Inday TrendingInday Trending
Malaki ang Ipinagbago ng Dalaga Mula Noong Umuwi Siya Galing Ibang Bansa; Tunay Nga Kaya ang Kumakalat na Tsismis Tungkol sa Kaniya?

Malaki ang Ipinagbago ng Dalaga Mula Noong Umuwi Siya Galing Ibang Bansa; Tunay Nga Kaya ang Kumakalat na Tsismis Tungkol sa Kaniya?

“Ang laki talaga ng ipinagbago ni Myrna ‘no? Noon, napakahinhin at dalagang Pilipina pa ‘yan, ngayon daig pa bayaran kung manamit!” ani Aling Ciena, ang kapitbahay nilang numero unong tsismosa.

“Naku! Sinabi mo pa, mare. Hindi ko na nga halos makilala noong nakita ko e, kasi sobrang laki na talaga ng ipinagbago niya,” segunda ni Aling Belen, at animo’y nahihintakutang nag-antanda pa na para bang nakakatindig balahibo ang nakikitang pagbabago kay Myrna.

“Alam mo kung ano ang narinig kong sabi-sabi kaya nagkakaganyan si Myrna? Bayarang babae daw kasi iyan doon sa Japan, kaya tingnan mo naman ‘di ba, ang laki na talaga ng ipinagbago – mula sa lakad, pananamit at pananalita. Kung noon ay hindi siya makabasag pinggan, ngayon Diyos ko! Ang bastos na ng bunganga,” ani Aling Ciena.

Ang totoo’y hindi lang sina Aling Ciena at Aling Belen ang nagtataka sa malaking pagbabago ni Myrna, na dating napakahinhin, dahil halos lahat ng mga nakakilala kay Myrna noon ay labis ang pagkabigla sa pagbabago ng dalaga.

“Sa tingin mo mare, papakasalan pa rin kaya siya ni Cardo? Hindi ba’t naghintay talaga si Cardo sa pagbabalik ni Myrna at balak nga niyang pakasalan ang babae? Pero paano iyan ngayon e ang laki na ng ipinagbago ni Myrna sa dating minahal nito,” ani Aling Belen, may himig pag-aalala.

“Si Cardo ang makakasagot sa tanong mo na iyan, mare. Kasi ang alam ko, kaya niya minahal noon si Myrna e dahil sa kainosentehan nito, pero ngayong nawala na ang dating Myrna ay hindi ko na rin alam kung balak pa rin ba niyang ituloy ang pagpapakasal sa babae,” sagot naman ni Aling Ciena.

Hindi man intindihin ni Myrna ang nasasagap niyang tsismis ay hindi niya maiwasang hindi masaktan sa panghuhusga ng kaniyang mga kapitbahay. Minsan nga’y pinagalitan na niya ang kapatid na si Robert dahil sa kakahatid nito ng masamang balita tungkol sa kaniya. Bukod sa mga kapitbahay nila’y mas ikinabigla rin ng kaniyang buong pamilya ang kaniyang pagbabago.

Naglilingkod sa simbahan ang pamilya niya dahilan kaya lumaki siyang mahinhin at hindi makabasag pinggan. Ngunit noong nagdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa ay unti-unting nawala ang pagkamahinhin niya’t hindi makabasag pinggan na ugali.

Ang dating nakasanayan, lahat ay nawala sa kaniya. Gaya na lang ng pagsusuot ng mahabang pantalon at may manggas na damit. Ngayon ay nagsusuot na siya ng maiiksing shorts, at saka kung hindi tube dress ay spaghetti strap ang mga sinusuot niyang damit na mahigpit na ipinagbabawal ng kaniyang buong angkan – dahilan upang layuan at husgahan siya ng mga ito.

Katulad na lang ngayon… nandito lang sa loob ng bahay ang bunsong kapatid na si Robert, nakabusangot ang mukha at ayaw lumabas dahil naiinis sa kantiyaw na naririnig sa mga mapanghusga nipang kapitbahay.

