Inday TrendingInday Trending
Natakot ang Dalaga Nang Ibenta Siya ng Tiyahin sa Maperang Kustomer; Kinilig Siya Dahil Napaka-Guwapo Pala Nito

Natakot ang Dalaga Nang Ibenta Siya ng Tiyahin sa Maperang Kustomer; Kinilig Siya Dahil Napaka-Guwapo Pala Nito

“Sa susunod, mag-iingat ka, marami pa namang mandurukot dito sa lugar na ‘to,” sabi ng pitong gulang na si Apple.

Napabuntung-hininga naman ang walong taong gulang na si Jokjok. Mabuti na lang at hindi nanakaw ang antigong kwintas na hugis puso na nakasabit sa leeg niya. Bigay pa kasi ito ng namayapa niyang ina.

Muntik na kasing makuha ng binatilyong mandurukot ang kwintas ng bata, mabuti na lang at dumating si Apple at kinagat nito sa braso ang mandurukot. Marami ring tao sa paligid kaya hindi sila nagantihan nito at kumaripas na lang ng takbo.

Dahil sa nangyari ay naging malapit ang dalawa. Dayo lang si Jokjok sa probinsya nina Apple. Naroon ang bata kasama ang ama nito para magbakasyon. Mula noon ay naging magkaibigan na sila at palaging naglalaro.

“Wow, flight sterwardess pala ang gusto mo sa paglaki mo!” manghang sabi ng batang lalaki. “Edi gusto mo palang makasakay ng eroplano?” tanong pa nito.

“Oo sana, kaso mukhang malabong mangyari, eh,” malungkot na sagot ni Apple.

“Bakit naman?”

“Sabi ng tita ko, wala raw mararating ang tulad naming mahirap kaya gaya niya ay magbebenta na lang daw ako ng laman,” inosenteng sabi niya.

Napakunot naman ang noo ni Jokjok, halatang ‘di alam ang sinasabi niya. Palibhasa ay anak mayaman. Ang papa lang nito ang kasama at isang yaya. Mabuti nga at pinapayagan itong makipaglaro sa kaniya kahit mukha siyang gusgusin.

“A-anong benta ng laman?” nag-iisip na tanong ng kalaro.

“Basta, hindi ko rin alam, eh. Palagi lang sinasabi sa akin iyon ng Tita Celia ko pero hindi ko naman maintindihan,” aniya.

Pero ‘di akalain ni Apple na iyon na ang huling beses na makakausap at makakalaro niya si Jokjok, dahil tapos na ang pagbabakasyon ng mga ito sa probinsya nila. Babalik na ito sa Maynila para mag-aral. Sa pag-alis nito ay labis siyang nalungkot, wala na siyang malapit na kaibigan. Wala ang makikinig sa mga kwento niya. Mami-miss niya talaga ito dahil sa lahat ng batang nakilala niya ito lang ang kakaiba dahilmukha itong Amerikano. Kung hindi nga lang ito matatas sa pananagalog iisipin niyang ‘Kano talaga ito.

Makalipas ang maraming taon, beinte kwatro anyos na siya. Wala pa ring nagbabago sa buhay niya, mahirap pa rin siya at kasama pa rin ang kaniyang tiyahing si Celia na isang bugaw.

“Sa wakas, mapapakinabangan ko na rin ang anak ng kapatid kong kerengkeng!”

Dinig na dinig ni Apple ang malakas na sigaw ng tiyahin niya. Tuwang-tuwa ito. Dali-dali siya nitong pinuntahan sa kwarto at hinila siya sa braso.

“Bumangon ka riyan at magbihis ka! Suotin mo itong mga binili kong mga damit at may kustomer ka!” sabi nito.

“A-ano po?”

“Anong ano ka diyan? Ito na ang takdang araw para makadelihensiya naman ng ako ng malaki-laking kwarta. Aba, hindi kita pinalaki, binihisan at pinalamon para walang mapala sa iyo! Iniwan ka sa akin ng malandi mong nanay na nagpabuntis lang sa jeepney drayber niyang boyfriend noon tapos ay niloko lang din naman. Pagkatapos noon ay nabalitaan kong sumama naman siya sa Arabo at kahit kailan ay hindi na bumalik dito sa Pilipinas. Wala na nga akong balita sa kaniya eh, pero akala ba ng magaling kong kapatid na ganoon na lang iyon? Nagkakamali siya dahil ikaw ang gagawin kong pambayad-utang sa mga nagastos ko sa pagpapalaki sa iyo. At ngayon na iyon, kaya hala magbihis ka na at magpaganda ka para sa una mong kustomer,” sabi ng Tiya Celia niya.

