Inday TrendingInday Trending
Pakikipag-Videocall sa ‘Kano ang Trabaho ng Dalaga Para Kumita ng Malaking Pera; Laking Gulat Niya Nang Sabihin ng Kapatid Niyang Babae na Siya ang ‘Inspirasyon’ Nito

Pakikipag-Videocall sa ‘Kano ang Trabaho ng Dalaga Para Kumita ng Malaking Pera; Laking Gulat Niya Nang Sabihin ng Kapatid Niyang Babae na Siya ang ‘Inspirasyon’ Nito

Ulila na sa mga magulang si Mishka. Sumakabilang buhay ang nanay at tatay niya sa isang aksidente dalawang taon na ang nakakaraan. Naiwan sa pangangalaga niya ang tatlo niyang kapatid na maliliit pa, may sakit pa sa puso ang bunso kaya doble ang bigat na nakaatang sa kaniya.

Sa edad na beinte singko anyos ay pinili niyang huminto sa pag-aaral sa kolehiyo at kumayod para buhayin ang mga kapatid. Lahat na yata ng trabaho ay ginawa niya mapag-aral lang ang mga ito, ‘di bale na siya ang mapag-iwanan tutal ay madali lang naman bumalik sa eskwela lalo na kapag may pera kaya mag-iipon muna siya. Pero ang kinikita niya sa araw-araw ay hindi sapat para sa kanila. Sa gamot pa lang ng kapatid niyang si Mona ay kulang na, kaya napilitan niyang ibenta ang sarili para kumita ng mas malaking halaga.

Noong una niyang gawin ang pagiging adult entertainer, halos mandiri siya sa kaniyang sarili. Hindi rin siya makatulog sa gabi kapag naiisip niya ang ginawa sa kaniya ng una niyang kustomer pero nilunok niyang lahat iyon para sa mga kapatid niya. Mas importante na nakakakain ang mga ito ng masarap, nakakapag-aral at higit sa lahat kumpleto sa gamot at vitamins ang kapatid niyang may sakit sa puso.

Ngayon ay bihasa na siya sa ganoong kalakaran pero naisip niya na imbes na patuloy siyang magpagalaw sa mga kustomer ay magbi-videocall na lang siya tapos ay magpe-perform sa harap ng kompyuter at aaliwin ang mga ito. Ang mga parokyano niya ay mga matatandang lalaking foreigner na karamihan ay ‘Kano.

“Mishka, bagong gupit a! Talagang nagpapaganda ka ha? Siguradong maglalaway na naman sa iyo niyan si Johnson, ayun nasa komputer na at naghihintay,” wika ng kaibigan niyang si Maritoni na tulad niya ay entertainer din at kasama niya sa pagbi-videocall. Sa bahay nito nila ginagawa ang pagbebenta ng aliw.

“Naku, alam mo na, kakanta daw sa school ang kapatid kong si Mona, dapat daw naka-kostyum kaya ito kailangang rumaket ng ate,” sagot niya.

“O, kaya bilisan mo na! Atat na atat na ‘yung ‘Kano sa iyo. Miss na miss na noon ang malaki mong…” natatawang sabi ni Maritoni.

Nagmamadali siyang pumasok sa kwarto, hinarap ang matandang ‘Kano na nakatanghod sa kamera.

“Hello, Johnson, I miss you, darling!” bati niya. Napangiti ang ‘Kano habang minamasdan ang katawan niya.

“I miss you too, my lovely dear. Let’s start,” sabi nito.

Napailing siya. “Oh, before that…I wanna see big banana,” pambobola niya.

Tumugon naman ang matanda at ipinakita ang gusto niya.

Kitang-kita niya na halos lumuwa ang mata ng ‘Kano sa maganda niyang katawan. Sinimulan na niya ang kaniyang trabahong magbigay-aliw.

Makalipas ang isang oras ay natapos rin ang ginagawa niya. Kulang na nga lang ay pati kaluluwa niya ay ipakita niya sa matandang kustomer. Nakuha rin niya sa araw na iyon ang bayad ng ‘Kano, napamura pa siya dahil napakalaki ng ibinayad nito sa kaniya. Dapat lang, ginalingan niya talaga ang performance para sa datung. Pagkatapos na makuha ang pera ay dumiretso agad sa mall si Mishka para bumili ng costume para sa kapatid niya.

Kinaumagahan, masayang sinamahan ni Mishka ang kapatid sa eskwela. Suot na nito ang costume na nabili niya. Foundation day kasi sa eskwelahan at kakanta ang mga piling estudyante at isa ang kapatid niya. Mahusay kumanta si Mona kaya palagi itong napipili ng mga guro na kumanta pag may mga programa.

