Inday TrendingInday Trending
Pinagtangkaang Lapastanganin ng Nobyo ang Babae sa Gubat; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Tutulong sa Kaniya

Pinagtangkaang Lapastanganin ng Nobyo ang Babae sa Gubat; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Tutulong sa Kaniya

Tahimik na nakatanaw sa malayo si Andrea nang lapitan siya ng nobyong si Gavin at niyakap siya. Napapitlag naman siya nang maramdaman ang mahigpit na pagkakahawak nito sa kaniyang baywang.

“O, nakatulala ka na naman diyan,” sabi ng lalaki.

“P-Pasensya na, may naalala lang ako,” sagot niya. Limang taon na kasi ang nakakaraan nang pumanaw ang kaniyang asawang si Dominic. Inaamin niya sa sarili na hanggang ngayon ay mahal na mahal niya pa rin ang mister. Siguro nga ay mahina siya dahil ayaw niyang naiiwang mag-isa, kaya nga nang manligaw sa kaniya ang kasamahan niya sa trabaho na si Gavin ay sinagot niya agad ang lalaki sa pag-aakalang makakatulong iyon para makalimutan niya ang yumaong asawa, para maging masaya ulit at para maka-move on sa masakit na nangyari noon.

Habang dumadaan ang mga araw at nakikilala niya si Gavin ay naikukumpara niya ito kay Dominic. Kabaligtaran kasi ang ugali nito sa mister niya, may pagkamakasarili ang lalaki, mainitin ang ulo, maikli ang pasensya at higit sa lahat, napaka-seloso. Kagaya ngayon, alam nito na ang asawa na naman niya ang laman ng utak niya.

“Iniisip mo na naman ang asawa mo, ano? Wala na na ‘yon, matagal na iyong nakabaon sa lupa!” sabi nito.

Bago pa nakasagot si Andrea ay nakarinig sila ng sigawan ng mga tao sa lobby ng hotel kung saan sila naroon ngayon. May importanteng meeting si Andrea sa mga kliyente niya sa opisina sa Cebu kaya kasalukuyan silang naka-check in sa hotel doon, dahil nga ayaw ni Gavin na lumalakad siyang mag-isa ay sumama ito sa kaniya. Pero ngayon ay tila nagkakagulo ang mga taong naroroon sa ‘di niya malamang dahilan. Mayamaya ay tinakpan ni Gavin ng panyo ang ilong niya, may nalanghap siyang kakaiba kaya ‘di niya naiwasan na mawalan ng malay.

At sa pagmulat ng mga mata ni Andrea, nakita niya na wala na sila sa hotel. Inilinga niya ang mata at laking gulat niya na nasa liblib na lugar sila sa kakahuyan. Puro matataas na puno lang ang nakikita niya sa paligid. Sa tabi niya ay ang nakaupong si Gavin, nakatitig ito kaniya.

“A-Anong nangyari? N-nasaan tayo, Gavin?” tanong niya. Nakakaramdam pa rin siya ng kaunting hilo dahil sa nalanghap niya kanina. “Naalala na niya, tinakpan ni Gavin ng panyo ang ilong niya kaya siya nawalan ng malay. May ipinasinghot ito sa kaniya.”N-Natatandaan ko na, may ipinaamoy ka sa akin kaya ako nawalan ng malay. Bakit mo ginawa iyon? At nasaan ba talaga tayo? Anong nangyari sa hotel?” sunud-sunod niyang tanong.

Napahalakhak ang lalaki.

“Tama ka, Andrea. May ipinaamoy nga ako sa iyo kaya madali kitang nadala rito sa gubat. Mabuti na lang at nagkagulo sa hotel kanina dahil nagkaroon ng sunog kundi ay hindi ako magkakaroon ng pagkakataon na maisagawa ang balak ko sa iyo,” wika ni Gavin.

Binalot ng takot ni Andrea, iba ang galit na nakikita niya kay Gavin ngayon. Hinablot pa ng lalaki ang braso niya.

“Kahit ako na ang kasama mo’y ang mister mo pa rin ang iniisip mo. Hanggang kailan mo ba ipapamukha sa akin na siya pa rin ang mahal mo?!” gigil nitong sabi.

Nararamdaman ni Andrea na humihigpit ang pagkakahawak nito sa kaniya. Bumabaon na ang mga kuko nito sa kaniyang balat.

“Bitiwan mo ako, Gavin! Bakit ka ba nagkakaganyan ha? ‘Di ba, sinagot na kita, girlfriend mo na ako, so ano pa ang gusto mo?” tanong niya.

Napailing ang lalaki. “Oo nga, girlfriend na kita, pero nararamdaman ko na hindi mo buong-buong ibinibigay sa akin ang puso mo. Ang asawa mo pa rin na yumao sa sakit ang nasa puso’t isip mo. Ano bang meron siya na wala ako?” inis na sabi ng lalaki.

Sa sinabing iyon ni Gavin ay muling bumalik sa alaala ni Andrea ang paghihirap ng kaniyang mister bago ito bawian ng buhay. Totoo ang sinabi ng lalaki, yumao ang asawa niya dahil sa malubhang sakit.

Katatapos lang niyang magbihis, pupunta siya sa ospital kung saan naroon ang mister nang makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang mga biyenan. Umiiyak ang mga ito sa kabilang linya, kailangan na raw niyang magmadali, inaantay na raw siya ni Dominic.

Pagpunta niya roon ay naabutan niya ang biyenan niyang babae na hawak-hawak ang kamay ng kaniyang asawa na nanghihina na dahil sa sakit na Leukemia.