Dumating na nga ang kinatatakutan niya, ito na ang sinasabi noon ng tiyahin niya na magbebenta na siya ng laman. Nakakapangilabot mang pakinggan pero wala siyang magagawa, ito na ang kapalaran niya.

Akala niya noon ay mahal siya ng Tiya Celia niya dahil kinupkop siya nito nang biglang mawala sa buhay niya ang tunay niyang ina pero hindi. Kahit kailan ay hindi siya nito itinuring na pamangkin. Hindi rin siya nito pinag-aral, ang sabi nito ay sayang lang daw ang pera, mas mabuti na maging bayaran na lang siya para makapagtanaw ng utang na loob sa babae. Gusto niyang tumakas pero wala naman siyang mapupuntahan. Masakit man, tinanggap niya na sa sarili na iyon na ang kahihinatnan ng buhay niya.

Pagkatapos niyang magbihis ng napaka-ikling damit na halos kita na ang kaluluwa niya ay pinagmamadali siya nitong pinalabas ng kwarto dahil malapit na dumating ang unang kustomer niya.

Ilang sandali nga ay may kumatok na sa pinto. Nang buksan iyon ng kaniyang tiyahin ay agad nilang sinalubong ang bisita. Nakatungo lang siya, hindi niya ito tinitingnan.

“Good morning, sir! Mabuti naman at dumating na kayo. O, tingnan mo sir, maganda ito, maputi, malusog ang dibdib, at higit sa lahat, birhen na birhen pa ‘yan, tinext ko na sa iyo kanina ang presyo niyan. Jackpot na jackpot ka diyan, sir,” sabi ng tiyahin.

“Singkwenta mil, ‘di ba, per night?” tanong nito sa baritonong tono.

“Yes, sir. Sulit na sulit na ‘yon,” sagot ni Celia.

“Pwede ba na one month?” tanong ulit ng lalaki.

Hindi napigilan ni Apple na mapatingala sa sinabi ng kustomer na one month. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mukha nito.

“Ang guwapo!” sambit niya sa isip.

Ang akala niya ay matandang uugud-ugod na pangit ang kustomer niya pero hindi, batang-bata ang lalaking kaharap nila, artistahin ito at mukhang foreigner. Titig na titig ito sa kaniya.

Mabilis na nagkabayaran sa harapan niya ang dalawa. Ang tiyahin niya ay abot tainga ang ngiti ng mahawakan ang malaking halaga ng pera. Niyaya na siya ng lalaki na sumakay sa magara nitong kotse at tuluyan na silang umalis.

Dinala siya ng guwapong kustomer sa bahay nito na napakalaki at napakaganda. Mansyon ‘ika nga.

“Kevin,” pakilala nito at inilahad ang kamay. Nahihiya pa nga siya na tanggapin iyon.

Kinakabahan siya nang dalhin siya ng lalaki sa kwarto nito. Akala niya ay kukunin na nito ang kaniyang pagkababae na matagal niyang iningatan pero mali siya, hindi siya nito ginalaw at sa halip ay tinabihan lang siya nito sa kama at nakipagkwentuhan. Tinatanong nito kung ano ang naging buhay niya mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Sinabi naman niya rito ang totoo, ang lahat ng pinagdaanan niya sa kaniyang tiyahin.

Lumipas ang mga araw na iyon lang ang palagi nilang ginagawa, ang magkuwentuhan at walang ibang nagaganap sa kanila. Iginagalang siya ng lalaki.

Habang tumatagal ay unti-unting nahuhulog ang loob ni Apple kay Kevin lalo pa at napakabuti nito sa kaniya kaya isang gabi, niyaya niya itong uminom sila. Sinadya niya talagang lasingin ang lalaki para akitin ito. Nang lango na sa espiritu ng alak si Kevin ay agad niya itong niyakap at hinalikan.

“Kiss me, hug me, Kevin,” bulong niya sa lalaki.

Dahil wala na rin sa tamang katinuan si Kevin ay madali itong nahulog sa pang-aakit niya. Binuhat siya nito papunta sa kwarto at inihiga siya sa kama. Doon niya isinuko kay Kevin ang kaniyang sarili. Alam niyang hindi na siya makakaramdam ng ganoon kaya susulitin na niya na kasama ito dahil kinabukasan ay ang huling araw niya sa bahay nito. Tapos na ang pananatili niya roon dahil tapos na ang isang buwang kontrata na binayaran nito sa tiyahin niya.

Kinaumagahan, narinig niyang tumunog ang selpon ni Kevin kaya dali-dali itong bumangon sa kama para sagutin ang tawag. Nang mapagsino kung sino ang nasa kabilang linya ay lumabas ito sa kwarto. Dahil sa kuryosidad ay sinundan niya ang lalaki at laking gulat niya nang marinig ang sinasabi nito sa kausap.

