Dahil Nakaranas ng Marangyang Buhay sa Maynila ay Nakalimutan ng Binata ang Kanyang mga Magulang sa Probinsya, Hanggang sa Isang Trahedya ang Nangyari
“Bro, where are you? Let’s have a party tomorrow night at Migz’ condo.”
Sasagutin palang sana ni Roy ang text message ng isang kabarkada ay bigla namang tumawag ang kanyang ina mula sa probinsya.
“Hello?”
“Hello, anak birthday ng papa mo bukas. Umuwi ka daw at gusto ka niyang makita.”
Napakamot ng ulo ang binata. Pinipilit na naman siya ng mga ito na umuwi sa kanilang probinsya. Ilang beses niya nang sinabi sa mga magulang na hangga’t maaari ay ayaw niya munang umuwi doon dahil bukod sa hindi na siya sanay sa buhay-probinsya, ay hinahanap-hanap niya na rin ang night life sa Maynila.
Ito yung tipong gabi-gabi ay may party at gig siyang pupuntahan kasama ng mga kabarkada.
“Anak? Hihintayin ka namin ng papa mo ha?”
“Ma, nagpadala na naman ako ng panghanda sa birthday ni Papa, diba? Bakit kailangan pang ako mismo ay magpunta d’yan?” inis niyang turan sa ina.
“Syempre naman anak, gusto ka rin naming makitang muli at makapiling,” mahinahong sagot ng mama niya.
“Sinabi ko naman pong busy ako. Tsaka tuwing pasko naman ay umuuwi ako d’yan diba? Huwag niyo na akong alalahanin dito. Palagi ko naman kayong papadalhan ni Papa ng pera.”
Hindi nagpatinag si Roy. Imbes na umuwi sa probinsya at i-celebrate ang kaarawan ng ama ay mas pinili niyang makisaya sa party ng kaibigan.
“This is the best party ever!” tuwang-tuwang tinig niya habang lasing na lasing.
Dala ng espiritu ng alak ay hindi na rin namalayan ng binata ang mga tawag ng ina sa kanyang cellphone.
Madaling-araw na siya nagising muli at nagkamalay. Habang masakit ang ulo ay tinignan niya ang cellphone upang sipatin ang oras.
Nakita niya ang napakaraming missed calls at text messages, “Sila mama na naman siguro to.”
Binasa niya isa-isa ang mga text message. Ang mga naunang mensahe ay ang pagtatanong ng kanyang ina kung pupunta daw ba siya. Sumunod ay ang halos pagmamakaawa nito na umuwi siya upang makita siyang muli ng kanyang ama.
Ang hindi niya mapaniwalaan ay ang mga huling mensahe ng ina.
“Nasaan ka na anak? Hinahanap ka ng papa mo. Naninikip ang dibdib niya. Parang-awa mo na umuwi ka na.”
“Diyos ko, Roy! Inatake ang papa mo! Umuwi ka na dito!”
“Kritikal ang kundisyon ng papa mo. At ikaw pa rin ang hinahanap niya.”
Bigla siyang kinabahan sa mga nababasa. Tila ayaw niya nang basahin pa ang mga sumunod na mensahe. Naiiyak na siya sa sobrang pagsisisi sa sinapit ng kanyang ama.
Kahit nahihirapan ay pinagpatuloy niya pa rin ang pagbabasa. Halos himatayin siya nang mabasa ang kahuli-hulihang text message ng ina.
“Wala na ang papa mo.”
Iyak nang iyak si Roy sa balitang natanggap. Hindi niya akalaing aabot sa ganoon ang lahat. Sising-sisi siya na mas pi niya pa ang mga kaibigan at sariling kasiyahan, kaysa sa sariling magulang.
Pag-uwi niya sa probinsya ay ang ataul ng kanyang ama ang sumalubong sa kanya. Hingi siya nang hingi ng tawad sa malamig na bangkay nito. Ngunit kahit na gaano kalakas pa ang kanyang pag-iyak at paghingi ng tawad ay hindi na nito naririnig ang lahat ng iyon.
Sabi nga nila, dalawang tao lamang ang pinagkakautangan natin ng napakalaking halaga-at ito ay ang mga magulang natin. Hangga’t naririyan pa sila ay dapat nating iparamdam kung gaano tayo nagpapasalamat at kung gaano natin sila kamahal.
Dahil kailanman ay hindi tamang ipakita ang pasasalamat, paghingi ng tawad at pagmamahal sa malamig na bangkay ng mga magulang. Kaya hangga’t naririnig pa nila tayo, ay bakit hindi natin sabihin sa kanila ang mga simpleng salita tulad ng “Sorry”, “Thank you”, at “I love you.”