Inday TrendingInday Trending
Halos Sumuko na ang Babaeng Ito sa Dami ng Hirap na Pinagdaanan Niya sa Buhay, Ngunit Buong Puso Pa rin Siyang Lumaban Para sa Pangarap na Inaasam-asam

Halos Sumuko na ang Babaeng Ito sa Dami ng Hirap na Pinagdaanan Niya sa Buhay, Ngunit Buong Puso Pa rin Siyang Lumaban Para sa Pangarap na Inaasam-asam

Pang-anim si Mary Ann sa sampung magkakapatid. Lumaki siya sa isang probinsiya sa Rizal kung saan sila ay namumuhay ng tahimik. Bagama’t marami sila sa pamilya ay napaghuhusto naman nila ang gastos sa araw-araw.

Lahat ay nagbago nang magkaroon ng malalang sakit ang kanyang ama. Simula noon ay tanging ang ina na lamang niya ang kumakayod para sa pamilya. Tumanggap ng maraming labada at plantsahin ang ina para lamang maitawid sa gutom ang pamilya sa araw-araw.

Naging mahirap ang kanilang buhay simula noon. Marami silang kumakain at sabay-sabay pa silang nag-aaral. Upang makatulong sa gastusin ay napilitan magtigil ang mga nakatatandang kapatid at namasukan bilang kasambahay. Sa ganoong paraan ay nakakatulong sila sa panggamot ng ama at pambili ng pagkaing pagsasalu-saluhan.

Pumapasok siya sa eskwelahan na tanging sampung piso lamang ang dala. Naglalakad siya ng kalahating oras simula sa bahay hanggang paaralan, at paaralan hanggang makauwing muli sa bahay. Tinitiis niya ito upang makapag-aral at matuto lamang.

Nagkalakal siya ng mga bote, bakal at kung anu-ano pang maaring ibenta upang mayroong ipambili ng tinapay na makakain sa pagpasok sa eskwela ngunit kahit magkaganoon ay hindi pa rin niya pinabayaan ang pag-aaral, sa katunayan ay nagtapos siya ng elementarya ng may mataas na parangal.

Nang tumungtong ng high school ay doon mas naramdaman ni Mary Ann ang hirap ng buhay. Wala silang kuryente kaya ang lumang plantsang ginagamitan ng uling lamang ang ginagamit ng kanyang ina upang unatin ang mga damit na ginagamit pampasok.

Nagtitipid sila sa kuryente kaya’t habang may araw pa ay nag-aaral na siya ng mga leksyon, dahil sa gabi ay tanging maliit na ilaw galing sa sinindihang lampara lamang ang nagsisilbing tanglaw nila.

Naging bente pesos naman na ang baon ni Mary Ann sa paraalan noon. Sapat na para sa pamasake at isang pirasong tinapay na may palamang keso na kanyang makakain sa araw-araw. Para makatulong sa ina ay kumuha siya ng pansamantalang trabaho tuwing sabado at linggo.

Nagtrabaho siya sa pagawaan ng walis ting-ting at doon ay kasama siya sa gubat na nangunguha ng mga dahon ng niyog upang kaskasin at gawing walis. Sa pamamagitan nito ay nakakaipon siya ng pambaon na kanyang magagamit sa buong linggo.

Sa loob ng apat na taon ay siya na mismo ang sumasagot sa baon niya. Hindi na siya humingi pa sa kanyang nanay at siya na mismo ang bumibili ng mga gamit na gagamitin sa eskwela.

Hindi nakaligtas si Mary Ann sa mga mapanghusgang mata ng mga tao at kaklase.

“Mary Ann payatot!” sigaw ng isang kaklase habang nagtatawanan ang iba.

“Bakit hindi mo pa isama ang sarili mo sa mga ting-ting na ginagawa at binebenta mo tutal kasing katawan mo naman ang mga iyon!” tawa pa ng isang babaeng kaklase.

“Walang nakakatawa sa ginagawa ko. Para ito sa nanay ko at para sa pag-aaral ko. Walang kahit sino sa inyo ang may karapatan laitin ako!” naiiyak na depensa naman ni Mary Ann.

“Iiyak na yan! Iiyak na yan!” pang-aasar pa ng mga kaklase, “Mary Ann ting-ting!” at saka muling mga nagtawanan ito.

Walang ibang magawa si Mary Ann kundi ang tanggapin ang pang-aasar ng ibang mga kaklaseng nakakaangat sa buhay. Iilan lang din ang mga kaibigan na mayroon siya kaya’t palihim na lamang din siyang umiiyak paminsan-minsan.

Minsan habang nagkikinis ng ting-ting ay hindi niya namalayang pumapatak na ang kanyang mga luha.

“Bakit ba ako nagtitiis ng ganito? Bakit ba hindi na lang ako ipinanganak na may kaya gaya ng iba? Bakit ba pahira ng pahirap na lamang ang buhay ko?” lumuluha niyang tanong sa sarili.