“N-Narito na po ako,” nanghihinang sabi niya.

“Hinahanap ka niya, hija, baka raw hindi na magtagal sabi ng doktor,” humihikbing bulong nito. Lumabas muna ito sa kwarto at iniwan siya. Hinarap niya ang mister, kahit na hirap na hirap na ito sa sakit ay mababakas pa rin ang gwapong mukha. Tandang-tanda niya pa noong ikinasal sila. Tatlong taon pa lamang ang nakakalipas, bumubuo pa lamang sila ng pamilya. Balak na sana nilang magkaroon ng anak nang matuklasn nila na malubha na ang sakit ng mister.

Nilapitan niya ang asawa at hinawakan ang kamay nito, pinilit naman ni Dominic na ngumiti.

“A-asawa ko.”

Napangiti siya at pasimpleng tinapik ito sa braso, “Hello, Sergeant Dominic Regalado, ang pinakamamahal kong mister,” bati niya rito, isang alagad ng batas ang asawa niya. Bagamat wala na ang katikasan ng katawan nito dahil payat na payat na at nagupo na ng karamdaman.

“H-Hindi na siguro ako magtatagal. Huwag kang malulungkot ha? Ayaw ko na nalulungkot ang pinakamamahal kong misis, mas maganda kung palagi kang nakangiti,” hirap na hirap na sabi nito.

“Paano pa ako ngingiti kung iiwan mo rin lang ako? Hindi ko makakaya na mawala ka sa akin, Dominic, hindi ko kaya,” sagot niya saka napahagulgol na.

Hinawakan ng mister ang kaniyang kamay. “Hindi naman ako mawawala, eh, palagi akong nariyan sa puso at isip mo, mahal ko. Palagi kitang babantayan, anumang oras, pangako,” sabi ng lalaki bago ito mawalan ng hininga at tuluyang pumanaw.

Bumalik ulit sa kasalukuyan ang gunita ni Andrea, ngayon ay kitang-kita niya ang matalim na mga tingin ni Gavin sa kaniya.

“Kung hindi magiging akin ang puso mo, titiyakin kong magiging akin ang katawan mo. Pagsasawaan muna kita pagkatapos ay isusunod na kita sa asawa mo sa hukay,” sabi ng lalaki.

Takot na takot si Andrea nang lapitan na siya ni Gavin at akmang gagawan na siya ng masama nang biglang may dumating na mga pulis.

“Subukan mong ituloy ‘yan, mananagot ka sa amin!” sigaw ng isang pulis na may hawak na baril na nakatutok kay Gavin.

Mabilis na nadakip ng mga awtoridad ang lalaki. Akala ni Andrea ay tuluyan na nitong mawawasak ang puri niya at muntik pa siyang tuluyan ng walanghiyang nobyo. Nanginginig pa rin siya hanggang sa dalhin na siya ng mga pulis sa istasyon ng mga ito.

“Maraming salamat,” sabi niya sa isa sa mga pulis na nagligtas sa kaniya.

“Wala pong anuman, ma’am. Tiyak na nag-aalala na ang asawa niyo. Ang sabi niya kasi ay nagkaroon ng sunog sa hotel kung saan kayo naka-check in tapos ay may kumidnap sa inyo at dinala kayo rito sa gubat. Tinawagan niyo raw po siya sa selpon kaya pinapunta niya kami rito para iligtas kayo,” sabi ng lalaki.

“A-Ano?” naguguluhang tanong ni Andrea. Eh, wala naman siyang dalang selpon at sino ang tinawagan daw niya?

“Ah, may tumawag po kasi sa amin, sinabi ang eksaktong lokasyon niyo. Ang sabi niya bilisan daw namin at nasa panganib ang asawa niya. Tinawagan niyo raw po siya, humihingi raw po kayo ng tulong,” paliwanag ng pulis.

“Eh, sino raw po ‘yung tumawag sa inyo?” gulat na tanong niya.

Saglit na nag-isip ang lalaki, tila ba inaalala ang pangalan, bago nagsalita.

“Si Sergeant Dominic Regalado po ma’am,” nakangiting sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Andrea, hindi siya makapaniwala sa sinabi ng pulis.

“Napakaswerte niyo po sa inyong mister, ma’am. Mahal na mahal niya po kayo,” saad pa nito.

Napahawak naman sa dibdib niya si Andrea, paano nangyari iyon? Napakalaking hiwaga naman ng nangyari pero napagtanto niya na tinupad ng kaniyang mister ang sinabi nito bago bawian ng buhay: “Hindi naman ako mawawala, eh, palagi akong nariyan sa puso at isip mo, mahal ko. Palagi kitang babantayan, anumang oras, pangako.”

“Salamat, mahal ko, salamat,” lumuluha niyang bulong sa sarili.

Naisip niya na kuntento na siya, hindi na niya kailangan pa ng ibang lalaki para punan ang pagkawala ng kaniyang asawa dahil alam niya namang nasa tabi niya lamang ito palagi. Napatunayan niyang kahit kailan ay walang makakapantay kay Dominic sa puso niya.

Mula noon ay namuhay na siyang mag-isa pero masaya dahil alam niyang binabantayan siya ng kaniyang mister saan man siya magpunta. Samantala, si Gavin naman ay mabubulok na sa kulungan dahil sa masama nitong tangka sa kaniya. Pagsisihan man nito ang ginawa sa kaniya ay huli na.

Advertisement