Nang Unti-Unting Mabura ang Memorya ng Misis, Buong Pusong Nagtiyaga ang Asawa Niya Upang Ipaalala sa Kanya ang Nakakalimutan Nilang Pagmamahalan
Taong 2000 nang magsimulang pahirapan si Connie ng sakit na epilepsy. Ayon sa mga doktor, ang kanyang karamdaman ay sanhi ng kanyang pagkaaksidente noong siya ay dalaga pa. Tila palala ng palala ang naging kondisyon ni Connie.
Madalas na siyang atakihin ng panginginig at bukod dito ay naging kapansin-pansin ang pagbabago sa pag-iisip ng babae. Isang araw habang nasa opisina ay kinausap siya ng kanyang boss.
“Connie, ayos ka lamang ba? Hindi ba’t naibigay mo na sa akin ang kopya ng mga dokumentong ito?” wika ng kanyang boss habang ipinapakita ang mga papel na hawak, “bakit muli mo akong binigyan ng mga kopya?”
“Nako sorry po. Mukhang namalik-mata ako kaya hindi ko po siguro napansin agad, pero boss eto po natapos ko na yung ibang dokumento na ipinahahanda ninyo,” tugon ng babae habang ipinapakita ang mga dokumento.
“Ito rin ay kapareho ng mga dokumento na ipina-photocopy ko kanina ah? Sigurado ka bang ayos ka lamang Connie? Hindi ba kailangan mo munang magpahinga?” nag-aalalang tanong ng boss.
Labis na ikinabahala ni Connie ang insidenteng iyon kaya nagmadali siyang magpatingin sa isang doktor. Napag-alaman na dumadaranas ang babae ng isang uri ng hindi pangkaraniwang amnesia dulot ng aksidente noon. Dahil dito ay hindi muna siya pinayagang mag trabaho.
Sumailalim ang babae sa isang operasyon upang tanggalin ang ilang mga nasirang selula sa utak. Matapos nito ay bahagyang humupa ang mga pag-atake ng sakit sa kanya, subalit tila naging permanente na ang kanyang pagkalimot.
Sa tuwing gigising siya sa umaga ay hindi na niya maalala ang mga petsa. Hirap na rin siyang magbasa dahil mabilis niyang nakakalimutan ang mga detalye sa mga binabasa, bukod pa rito ay nahihirapan na rin siyang kumabisado ng mga numero ng telepono.
Nang minsan siyang namili sa grocery ay hindi na niya maalala kung paano makakauwi. Isang malaking dagok ang pangyayaring ito sa buhay ni Connie, mabuti na lamang at hindi siya iniwan ng kanyang asawa na si Anthony.
Araw-araw ay kailangan magtiyaga ni Anthony upang gabayan ang asawa. Naalala man ni Connie ang pangalan ng asawa, subalit nakakalungkot isipin na hindi na niya maalala na sila ay kasal na.
“Anthony?” tanong ng babae, “kaano-ano nga pala kita ulit? Bakit ikaw ang kasama ko ngayon?”
“Ako ang asawa mo, Connie. Ako ang makakasama mo sa pagtanda hanggang sa huling sandali ng ating buhay,” malumanay na sagot ng lalaki.
“Kailan tayo nagpakasal? Bakit hindi ko maalala?” naguguluhang tanong ng babae.
“Eto tingnan mo ang wedding album natin,” itinuturo ng lalaki ang bawat pangyayari at masasayang alaala sa bawat litrato.
“Ang galing naman. Mag-asawa pala tayo, hindi ko kasi maalala eh. Hindi ko alam kung bakit?” nangingiting saad ng babae.
Araw-araw ay kailangan ipakita ni Anthony ang kanilang wedding album upang ipaalala sa asawa ang relasyon na mayroon sila. Aminado ang lalaki na nakakapagod ang kanyang ginagawa, ngunit hinding-hindi siyang mapapagod na araw-araw na mahalin ang kanyang asawa.
“Connie, mahal ko, kung dumating man ang araw na hindi ka na gumaling, pangako ko na araw-araw sa iyong ipapaaala ang pagmamahalan nating dalawa. Hinding-hindi ako magsasawa na alagaan ka dahil mahal na mahal kita,” wika ng lalaki sa kanyang asawa.
“Maraming salamat, Athony. Napaka-tiyaga mo sa akin, kahit na hindi ko matandaan kung ano ang relasyon nating dalawa. Salamat sa pag-aalaga mo sa akin,” sagot naman ng babae.
“Nangangako akong manatili sa tabi mo at alagaan ka sa abot ng aking makakaya. Gusto kong malaman mo mula sa kaibuturan ng aking puso na kahit ano pang mangyari sa atin, kahit saan pa tayo dalhin ng tadhana sa buhay na ito ay parati natin mahahanap ang daanan patungo pa rin sa piling ng isa’t isa,” saad ni Anthony habang hawak-hawak ang kamay ng asawa.
“Napakaswerte ko naman sa’yo. Patawad kung bukas ay makalimutan ko na naman itong tagpong ito, pero habang sariwa pa ito sa aking memorya, pakatandaan mo na lubos ang pagpapasalamat ko sa pagmamahal mo.
“Sa buhay na ito hanggang sa susunod, ay patuloy akong magpapasalamat sa pagmamahal at pag-aalaga na ibinibigay mo sa akin,” naluluhang pasasalamat ni Connie.
Naging pasakit man ang karamdaman ng babae, sa kabilang banda ay may bentahe pa rin itong hatid sa kanya. Kapag nanonood sila ng telebisyon ay hindi niya nahahatalang replay naman ang mga ito. Kapag nakakarinig siya ng mga lumang biro ay parang laging bago ito sa kanya.
Dahil sa kondisyon ay araw-araw niyang nasasariwa ang pag-iibigan nilang mag-asawa at araw-araw niyang hinaharap ang biyaya ng isang bagong umaga. Mapalad pa rin si Connie dahil ang pag-ibig sa kanya ni Anthony ay parang wedding album, ito ay naluluma subalit hindi nababago ang kanilang matatamis at mga masasayang alaala.