inaalagan ang anak niya.

Advertisement

At isang gabi, pag-uwi niya galing sa opisina ay naabutan niyang sinasaktan ni Alicia si Sammy.

“Huwag na huwag mo akong susuwayin ha? Iba ang panuntunan ng nanay mo kaysa sa akin. Naiintindihan mo? Subukan mong suwayin ako at malilintikan ka sa akin!” gigil na sabi ng babae.

Napagtanto ni Jayson na nagkamali siya sa pagpili kay Alicia, hindi pala ito karapat-dapat na maging ina ng kaniyang anak. Hindi ang tipo ni Alicia ang papalit kay Belinda. Laking pagsisisi niya dahil ang pagsama niya rito ay isa palang malaking kahibangan. Naisip niya na hanggang ngayon ay mahal pa rin niya si Belinda.

Kaya nagdesisyon siya na iwan na ang babae at bumalik sa kaniyang asawa. Sa pagkakataong iyon ay itutuwid niya na ang lahat.

Pagdating sa bahay nila ay laking tuwa ni Belinda nang makita sila.

“Salamat at bumalik kayo. Miss na miss ko na kayo,” lumuluhang sabi nito.

Niyakap ng mag-ama ang babae. Buong pagmamahal at pagsisisi.

“Patawarin mo ako, Belinda, kung nagkasala ako sa iyo. Naging bulag ako, hindi ko nakita ang iyong kahalagahan. Na-realize ko na ikaw pa rin ang mahal ko at hindi si Alicia. Hindi pala mahalaga ang hitsura, ang mahalaga ay ang magandang katangian na mayroon ka na hindi ko nakita sa kaniya. Pangako, aayusin ko ang nasira nating tahanan, ang ating pagsasama. Itutuwid ko ang lahat ng aking pagkakamali,” sinserong sabi ni Jayson.

Advertisement

“Napatawad na kita, Jayson. Hindi ka pa man humihingi ng tawad sa akin ay ibinigay ko na sa iyo ang kapatawaran dahil mahal kita. Kahit kailan ay hindi nawala iyon dito sa puso ko. Mahal na mahal ko kayo ng ating anak,” tugon ni Belinda.

Mula noon ay kinalimutan na nila ang mga pagkakamali sa nakaraan at mas pinagtibay pa ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Makalipas ang isang taon ay nakaipon na ng sapat na halaga si Jayson at naipa-opera na niya ang misis. ‘Di nagtagal ay bumalik sa dating ganda ang mukha ni Belinda. Sa isip ni Jayson, kung hindi man naibalik sa dati ang hitsura ng kaniyang asawa ay tanggap pa rin niya ito dahil natutuhan niya na mas mahalaga ang panloob na kagandahan kaysa sa panlabas.