Hinuthutan ng Dalaga ang Kaniyang Ateng Walang Pinag-Aralan; Ikapanlulumo Niya Kung Saan Nito Kinukuha ang Perang Binibigay sa Kaniya
Napasimangot si Luisa, tiyak niya kasing mapapahiya na naman siya. Malapit na kasi ang birthday ng isa sa mga kaibigan niya pero hindi siya makakapunta, kung suwertehin man, wala naman siyang bagong damit na isusuot.
Ulila na sila ng ate niyang si Lilibeth, ang nanay nila ay binawian ng buhay dahil sa malubhang sakit sa atay limang taon na ang nakakaraan. Ang tatay naman nila ay isang Arabo na hindi nila alam kung nasaan na, maliit pa sila nang iwan nito ang nanay nila.
“Hindi nga ako makakapunta, walang pera ang ate, mahina ang kita niya sa paglalabada,” sabi niya sa kaibigang si Tarah, tinawagan siya nito sa selpon.
“Naku, bestie, kailangang pilitin mo ang ate mo. Pupunta sa birthday ni Anna si Felix, sinabi sa akin ng pinsan niya, nagtatanong kung pupunta ka raw. Ayiie! Nakakakilig! Mukhang type ka niya. Ang suwerte mo naman, ang guwapo niya, ‘day! Kailangan mo talagang umattend, girl!” sabi nito.
Bigla namang napaisip si Luisa, kinilig siya at nasabik na pumunta, crush na crush niya si Felix na kaklase nila.
“Nakakabuwisit naman! Bakit kasi ipinanganak akong mahirap?” inis na sabi niya sa isip.
Napaisip siya, siguro naman kaunting bola niya lang sa ate niya ay bibigyan siya nito ng pera pambili ng bagong damit. Gusto niya kasing maganda at bago ang susuotin niya sa party, ayaw niyang pagtawanan na naman siya ng mga kaibigan niya at sabihing mukhang basahan ang suot niya.
“O, nakasambakol na naman ang mukha mo. Anong problema?” tatawa-tawang sabi ng Ate Lilibeth niya habang nagluluto ng hapunan.
“B-Babagsak daw po ako ng titser ko sa Chemistry kapag hindi ako nakapagpasa ng project. Ayokong bumagsak ate,” pagsisinungaling niya. Sana hindi siya mahalata, naluluha-luha pa siya habang nagsasalita.
“Eh, magkano ba ang kailangan mo? Gagawa ako ng paraan,” wika ng ate niya.
“Tatlong libo, ate, kasi mahal ‘yung mga materyales na bibilhin, eh,” aniya. Napapangiti siya nang lihim, parang napapaniwala niya na ang uto-uto niyang kapatid. Palibhasa ay hindi ito nakatapos man lang ng elementarya kaya ang kinabagsakan ay pagiging labandera lang.
Kinaumagahan ay inabot nito sa kaniya ang tatlong libong hinihingi niya. Napayakap si Luisa habang lumuluha sa ate niya, ang galing niya talagang umarte, iyak-iyakan siya pero iyon ay luha ng kaligayahan. Ang saya-saya niya dahil makakabili na siya ng bagong damit. Dalawang libo lang ang nakita niyangmagandang dress sa mall, pinasobrahan na niya ng isang libo para may pangkain siya. ‘Di ba, ang galing niya?
“Thank you, thank you, Ate Lilibeth! Ikaw talaga ang best ate ever!” sabi niya.
Malungkot na ngumiti ang kapatid niya at tumango. Napansin din niya na medyo namumugto ang mata nito pero ‘di na niya iyon pinansin. Ang mahalaga sa kaniya, makabili siya ng magandang damit at makapunta sa birthday ng kaibigan niya.
Mabilis na nagdaan ang mga araw, nawiwili si Luisa sa kahihingi ng pera sa ate niya. Bawat hiling niya ay may naiaabot naman sa kaniya ang kapatid.
