Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pagtataka ng Lalaki Dahil sa Pagiging Matulungin ng mga Magulang Niya sa Kabila ng Kahirapan; Isang Malaking Aral Pala Mula sa mga Ito ang Babago ng Buhay Niya

Labis ang Pagtataka ng Lalaki Dahil sa Pagiging Matulungin ng mga Magulang Niya sa Kabila ng Kahirapan; Isang Malaking Aral Pala Mula sa mga Ito ang Babago ng Buhay Niya

Kilalang-kilala ang ama ni Tommy bilang isang magaling at mabait na negosyante noon, ngunit sa paghina ng ekonomiya ay kasabay rin noon ang pagbagsak ng negosyo ng kanilang pamilya. Kahit na magkaganoon ay nanatili pa ring bukas ang kanilang tahanan para sa mga nangangailangan.

Sa pagbagsak ng negosyo ay unti-unti nang nakaranas ng kahirapan ang pamilya nila Tommy, ngunit patuloy pa rin sa pagtulong sa kapwa ang kanyang mga magulang, isang bagay na hindi naman niya maintindihan kung bakit.

“Tao po? Tao po?” pagtawag ng isang madungis na lalaki, “maaari po bang makahinga ng kaunting tulong?” wika ng isang estranghero mula sa kanilang pinto.

Alam naman na ni Tommy ang mangyayari pag mayroong ganong eksena. Uutusan siya ng kanyang ina upang pagbuksan ng pinto at papasukin ang mga taong hihingi ng tulong sa kanila.

“Anak, paupuin mo muna sila ha? Ipaghahanda ko lamang sila ng pagkain,” pakiusap ng ina ni Tommy.

Paglabas ng ginang ay may dala na siyang mainit na lugaw, tinapay at maiinom para sa mga nangangailangan. Hindi nagsasawa ang kanyang ina sa pagtulong hanggang sa minsan ay hindi na niya maiwasan ang magtanong.

“Mama, hindi po ba naghihirap na rin tayo? Bakit patuloy pa rin tayo sa pagbibigay sa kanila ng pagkain? Paano kung tayo naman po ang maubusan?” tanong ni Tommy.

“Anak, ang mga taong lumalapit sa atin ay yung mga taong walang-wala talaga. Wala naman sila tahanan na masisilungan na katulad natin. Tandaan mo anak, walang taong nalulugi sa pagtulong.

“Kaya hangga’t makakaya ay tutulong tayo sa ibang tao upang makapaghatid ng kaunting ginhawa sa kanila,” pagpapaliwanag ng ina.

Tinandaan ni Tommy ang paalala ng ina. Habang lumalaki ay naging inspirasyon na rin niya ang pagtulong sa kapwa. Pinagbuti pa niya ang pag-aaral hanggang sa makapagkolehiyo.

Sa huling taon sa kolehiyo sa kursong Business Administration ay naging kapos naman na sa pera ang pamilya. Sa ganoong pagkakataon ay nasaksihan ni Tommy ang kapangyarihan ng pagtulong.

Nalalapit na ang huling araw para sa enrolment ni Tommy, ngunit wala pa rin siyang kapera-pera upang matustusan ang pangmatrikula. Habang nakaupo malapit sa eskwelahan ay lumapit sa kanya ang isang malapit na kaibigan.

“Tommy, para sa’yo ito oh,” pag-aabot ng tatlong libong piso, “sana ay makatulong ito sa pag-aaral mo. Ipinaaabot sa’yo ng aking ama dahil minsan din kaming napaluwagan ng iyong magulang, ito tanggapin mo,” nakangiting wika ng kaibigan.

“Teka ito rin,” pagsabat naman ng isa pa nilang kaibigan babae, “nalaman kasi ng mama ko ang nangyari sa iyo. Ipinabibigay niya ang dalawang libong ito upang makatapos ka rin daw ng pag-aaral.”

Hindi naman makapaniwala si Tommy sa mga nangyayari. Hindi niya lubos maisip na mayroong mga tao ang tutulong sa kanyang problema.

“Maraming salamat sa inyo. Pangako papalitan ko ito pag ako’y nagkatrabaho na,” wika naman ni Tommy.

“Huwag na Tommy. Sa halip na bayaran mo kami, ay itulong mo na lang ito sa iba kapag ikaw ay nakaluwag na,” tugon ng isang kaibigan.

“Pangako kong gagawin ang sinabi ninyo. Tutulong ako sa marami kapag ako ay isa nang tagumpay na negosyante. Maraming salamat sa lahat ng tulong ninyo,” naluluha ngunit nakangiti niyang sagot.

Dahil sa natanggap na tulong ay nakumpleto nga ni Tommy ang kanyang digri. Patuloy siyang nagsumikap ng marami pang taon hanggang sa maging isang ganap na negosyante.

Naging matagumpay siya at namayagpag ang mga negosyong binuksan. Unti-unti niyang naibangon ang pamilya mula sa kahirapang naranasan. Nakapagbukas siya ng mga negosyo sa iba’t ibang lugar at nakapagsulat ng libro tungkol sa kanyang buhay.

Nang maging lumipas pa ang ilang taon ay binalikan niya ang pangakong ginawa noon. Kanyang ibinenta ang ilang ari-arian at saka inimpok ang pera. Lumago ng lumago ang perang ito at inilaan hindi para sa kanyang sarili kundi para sa ibang tao.

Ang limang libo na natanggap niya noong siya ay nag-aaral lumago at pumalo sa milyon. Kanyang itinulong ito sa iba’t ibang kawanggawa. Nakatulong siya upang makapagpagawa ng ilang ospital sa malalayong lugar at mga ambulansya na magagamit ng mga nangangailangan.

Nagkaroon din ng libreng pagpapagamot sa mga bata at matatanda. Ilang mga nakatira sa kalsada ang napag-aral at napagtapos at marami pang tulong siya sa mga nangangailangan. Halos lahat ng kinikita niya ay sa pagtulong lamang napupunta, dahil lubos itong ikinalulugod ng kanyang puso.

Naging posible ang lahat ng ito sa tulong ng isang halimbawa na ipinamalas ng kanyang ina at ng ilang mababait na kaibigan. Sa kwento ng kanyang buhay ay mapapatunayan na ang pagtulong sa kapwa ay hindi isang aksidente kundi isang desisyon at ang taong taos sa puso sa pagtulong ay hindi kakapusin at halip ay lalo pang pagpapalain.

Advertisement