Pagdating nila, napansin niya agad na nakatingin sa kaniya ang mga magulang na naroon. ‘Di naman kasi lingid sa mga ito ang trabaho niya, wala namang naililihim sa lugar nila, mga tao pa naman sa kanila ay mga tsismoso’t tsismosa. ‘Di na lang niya pinansin ang mga mapanghusgang matang nakatingin sa kaniya.

Isa-isang tinawag sa entablado ang mga batang kakanta, maya maya ay nagsimula na ang programa. Tuwang-tuwa ang mga magulang na nanonood lalo na si Mishka na proud na proud sa kapatid niya na kahit may karamdaman ay buong sigla pa ring ipinapakita ang talento nito. Pagkatapos kumanta ang mga bata ay masigabong palakpakan ang narinig sa buong eskwelahan.

“Ang gagaling n’yo naman! May tanong ako sa inyo mga bata ha? Dahil ang huhusay ninyong kumanta, sino ba ang inspirasyon ninyo?” tanong ng gurong host.

Isa-isang tinanong ng guro ang mga estudyanteng kumanta at nang si Mona na ang tatanungin ay tumayo pa talaga si Mishka at pumalakpak.

“Kapatid ko ‘yan! Kapatid ko ‘yan!” sigaw niya.

“Hi Mona, sino ang inspirasyon mo sa pagkanta?” tanong ng babaeng guro.

Bago sumagot ay ngumiti muna ito.

“Ang inspirasyon ko ay ang aking ate, si Ate Mishka,” sabi nito.

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Mishka sa sinabing iyon ng kapatid niya.

Napuno ng bulungan ang buong paligid. Dinig na dinig niya ang tsismisan ng mga magulang na naroon.

“Katulad ng ate niyang malandi!” sabi ng isa sa mga nanay.

“Pag laki niyan magagaya rin ‘yan sa kapatid niyang hmmm!” sabad ng isa.

Ilan lang iyon sa masasakit na narining niya. Gusto niyang pigilan ang kapatid, tama nang siya nalang ang mapahiya, huwag lang ito.

Tuluy-tuloy sa pagsasalita si Mona, pero sa sumunod na sinabi nito ay hindi na niya napigilan ang sarili, napa-iyak na siya.

“Inspirasyon ko po ang aking ate dahil gusto ko pong maging katulad niya, isang mapagmahal, maalaga at matatag na tao. Kahit po wala na kaming mga magulang, kinakaya niyang mag-isang itaguyod kaming mga kapatid niya. Kung anu-anong trabaho ang pinapasok niya…kahit ‘yung sinasabi ng iba na ‘hindi magandang trabaho’. Siguro nga hindi maganda at nakakahiya ang trabaho ng ate ko, pero hindi po siya masamang tao. Kaya lang po niya iyon ginagawa ay dahil sa aming mga kapatid niya, dahil mahal na mahal niya kami. Husgahan man siya ng mga tao, hinding-hindi magbabago ang tingin ko sa kaniya, para sa akin siya ang best ate at hinding-hindi ko siya ipagpapalit sa iba,” hayag ni Mona sa lahat.

Hindi makapaniwala si Mishka na iyon ang lalabas sa bibig ng kapatid niya. Hindi niya rin akalain na may ganoon itong kaisipan para maunawaan ang mga bagay-bagay. Matalino talaga ito.

Pagkatapos noon, hindi rin niya inasahan na may mga taong papalakpak sa kapatid niya. Napahanga nito ang mga guro at ibang magulang na naroon. May iba na nagtaas pa rin ng kilay pero mas marami ang nakaintindi sa kanila.

Mula noon ay napagtanto ni Mishka na dapat na niyang ihinto ang ginagawa. Itinigil na niya ang dating trabaho at naghanap siya ng iba na kahit maliit ang kita ay pinagtiyagaan niya, ang mahalaga ay marangal na hanapbuhay.

Lalong naging mas malapit ang magkakapatid sa isa’t isa. ‘Di nagtagal ay nakapagtapos ang mga kapatid niya sa pag-aaral at nakakuha ng magagandang trabaho. Bilang ganti sa lahat ng pagsisikap at sakripisyo niya ay siya naman ang pinag-aral ng mga ito. Itinuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha siya ng kursong Accountancy.

Hindi kailanman nagsisisi si Mishka sa naging desisyon na iwan ang maruming trabaho dahil ngayon ay wala na siyang mahihiling pa, maganda na ang buhay ng mga kapatid niya.

Advertisement