Dumarating ang mga oras na nais na siyang sumuko, pero mas matimbang sa kanyang puso ang kagustuhang maiahon sa kahirapan ang pamilya. Di naman din naglaon at nakatapos siya ng hayskul.

Nag aplay siya bilang iskolar sa isang kolehiyo. Pinayuhan siya ng kanyang ina na magtrabaho na lang muna at huwag na munang mag-aral, ngunit buo ang kanyang loob na makapagtapos. Buong tapang niyang haharapin kung anuman ang magiging buhay na kanyang papasukin sa kolehiyo.

Natanggap siya bilang iskolar at mayroong allowance na P1,500.00 kada buwan. Tila ba ay nakalutang siya sa alapaap dahil sa mga nangyayari. Nag-aral siya ng mabuti sa kursong Edukasyon na may espesyalidad para sa mga batang mayroong espesyal na pangangailangan at sinigurong mapapanatili ang iskolarsyip na nakuha.

Bago makatapos ay isang matinding dagok na naman ang dumating sa kanilang buhay, pumanaw na ang ama ni Mary Ann. Nagsipag-asawa naman na ang mga kapatid na katuwang ng ina noon, kaya’t isang sakripisyo na naman ang kinakailangan niyang gawin.

Ang buwanang baon na natatanggap mula sa eskwela ay ginagamit na lamang niya upang ipambili ng pagkain para sa pamilya. kinailangan niyang bumalik muli sa pagkikinis at paggagawa ng ting-ting upang magkaroon ng ekstrang pera.

Naging mas masigasig siya at hindi ininda ang hirap na nararanasan. Kada tapos ng semester ay tumatanggap siya ng parangal sa pagiging Dean’s lister sa paaralan, at sa tulong ina, ilang mga kaibigan at mga sumusuporta ay nakapagtapos si Mary Ann na Cum Laude sa paaralan.

Pagkababa sa entablado ay sinalubong niya ang inang lumuluha. Hinawakan niya ang magagaspang na kamay ng ina sa tagal ng paglalabadang ginawa nito at saka siya napaluhod sa harapan nito.

“Nay, nakatapos na ako. Makakatulong na ako sa inyo ng mas maayos. Matutupad ko na ang mga pangarap ko para sa inyo ng mga kapatid ko,” lumuluhang sambit niya.

“Lahat ng pagpupursigi mo anak ay nagbubunga na. Ipinagmamalaki kita anak, dahil nakita ko ang sigasig mo,” tugon naman ng ina.

Itinayo ng ginang si Mary Ann at saka ito niyakap ng sobrang higpit. Hinubad ng dalaga ang suot na medalya at saka isinuot ito sa ina.

“Hindi lang ako ang nakapagtapos dito nanay, ikaw rin. Bunga din lahat ito ng pagmamahal at pagtitiyaga mo. Para sa inyo ito nay!” sabi ni Mary Ann habang nakayakap ng mahigpit sa ina.

Nagsumikap pa siya at nakakuha ng magandang trabaho. Napag-aral na ni Mary Ann ang mga nakababatang kapatid at pinatigil na ang ina sa paglalabada. Hindi lamang dito natapos ang magagandang pangyayari sa kanyang buhay.

Habang nagtuturo ay nabuksan ang oportunidad ni Mary Ann na makapag-aral pa. Pinagsabay niya ito at nakakuha ng Master’s degree. Matapos noon ay nagkaroon ng alok sa kanya na makapagtrabaho sa Estados Unidos.

Agad na tinanggap ni Mary Ann ang alok na trabaho sa ibang bansa. Noong una’y nahirapan siyang makisama sa mga banyaga dahil siya lamang ang Pilipino doon, pero wala siyang planong sumuko dahil lamang sa nahihirapan, mas pinagbutihan pa niya ang pagtatrabaho.

Makalipas lamang ang ilang buwan ay nakatanggap siya ng parangal bilang pinakamagaling na empleyado sa buwang iyon. Mas naging pursigido pa siyang pagbutihan ang pagtatrabaho upang makaipon at may ipadalang malaki sa pamilya.

Kinailangan niyang kayanin at yakapin ang mga pagbabago sa kanyang buhay. Nanalangin siya at nanindigan na kakayanin niya ang mga pagsubok. Ngayon ay nasa Amerika pa rin siya at nagtuturo sa mga bata doon.

Gusto niyang doblehin pa ang ginhawang dinaranas ng pamilya. Lahat ng pagsisipag at pagpupursigi niya ay inaalay niya sa pamilyang nakasuporta lamang lagi sa kanya. Hindi siya humihintong mangarap. Sa pagtanaw niya sa nakaraan ay isang malaking aral ang kanyang natutunan at dala-dala.

Ang pagkikinis ng mga ting-ting, mga panlalait ng ibang tao at ang matinding kahirapan ang nagpaalala sa kanya na hindi dapat ikahiya ang pagiging mahirap at hinding-hindi dapat sumuko sa pangarap.

Advertisement