“Hello, Francine? ‘Di ba sabi ko sa iyo sa text ko kagabi ay tatawagan na lang kita? Mamaya na tayo mag-usap, bye!” sabi ni Kevin sa kabilang linya saka mabilis na ibinaba na ang tawag.

Maya maya ay pumasok ang lalaki sa banyo, naiwan nito ang selpon sa ibabaw ng mesa. Ewan ba niya, pero pinakialaman niya iyon at tiningnan ang mga mensaheng naroon. Biglang nangilid ang mga luha niya sa kaniyang nabasa.

“Hi, darling! Kailan ka ba uuwi dito? Miss na miss na kita, eh. Nga pala may surprise ako sa iyo, i’m pregnant, magiging daddy ka na!”

Ang text na iyon ay galing sa babaeng kausap ni Kevin kanina, si Francine.

Grabe ang tigib ng luha ni Apple. Hindi niya akalaing magiging ganoon kasakit. Ano ba ang inaasahan niya? Na magugustuhan din siya ng binata? Na iaahon siya nito sa putik na kinasasadlakan niya? Na mamahalin din siya nito? Asa pa siya!

Mas masakit tanggapin na may babae na sa buhay nito at magkakaanak na pala ito. Wala siyang pag-asa kay Kevin.

Tutal ay tapos na rin naman ang kontrata niya rito, nagdesisyon siyang umalis na sa bahay nito. Kahit kailan ay hindi na siya babalik doon, kakalimutan na niya ang lalaki dahil iyon ang nararapat.

Pagbalik niya sa kaniyang tiyahin ay minura pa siya nito. Bakit hindi pa raw niya inaya ang lalaking ibahay siya, mapera naman ito. Ang sabi na lamang niya ay kusa siya nitong pinaalis dahil darating ang asawa nito. Hindi nga niya alam kung asawa ba ‘yung Francine o girlfriend basta kung sino man itong Poncio Pilato ay wala na siyang pakialam.

Nang sumunod na araw, pinagbihis na naman siya ng kaniyang Tiya Celia dahil may kustomer na naman daw siya. Paglabas niya sa kwarto ay naroon sa salas ang matandang kustomer na kanina pa naghihintay sa kaniya.

Nangilabot ang buo niyang katawan nang makita ang matabang lalaking matanda, napapanot na ang ulo at ubod pa nang itim. Nakaupo sa sofa ang matanda na hindi maalis ang pagkakatingin sa kaniya.

“Mr. Sichon, ito ang sinasabi ko sa iyong babae, materyales fuertes, ‘di ba? Paliligayahin ka nitong alaga ko!” nakangiting sabi ng babae na hinila siya palapit sa matanda.

“Wow, ang ganda at ang seksi! Come here, baby…come here!” naglalaway na sabi ng matanda.

Hinila nito ang kaniyang braso palapit sa katawan nito, ngayon ay yakap-yakap na siya ng matanda na sabik na sabik na.

“B-bitiwan mo ako!” pagpupumiglas niya.

“Don’t worry, baby…I pay more money…please kiss me and hug me!” anito na akmang hahalikan na siya sa labi ngunit biglang may tumulak ng pinto. Napahinto ang matanda sa pag-atake sa kaniya, nagulat din ang tiyahin niya sa pagdating ng ‘di inaasahang bisita.

“Bitiwan mo siya! Akin lang ang babeng ‘yan!” matigas na sabi ng lalaki.

Si Kevin! Titig na titig ito sa kaniya, hindi niya naman magawang tumingin nang diretso dahil baka umasa na naman siyang ito ang prinsipeng magliligtas sa kaniya. Hindi totoo ‘yon dahil sa fairy tale lang iyon nangyayari at hindi sa totoong buhay.

“Sino ka bang pangahas ka? Akin ang babaeng ito, bayad na ito!” inis na sabi ni Mr. Sichon.

“Ako lang naman ang boyfriend ng babaeng ina-aswang mo! Kaya kapag hindi mo siya binitiwan ay manghihiram ka ng mukha sa aso!” sigaw niya.

Natameme ang tabachoy na matanda, sa laki ng katawan ni Kevin at sa tangkad nito ay kayang-kaya siya nitong ibalibag.

Binitiwan ni Mr. Sichon si Apple, pagkatapos ay hinila ni Kevin ang braso niya palapit rito. Kumuha ng tseke ang lalaki, sinulatan at ibinigay sa kaniyang tiyahin. Nang makita ni Celia ang halaga na nakasulat sa tseke ay halos mawalan ng malay ito.

“Diyos ko, napakalaking halaga nito! Buhay na buhay na ako nito!” tuwang-tuwang sabi ng babae.

“Bayad na si Apple, akin na siya!” wika ni Kevin saka kinaladkad nito ang dalaga papunta sa kotse.