“Bakit ka nagpapaapekto? Naniniwala ka bang bayaran ako doon sa Japan kaya ka naiinis sa kanila?” inis niyang kausap sa kapatid.

Katwiran niya, hindi por que nagbago na ang pananamit, kilos, at salita niya’y ibang tao na siya.

“Syempre hindi,” nakabusangot nitong sagot. “Nasasaktan kasi ako na sinasabihan ka nila ng masama. Saka sasabihin pa nila na hindi ka na papakasalan ni Kuya Cardo, kasi ayaw niya sa mga babaeng kagaya mo, lasinggera, bastos magsalita, mahilig sa mga ganiyang damit at mukhang babaeng bayaran. Syempre ate kita kaya ayokong nakakarinig ng gan’yang mga salita sa ibang tao. Kaya kaysa lumabas ng bahay ay mas maigi na lang na dito na lang muna ako, hindi pa ako makakahanap ng away,” ani Robert.

Malalim na naglabas ng buntong hininga si Myrna. Naiintindihan at naaawa siya sa kapatid. Pati ito’y naapektuhan sa panghuhusgang natatanggap niya sa ibang tao. Gaano ba kasama ang malaking pagbabago niya sa sarili, dahil kung siya lang ang tatanungin ay wala naman siyang ginagawang masama.

Ginusto niyang magbago’t baguhin ang sarili. Wala naman siyang nasaktang ibang tao sa desisyon niyang iyon, kaya hindi niya talaga maintindihan kung bakit kailangan siyang parusahan ng mga tao sa paligid niya dahil lang sa hindi nito nagustuhan ang pagbabagong nakita sa kaniya.

Inakbayan niya si Robert saka mahinahong nagsalita. “Alam mo, mas maiging huwag mo na lang pansinin ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa’kin, Robert, kasi alam naman natin na walang katotohanan ang lahat ng sinasabi nila sa’kin,” aniya saka nagkibit-balikat.

“Nagtatrabaho ako bilang nurse sa Japan, at walang katotohanan iyang sinasabi nilang isa akong bayarang babae, kaya ganito na ako manamit ngayon. At saka kung sakaling hindi na ako pakasalan ni Cardo dahil sa malaking pagbabago ko, pwes hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo, ‘di ba? Kung tanggap niya ang pagbabago ko, mas okay, pero kung hindi naman ay okay pa rin. Walang problema, kaya hayaan mo na ang panlilibak nila sa’kin,” nakangiti niyang kausap sa kapatid.

“Hindi ka apektado, ate?” nag-aalalang tanong nito.

“Apektado, pero ano naman ngayon? Hindi hihinto ang buhay natin dahil sa panghuhusga nila. Hayaan mo na lang sila, basta alam ko at alam mo na hindi ako ganoong klaseng babae. Ano naman kung walang magpakasal sa’kin? Kaya ko kayang buhayin sarili ko,” aniya saka matamis na ngumiti.

Matamis na ngumiti si Robert saka niyakap ang kapatid. Tama ito… hindi niya kailangang pakinggan ang mapanghusgang sasabihin ng ibang tao sa ate niya at wala siyang dapat ipaliwanag sa mga ito at lalong wala siyang dapat patunayan, dahil kilala niya ang kaniyang kapatid.

At kung talagang mahal siya ni Cardo, tatanggapin nito ang bagong ate niya at hindi na hahanapin ang dating ate niyang matagal nang nawala sa sistema nito. Kung ayaw man nito sa maganda niyang kapatid, wala silang pakialam, maraming lalaki ang magkakandarapa sa maganda at mabait niyang ate.

Pinili ni Myrna ang magbago at walang nag-utos sa kaniyang baguhin ang sarili. Hangga’t wala siyang ginagawang masama ay wala siyang dapat na ipag-alala.

Advertisement