Isang umaga, nagising si Luisa sa malakas na sigaw ng kapitbahay niyang si Aling Tisya. Napabalikwas siya ng bangon at dali-daling lumabas sa maliit nilang barung-barong.
“Luisa, Luisa! Ang Ate Lilibeth mo, bilis!” natataranta nitong sabi.
Halos lumipad na sila ng ale katatakbo hanggang sa marating nila ang plaza. Nakita niya ang Ate Lilibeth niya na sinasabunutan ng isang babae habang kinakaladkad sa kalsada. Pinagtitinginan ng mga tao ang kapatid niyang na pinapahiya ng galit na galit na babae.
“Iyan ang bagay sa iyo, walanghiya kang babae ka! Malandi, haliparot, kerengkeng!” sabi ng babae.
Pinilit niyang umawat pero sadyang malakas ang babae at pati siya ay pinagsasampal nito. Maya maya ay dumating na ang mga pulis at lahat sila ay dinala sa presinto. Nanlumo siya nang marinig ang pahayag ng nagwawalang babae.
“Sir, bakit pati ako ay hinuli ninyo? Iyang babaeng ‘yan ang dapat na ikulong ninyo, nahuli ko ‘yan na nakikipaglampungan sa asawa ko sa mismong pamamahay ko!” anito.
Bukod sa kanila ay may dumating pang isang babae na inirereklamo rin nito.
“Ikulong niyo rin ang isang ‘yan, kasabwat ‘yan ng walang hyang na ito!” sabi ng babae na itinuro ang bagong dating na kilalang bugaw sa lugar nila, si Aling Delilah.
“Sir, huwag niyo naman po akong ikulong! Labas na ako diyan! Siya ang unang lumapit sa akin!” nangangatog na sabi ng may edad na ginang sabay turo sa ate niyang si Lilibeth.
“Sige, ano ba talaga ang nangyari?” seryosong tanong ng isang pulis.
Pilit na kinalma ng babae ang sarili, tahimik na nakikinig naman si Luisa sa isang gilid.
“Lumapit sa akin iyang si Lilibeth dahil kailangan raw ng pera ng kapatid niya na gagamitin sa eskwela. Hindi naman siya bobo, alam naman niya na nambubugaw ako. Maganda naman siya kaya inalok ko na kumuha ng kustomer. Hindi ko naman akalain na ang magiging kustomer niya ay ang mister nitong si Loida,” nakatungong sabi ng ale.
Nanlambot si Luisa sa natuklasan niya. Gusto niyang magalit at kamuhian ang sarili. Nagbenta ng katawan ang kapatid niya para lang sa luho niya.
Nadaan naman sa pakiusapan ang lahat, lumuhod pa siya sa harap ni Loida para iurong nito ang reklamo laban sa ate niya, ipinaliwanag niya kung bakit nagawa iyon ng kapatid niya. Nakaramdam naman ng awa ang babae at mga pulis sa kalagayan nilang magkapatid kaya pinatawad na nito ang ate niya at pinauwi na sila. Nakulong naman ang bugaw na si Aling Delilah para hindi na ito makapangbiktima pa ng ibang kababaihan.
Paulit-ulit namang humingi ng tawad si Luisa sa ate niya.
“Ate, sorry sa lahat! Napakasama ko,” hagulgol niya saka inamin ang mga panloloko niya rito.
Niyakap siya nito. “Pinapatawad na kita, bunso. Mahal na mahal ka ng ate,” naluluha ring sabi nito.
“Salamat, ate,” aniya at nangako na habangbuhay niyang mamahalin at iingatan ang kapatid niya, tulad ng pag-aalaga at pagmamahal nito sa kaniya.
Kinalimutan ng magkapatid ang nakaraan at itinuloy ang buhay na magkasama. Nakapagtapos ng pag-aaral si Luisa at nakahanap ng magandang trabaho. Pinag-aral din niya ang ate niya hanggang sa kolehiyo. Ngayon ay pareho na silang matagumpay sa karerang tinahak nila.