“Ano pa ba ang gusto mo sa akin? Bakit mo ba ginagawa ito?!” pagalit na tanong niya kay Kevin habang nagmamaneho ito.

“Ikaw na nga ang iniligtas ko, ikaw pa ang galit?” sagot ng binata.

“Bakit nga? Alam mo, marami pa namang babae diyan, eh na pwede mong gawing parausan. Huwag na ako, dahil ayokong tuluyang mahulog sa iyo, Kevin! Mabuti pa ay balikan mo na si….’yung babae mo dahil …magkaka-baby na kayo! Ayusin mo na ang buhay mo!” buong tapang niyang sabi.

Natawa si Kevin sa sinabi niya.

“Anong nakakatawa?” tanong niya.

“Alam mo, Apple, noon ko pa gustong ipahuli sa mga pulis ang tiyahin mo, kaso sabi mo noon ay siya na lang ang natitirang kamag-anak mo mula nang iwan ka ng nanay mo at ‘di ka na binalikan, sabi mo’y kahit ganoon siya sa iyo’y mahal mo pa rin siya kaya pinagbigyan ko pa rin siya para sa iyo. Kung alam mo lang kung gaano kasakit sa akin ang ginagawa niya sa iyo. Halos mabaliw din ako kakahanap sa iyo nang umalis ka sa bahay ko,” hayag ni Kevin. “Si Francine…she is my ex, dati ko siyang girlfriend. Hindi totoo ang nabasa mo sa selpon ko, dahil ang ipinagbubuntis niya ay hindi ko anak. Ipinapaako lang niya sa akin dahil ayaw siyang panagutan nung lalaking nakabuntis sa kaniya. Matagal na kaming wala, isang taon na. Noong araw na tumawag siya sa akin ay kinukulit niya ako, pero hindi na ako nagpaloko pa sa kaniya. Hindi ko na siya mahal, dahil iba na ang mahal ko at ikaw iyon, Apple,” saad pa ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Apple sa ipinagtapat ni Kevin.

“Wala na kayo?”

Tumango ang binata. “Oo, wala na kami. Kaya nga ako bumalik dito sa probinsya para ayusin ang buhay ko at para balikan ang isang mahalagang tao sa aking nakaraan,” makahulugang sabi nito.

Tila naguluhan naman si Apple sa sinabi ni Kevin, nalilito siya pero hinawakan ng lalaki ang mga kamay niya.

“Hindi mo na ba ako natatandaan, Apple?” tanong ni Kevin.

“Anong ibig mong sabihin?”

May dinukot sa bulsa niya si Kevin at ipinakita kay Apple.

“Ito? Natatandaan mo?”

Nanlaki ang mga mata ni Apple nang makita ang kwintas na hugis puso at kulay ginto. Hindi niya malilimutan ang kwintas na iyon dahil pang-aari iyon ng isang batang tinulungan niya noon.

“T-teka, iyan ‘yung….J-Jokjok?!” gulat na sabi ng dalaga.

Natatawang tumango ang binata,” Joaquin Kevin ang tunay kong pangalan at ‘Jokjok’ ang aking palayaw. Sinubukan kong balikan itong lugar kung saan tayo unang nagkakilala. Nang malaman ko ang ginagawa sa iyo ng tiyahin mo’y sobra akong naawa sa iyo, totoo pala ang sinabi mo noon na ibebenta ka niya kaya gumawa ako ng paraan para maialis kita sa ganoong klaseng buhay. At ito nga ang naisip ko, ang ‘bilhin kita’ sa kaniya.

Laking tuwa ni Apple dahil ang batang tinulungan niya noon at naging kaibigan at ang lalaking iniibig niya ngayon ay iisa pala. Minasdan niyang mabuti si Kevin, ito nga ang batang mukhang ‘Kano na kalaro niya noon dahil hanggang ngayon ay mukhang Amerikano pa rin ito kahit wala namang dugong banyaga.

Niyakap siya ni Kevin. “Mahal na mahal kita, Apple, nang nagkasama tayo sa bahay at lubusan kang nakilala ay mas lalo kitang minahal. Pakiusap, huwag mo na akong iiwan,” sabi ng binata na hinalikan ang kaniyang noo.

Napayakap na rin siya sa lalaki. “Mahal din kita, Kevin, mahal na mahal.”

Pinag-aral ni Kevin si Apple, tinupad ng binata ang pangarap ng kasintahan na maging flight stewardess. Matapos ang isa pang taon ay nagpakasal na sila. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa na malapit nang maging magulang dahil nakatakda nang isilang ni Apple ang kanilang panganay na anak. Sa wakas, natagpuan na niya ang prinsipeng makakasama niya habang buhay.

Advertisement